top of page
Search

ni Lolet Abania | August 12, 2021



Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kabuuang P3.693 bilyon karagdagang pondo para sa cash assistance program sa Metro Manila, Bataan at Laguna.


Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, ang P2.715 bilyon ay ibibigay sa Laguna, P700 milyon para sa Bataan, at P278 milyon sa Metro Manila.


“The President has approved ECQ Ayuda as follows: P700M - Bataan, P2.715B - Laguna,” ani Malaya sa isang text message ngayong Huwebes.


“Yes, the President also approved an additional P278M for [Metro] Manila as requested by the DILG and NCR LGUs,” dagdag ni Malaya.


Pinayuhan naman ang ahensiya ng Department of Budget and Management (DBM) na ayon kay Malaya, ang budget ay ida-download na lamang sa kani-kanyang local governments ng Huwebes o Biyernes.


Isinailalim ang Metro Manila, Laguna, at Bataan sa enhanced community quarantine (ECQ) para maiwasan ang hawaan at pagkalat pa ng Delta COVID-19 variant sa bansa.


Una nang naglabas ang DBM ng P10.894 bilyon upang makapagbigay ng financial assistance sa mga apektadong indibidwal at pamilya sa National Capital Region.


Ang naturang ayuda ay nasa halagang P1,000 kada indibidwal o P4,000 kada pamilya.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 10, 2021



Ipinagbabawal na sa Metro Manila ang mga outdoor exercises ngayong isinailalim ang rehiyon sa enhanced community quarantine (ECQ), ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).


Saad ni MMDA chairman Benhur Abalos, Jr., "Bilang panghuli, nagpasa rin kami ng resolution ngayon lang hapon na ultimo paglabas ng bahay, maski exercise, bawal na po.


“Sapagka't importante for the next two weeks, mapangalagaan ang mga nasa Metro Manila.”


Samantala, ang NCR ay isasailalim sa ECQ hanggang sa Agosto 20.

 
 

ni Lolet Abania | August 9, 2021



Sinampahan ng kaso ng mga awtoridad ang limang indibidwal na nagpakalat umano ng fake news hinggil sa COVID-19 vaccination program ng gobyerno, ayon sa Malacañang.


Isinisi naman ng mga opisyal ng gobyerno ang maling impormasyon na natanggap, na ang mga unvaccinated ay hindi bibigyan ng cash aid sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ), kaya dinumog ng mga tao ang ilang vaccination sites sa Manila at Las Piñas sa Metro Manila at sa Antipolo City sa Rizal.


“The police has said that cases have been filed against five people for unlawful utterances,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa press briefing ngayong Lunes, batay sa impormasyong ibinigay sa kanila ng Philippine National Police-Directorate for Investigation and Detective Management (PNP-DIDM).


Matatandaang isinailalim ang Metro Manila sa ECQ, ang pinakamahigpit na quarantine level, na nagsimula noong Agosto 6 hanggang 20 para maiwasan ang pagkalat pa ng mas nakahahawang Delta COVID-19 variant.


Noong Hulyo 28, nagbigay naman ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis at barangay officials na huwag payagan ang mga hindi pa bakunado na gumala-gala sa kalsada upang maiwasan ang pagkalat ng virus.


Gayunman, nabanggit ni Roque na ayon kay Pangulong Duterte, hindi na dapat sisihin ang mga dumagsang indibidwal na nagtungo sa mga vaccination centers sa Metro Manila.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page