top of page
Search

ni Mercy Lejarde - @Showbiz Talkies | October 13, 2021




Sa mediacon ni senatorial candidate Raffy Tulfo, hiningan namin ng komento ang broadcast journalist tungkol sa mga DDS na nagbanta na mag-a-unsubscribe sa kanyang YouTube channel dahil sa isyu sa kanila ni President Rodrigo Duterte.


Bukod sa negatibo sa panlasa ng mga DDS supporters ang nabalita na tatakbo bilang bise-presidente si Raffy na siyang posisyon na nauna nang nabalitang tatakbuhan ni Pangulong Duterte, nabigyan din ng ibang interpretasyon ang pagge-guest ng broadcast journalist sa A.S.A.P. Natin 'To ilang Linggo na ang nakakalipas.


Dito ay nabanggit ni Raffy ang pagkawala ng franchise ng ABS at ang pagbabanggaan diumano ng 16 milyong DDS sa halos 50 milyon niyang subscribers.


Inulan nang katakut-katakot na pambabatikos si Raffy mula sa mga DDS at nagbanta na mag-a-unsubscribe na sila sa social media accounts nito.


Ayon kay Raffy, ang pag-a-unsubscribe ay opsiyon sa YouTube at may mga tao na ine-exercise ito. Karapatan ito ng kahit na sino at wala siyang anumang sama ng loob sa mga gumawa nito sa kanya.


Nang tanungin din namin kung nakapag-usap na ba sila ni Pangulong Duterte para maibigay naman ang panig niya sa isyu, paliwanag sa amin ng broadcast journalist, hindi pa sila nagkakausap at alam niya na maraming problema itong kinakaharap mapa-tungkol sa bansa o sa personal man nitong buhay.


Pero kung may mga malalapit na tao sa pangulo na gagawa ng paraan para makapag-usap sila, matutuwa at buong-puso siyang papayag kaagad.


Sa banta naman ng BIR na bubuwisan na ang mga YouTubers na kumikita nang malaki sa kanilang mga channels, sang-ayon dito si Raffy dahil siya ay nagbabayad ng buwis. Para sa broadcast journalist, dapat lang na magbayad ang mga YouTubers na tulad niya dahil kumikita sila at nararapat lamang na ibahagi ito sa bayan.

Bilang tumatakbong senador sa ngayon, ang kagustuhan na higit na makatulong sa mga nangangailangan ang nagbigay ng rason kay Raffy para tumakbo at magsilbi sa bayan sa pamamagitan ng pulitika.

 
 

ni Mercy Lejarde - @Showbiz Talkies | October 11, 2021




Sa mediacon ni Idol Raffy Tulfo as kakampi ng mga inaapi ay natanong ni yours truly ang sikat na broadcaster kung bakit umatras siya sa pagiging ka-tandem daw ni Sen. Manny Pacquiao as vice- president this coming 2022 national elections, and the following ay ang kanyang naging kasagutan…


“Thank you for asking that question. Sana 'yung question mo na 'yan, itigil na ng mga makukulit lalo na sa social media na talagang kinukulit at kinukulit pa rin ako na akala, may intention akong tumakbo sa pagka-bise-presidente na in the first place, para banggain si Pangulong Duterte.


“Umatras po ako dahil wala po ako talagang balak na tumakbo sa pagka-bise-presidente dahil mataas ang respeto ko kay PRRD. So bakit ko siya babanggain?


"And at the same time, mataas din po ang respeto ko kay Tito Sen (Tito Sotto) na matalik na kaibigan ko pati ng kapatid ko na si Kuya Mon.


"At hindi po ako ambisyoso. Napakataas po ng posisyon na 'yan para sa akin. Siguro, once na may time, puwede pa."


'Niwey, base sa ipinamahaging press release ng publicist ni Raffy Tulfo na si kapatid na Joey Sarmiento, ang gusto raw tutukan at tulungan ni Idol Raffy kung saka-sakaling mananalo itong senador ay ang sektor ng mga manggagawa, mapa-lokal man o OFWs.


"Araw-araw sa aking programa, karamihan sa mga lumalapit ay mga OFWs at manggagawa na nakararanas ng pang-aabuso sa kanilang employers at hindi nabigyan ng tamang suweldo o benepisyo. Panahon na upang tuldukan ito," ani Tulfo.


Una sa listahan ng mga legislative agenda nito ang paglikha ng Department of OFWs na tututok sa pagbabantay sa kapakanan at proteksiyon ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.


Magbabalangkas din daw siya ng panukala na magpaparusa sa mga lokal na employers na mabibigong magbayad ng tamang sahod at benepisyo sa kanilang mga manggagawa.


"Titiyakin natin na maparurusahan ang mga employers na hindi nagbabayad ng tamang suweldo sa kanilang mga manggagawa," pangako pa niya.


