top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 14, 2021


ree

Nakikipag-ugnayan ang mga Metro Manila mayors sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa isinusulong na unified vaccination card.


Ayon kay Parañaque Mayor Edwin Olivarez sa isang panayam, isinumite na umano ng mga lokal na pamahalaan sa DICT ang listahan ng mga bakunado nang residente para sa naturang vaccine card project.


Aniya, “Napag-usapan po namin ‘yan sa Metro Manila Council. In fact, ‘yung aming mga IT ay patuloy na nagda-download na po sa DICT para sa unified vaccination card. So, tuluy-tuloy po na ginagawa ‘yan ng LGU rito sa Metro Manila."


Aniya, bago matapos ang buwan ng Agosto ay inaasahang maisusumite na rin ang lahat ng listahan ng mga LGUs.


Saad pa ni Olivarez, “Lahat naman po kaming LGUs, may system kami… I-download lang ‘yan sa DICT para sa concentration ng data para roon sa unified vaccination card."


Samantala, noong Huwebes pa inatasan ng DICT ang mga LGUs na magsumite ng listahan ng mga bakunado nang residente na kanilang nasasakupan at ayon kay Secretary Gregorio “Gringo” B. Honasan II, nakikipag-ugnayan na rin ang ahensiya sa Department of Health para sa vaccine certificate na ibibigay sa mga nakakumpleto na ng bakuna laban sa COVID-19.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 14, 2021


ree

Pinabulaanan ni Trade Secretary Ramon Lopez ang kumakalat na balitang palalawigin pa ang pagsasailalim sa Metro Manila sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil wala pa umanong nagaganap na pagpupulong ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa extension ng hard lockdown sa rehiyon.


Aniya sa isang teleradyo interview, “Siguro kailangang malinawan din natin na isa pong fake news o rumor ang lumabas kahapon na mag-e-extend ang ECQ.


“Wala pang ganoong usapan. In fact, hanggang August 20 lang ‘yung napag-agree-han.”


Noong Agosto 6, isinailalim ang National Capital Region (NCR) sa ECQ hanggang sa August 20.


Samantala, ayon kay Lopez, ibabase sa numero ng COVID-19 cases ang pagluluwag o paghihigpit ng quarantine classification sa bansa.


Aniya pa, “Marami-rami na ring nag-a-agree ngayon na mag-modified ECQ at mag-granular lockdown na lang dahil nga sa idinudulot na pagpatay nito sa ekonomiya pati rin sa mga kabuhayan ng ating mga kababayan.”

 
 

ni Lolet Abania | August 12, 2021


ree

Ipinagpaliban muna ng Department of Trade and Industry (DTI) ang napipintong pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin para makabawas sa hirap na dinaranas ng mga konsyumer sa gitna ng 2-linggong hard lockdown sa Metro Manila at iba pang mga pamilihan sa bansa.


“Yes, we have postponed any adjustment on SRPs (suggested retail prices), especially during ECQ (enhanced community quarantine),” ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez.


Matatandaang noong nakaraang Hunyo, pinayagan ng DTI ang ilang brands ng mga basic goods na magtaas ng kanilang presyo ng P0.25 hanggang P0.75 o tinatayang nasa 3.5% dahil sa pagtaas din ng halaga ng mga raw materials nito.


Inaprubahan ng ahensiya ang taas-presyo sa pangunahing bilihin kabilang ang sardines, canned meat, noodles, gatas at kape, kung saan magiging epektibo ito ngayong Agosto.


Ang pag-apruba sa price increase ay ginawa matapos na i-lift ng DTI ang mahabang buwan na price freeze sa mga pangunahing bilihin noong Hulyo 9.


Gayunman, ang Metro Manila ay isinailalim sa ECQ mula Agosto 6 hanggang 20. Bukod sa National Capital Region (NCR), ang mga lalawigan ng Laguna at Cagayan de Oro at ang Iloilo City ay isinailalim na rin sa pinakamahigpit na quarantine classification. Gayundin, ang Bataan ay nasa ECQ na mula Agosto 8 hanggang 22, dahil ito sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 at pagkalat ng Delta variant.


Sa ilalim ng ECQ protocol, ang mga essential trips at essential services gaya ng pagkain at medisina lang ang pinapayagang mag-operate.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page