top of page
Search

ni Melba R. Llanera @Insider | Feb. 19, 2025



Mikee ALex

Photo: Mikee at Alex - Alex Gonzaga Official


Saludo kami sa lalim at kadalisayan ng pagmamahal ni Konsehal Mikee Morada sa asawang si Alex Gonzaga. 


Sa nakaraang interbyu nito sa Toni Talks (TT), napag-usapan ang pangatlong beses na pagkakalaglag ng anak nila ng asawa at kung paano nila ito hinarap ni Alex. 


Nabanggit doon ni Mikee na kung saka-sakaling hindi sila biyayaan ng Panginoon ng anak ay matatanggap niya na silang dalawa lang ni Alex ang nakatakdang magsama habambuhay. 


Sa panayam namin sa konsehal sa nakaraang Barako Festival 2025 na ginanap sa Manila-Batangas Road Inauguration nu’ng nakaraang February 13, inamin ni Mikee na mas lalong tumatag ang samahan nila ni Alex bilang mag-asawa at lalong lumalim ang pagmamahal at pag-aalala niya rito. 


Siniguro niyang muli na kung hindi nga sila bibiyayaan ng anak ng nasa Itaas ay matatanggap nilang mag-asawa. 


Lagi nilang ipinagdarasal na mangyari kung ano talaga ang dapat na mangyari at kung anuman ang sinabi niya ay galing sa puso niya. Ipinagpapasalamat din niya na matapang at matatag si Alex at sa magandang pagpapalaki at matibay na pananampalataya nito sa Panginoon ay hindi naging mahirap para sa kanila na tanggapin ang mga nangyari. 


Positibo at marami sa mga netizens ang nagkomento na sana ay makatagpo sila ng isang Mikee Morada sa buhay nila. Ayon kay Mikee ay nakakataba ng puso at nakaka-humble ang sinasabi na ito ng ibang tao at iniaalay niya sa nasa Itaas ang lahat ng papuring ito.


Tinanong din kung magha-honeymoon ba silang muli ni Alex. Pahayag ni Mikee ay honeymoon days naman daw ‘pag magkasama silang dalawa ng asawa.  

Tumatakbo ngayon si Mikee bilang vice-mayor ng Lipa, Batangas sa ticket ng pamilya Recto. Mula nang pumasok sa mundo ng pulitika ay nasa ticket na si Mikee ng Star for All Seasons at ni Sen. Ralph Recto at ipinagmamalaki niya ang nakita niyang magagandang pagbabago at pag-unlad sa ilalim ng termino ng mga ito.



ISINASANTABI na muna ni Jessy Mendiola ang balak niyang maging aktibo sa showbizness kung saan nabalita na isa sa mga nakalinya niyang gagawin ay ang seryeng balik-tambalan nila ni Gerald Anderson, kung saan una silang nagkapareha noon sa seryeng Budoy ng ABS-CBN. 


Ang dahilan ay para sumuporta sa kandidatura ng asawang si Luis Manzano bilang vice-governor ng Batangas, kung saan kasa-kasama si Jessy sa pangangampanya ni Luis sa mga kababayan nilang Batangueño. 


Tinanong din namin sina Luis at Jessy kung hindi ba magiging isyu sa kanilang mag-asawa kung saka-sakaling may kissing scene ang Kapamilya actress sa eksenang gagawin. Ayon kay Luis ay walang magiging problema sa kanya basta kakailanganin talaga ito sa eksena, bagay na sinang-ayunan naman ni Jessy. 


Pahayag naman sa amin ng aktres, alam niya na hindi ito magiging problema sa asawa dahil lumaki ito na isang aktres ang inang si Vilma Santos.  


Nang kumustahin namin kung papayag ba siya na mag-showbiz si Baby Peanut, walang pagdadalawang-isip na sinagot agad kami ng aktres na susuportahan niya ang anak sa kung ano ang gusto nito at ‘di siya hahadlang kung saan sasaya ang mga mahal niya sa buhay.


 
 

ni Melba Llanera @Insider | Feb. 11, 2025






Mukhang hindi naman nag-iisa ang aktres na si Andi Eigenmann kung anuman ang pinagdaraanang pagsubok ng relasyon nila ngayon ni Philmar Alipayo, dahil kumakalat ngayon sa social media ang mga larawan na kumakain ang magdyowa kasama ang lolo at lola ng aktres na sina Rosemarie Gil at Eddie Mesa sa Siargao. 


Isang kaibigan namin na kasalukuyang nasa Siargao ang nagsabi na nakita rin daw niya sa restaurant na pag-aari nila na magkasama ang controversial couple. 


Sa parte ni Andi, alam namin na bukas talaga ito na maayos pa ang pagsasama nila ni Philmar dahil sa Instagram (IG) post ng dating aktres ay kinlaro nito na hindi niya sinabing “cheater” o niloko siya ng fiancé, kundi may isang “ahas” na itinuring nilang kaibigan ang sumisira sa kanilang relasyon.


Nakakalungkot lang na puwede palang magkaayos pero umabot pa sa puntong nagmistulang pamperya ang problemang pinagdaanan nila dahil ibinrodkas pa nila ito sa social media, kung saan inabangan at pinagpiyestahan ng mga netizens ang mga kaganapan sa kanilang pagsasama. 


Parehong na-bash ng ilang netizens sina Philmar at Andi. May mga nagsabi na karma lang daw ito sa dating aktres dahil sa ginawa nito dati kay Albie Casiño na ikinasira ng career ng aktor. 