At tiyak na matutuwa nito si PAO Chief Persida Rueda-Acosta dahil kapag nanalong senador si Idol Raffy, isusulong daw niya ang mas malaking pondo para sa Public Attorney's Office para makapagbigay ito ng libreng tulong sa mahihirap na Pilipino na walang kakayahang kumuha ng serbisyo ng abogado.


"Nais kong mabigyan ng sapat na proteksiyon sa batas ang ating mga kapus-palad na mga kababayan upang hindi sila palaging inaapi-api ng mga mayayaman at makapangyarihan," dagdag pa niya.


Well, harinawang tuparin lahat ni Idol Raffy ang mga pangako niya, dahil kung magiging maganda ang kanyang performance sa Senado, tiyak na mas malayo pa sa pagiging senador ang mararating niya.


'Yun na!

 
 

ni Mercy Lejarde - @Showbiz Talkies | October 10, 2021




Nagpahayag na ang Star for All Seasons na si Vilma Santos na hindi na siya tatakbo sa kahit anong posisyon this coming 2022 elections. Gayunpaman ay sinabi nitong patuloy pa rin daw siyang tutulong sa madlang pipol sa abot ng kanyang makakaya.


Tipo kasing ini-enjoy ni Ate Vi ang kanyang vlog sa YouTube dahil masaya siyang nakikipagtsikahan kasama ang anak na si Luis Manzano at ang wifey nitong si Jessy Mendiola.


‘Niwey, kung si Vilma ay out na sa pulitika or sa Kongreso, si Superstar Nora Aunor naman ang tipong papalit kay Ate Vi at totohanan na nga ang balita ‘coz nagbigay na ng press statement ang Superstar.


“NORA AUNOR PRESS STATEMENT


“Ako po si Nora Cabaltera Villamayor o mas kilala bilang Nora Aunor sa Philippine Showbiz ay kumpirmado pong tatakbo po sa Halalan 2022 sa pamamagitan po ng party list na (NORA A) National Organization for Responsive Advocacies for the Arts.


“Sa mahigit limampung taon ko po sa entertainment industry ay marami pong umuudyok sa akin na pasukin po ang public service. Ito na po siguro ang tamang pagkakataon para po pagbigyan ang mga taong nagsusulong at naniniwala sa akin na ako po ay makakatulong lalo na po sa mga nangangailangan. Panahon na po para maibahagi ko rin ang mga adbokasiya at mga plataporma na aking binuo para po sa kapakanan ng nakakarami.”


Una sa listahan ng mga gustong tulungan ni Ate Guy ay ang mga kasamahan niya sa industriya na gusto niyang mabigyan ng sapat na medical assistance, gayundin ang mga nasa media na karamihan ay walang fixed na suweldo.


Aniya, “Sa tagal ko na po sa industriya ay naging saksi po ako sa hindi magandang trato sa mga naging kasamahan ko sa trabaho lalo na po ang mga maliliit na manggagawa na bukod sa hindi po nababayaran nang tama ay hindi po naibibigay ang nararapat para sa kanila.”

Pangalawa, gusto raw niyang mabigyan ng dagdag na pensiyon ang mga tulad niyang senior citizen na.


“Sa akin po kasing obserbasyon ay mas nakikinabang nang malaki ang mga nasa mauunlad na bayan na may malaking IRA. Kawawa po ang mga nasa malalayong pamayanan na wala pong pondo ang kanilang mga munisipalidad. Ang gusto ko pong maisabatas dito ay magkaroon ng National Fund para makinabang po ang mga senior citizens sa buong Pilipinas.”


Pangatlo sa mga gusto niyang tutukan ay magkaroon ng karagdagang pondo para sa mga OFWS.


“Para po hindi na maulit ang malagim na sinapit ng iba po nating kababayang OFWs. Karapat-dapat po silang bigyan ng atensiyon dahil napakalaki po ng kontribusyon nila sa ekonomiya ng ating bansa.”


Pang-apat, gusto niyang madagdagan ang pondo ng mga state universities para marami pang mga kabataan ang makinabang at magkaroon ng magandang kinabukasan. Gusto rin daw niyang isulong na mapataas ang suweldo ng mga guro.


Panglima, dahil malapit kay Ate Guy ang mga members ng LGBTQIA+, gusto raw niyang magsulong ng mas mabagsik na batas na poprotekta sa mga bading at tibo para magkaroon ng patas na karapatan at hindi ma-discriminate.


Ang iba pang sector na gustong tutukan at tulungan ni Ate Guy ay ang mga magsasaka, ang pangangailangang pang-kalusugan ng mga Pinoy at ang kabuhayan.


Aniya pa, “Ang lahat po ng ito ay maisasakatuparan ko po kung ako po ang inyong susuportahan. Wala po akong ibang hangad kundi ang makatulong at maipadama po sa inyo ang aking mabuting hangarin.”


Good luck sa ating nag-iisang Superstar!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page