Katakut-takot naman na panlalait ang ibinato kay Philmar kung saan tinawag itong ‘pangit’, at ginawa pang meme ng iba na ang surfer daw ang patunay na walang katotohanan ang pinasikat na kanta ni Andrew E. na Humanap Ka Ng Panget.


Sana ay maging aral na ito, hindi lang kina Andi Eigenmann at Philmar Alipayo kundi sa lahat, na hindi dapat maging takbuhan ang social media sa tuwing may problema sa relasyon dahil hindi naman ibang tao ang dapat magpatakbo nito kundi ang dalawang taong involved lang.



SA ngayon pa lang ay nagbubunyi na ang mga Kapamilya solid supporters dahil sa bill na isinampa sa Kongreso para pagkalooban muli ng franchise ang ABS-CBN para sa free TV airing. 


May ilan din naman ang nagsasabi na baka kapag naaprubahan na ito ay magso-solong muli ang Kapamilya Network at mabubuhay muli ang mahigpit na kompetisyon sa pagitan ng mga TV networks. 


Ngayon kasi ay naging bukas ang ABS-CBN sa collaboration sa ibang istasyon, kung saan napapanood na sa ibang network ang kanilang mga shows at mga artista. 

Pinaka-latest nga ay mapapanood na sa GMA-7 ang Pinoy Big Brother Collab Edition (PBBCE). Ito ay para sa 20th year celebration ng show kung saan balita na si Gabbi Garcia ang isa sa magiging mga hosts. 


Wala pang sinasabi kung kailan ang release date pero inaabangan na ito ng mga avid viewers ng naturang programa.


Ang pagkawala ng franchise ng ABS-CBN ay masasabing nagpabago sa viewing habit ng mga Pinoy kung saan ang social media platform gaya ng YouTube (YT) at Netflix ang naging takbuhan ng mga dating TV viewers. 


Sana lang, kung saka-sakaling maipagkaloob muli sa ABS ang franchise para makapag-operate sa free TV, patuloy pa rin silang maging bukas sa collaboration sa ibang istasyon na naging hudyat ng pagtatapos ng mahigpit na kompetisyon sa TV industry.

 
 

ni Melba Llanera @Insider | Feb. 9, 2025






Pinaninindigang muli ni Alexa Miro na wala talaga silang relasyon ni Congressman Sandro Marcos at pagkakaibigan lang ang namamagitan sa kanila. 


Kinlaro rin niyang hindi ito nanliligaw o nagpaparamdam sa kanya. Pero inamin naman ni Alexa na kung manliligaw sa kanya ang Presidential Son, malaki ang pag-asa nito.  


Papuri nga ng aktres, kagalang-galang at marunong magbigay ng respeto at importansiya sa mga taong nakakasalamuha niya si Cong. Sandro.  


Sa isyung lumabas noon na nakita siyang isinakay nito nang solo sa private plane, paliwanag ni Alexa, lagi namang nagsasakay ang kongresista ng mga kaibigan nito sa private plane papuntang Ilocos o La Union. Maaaring birthday ng isa nilang kaibigan o kaarawan mismo ng congressman ‘yung nakitang sumakay siya sa private plane nito.


At dahil sa nature ng trabaho niya bilang isang artista, kung saan madalas ay galing siya sa taping o shooting, lagi siyang nahuhuli sa event, kaya wala naman daw masama kung gumamit man siya ng plane.


Personal na rin niyang na-meet ang First Family. Pagkukuwento ni Alexa, mababait na tao ang pamilya Marcos at mainit siyang tinanggap nina Pangulong Bongbong at First Lady Liza Araneta bilang kaibigan ng anak nila.  


Inamin din sa amin ni Alexa na noong kasagsagan ng isyu sa kanila ni Cong. Sandro, naiyak siya nang isa o dalawang linggo dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay na-bash siya. Bilang isa sa itinuturing niyang matalik na kaibigan, si Cong. Sandro ang nagpayo sa kanya na kailangan niyang tatagan ang loob niya. Bilang isang artista, parte na ng buhay nila ang mga isyu at intriga, at kung may isang bagay na nakatakdang mangyari, mangyayari talaga ito.  


Naging takaw-pansin sa nakaraang Gabi ng Parangal ng MMFF nang magkahawak-kamay na naglalakad sina Alexa at Rob Gomez. 


Paliwanag ni Alexa, magkaibigan lang sila ng Kapuso actor, dating magkasama sa isang

show sa GMA, at hindi ito dapat bigyan ng kulay o malisya.  


Ine-enjoy ang kanyang pagiging freelance artist, napanood si Alexa sa Tropang LOL (TLOL) ng TV5 at Tahanang Pinakamasaya (TP).



Mukhang hindi natanong si McCoy de Leon sa nakaraang presscon ng In Thy Name (ITN) tungkol sa totoong estado ng relasyon nila ni .Elisse Joson. 


May isang anak silang si Baby Feliza, na ngayon ay tatlong taon na.  


Noong nakaraang taon, pumutok ang isyung “MOMOL” o “making out-making out lang” sa pagitan nina Elisse at Joshua Garcia sa Star Magic Christmas Ball nang mahuli diumano sila ni McCoy na naghahalikan habang lasing sa party.


Nanatiling tikom ang bibig ng dalawa sa isyu, kung saan lumipad pa-Japan si Joshua kasama ang Filipino-French athlete girlfriend niyang si Emilienne Vigier. Samantala, napabalitang nagalit nang husto at nakapagsalita nang hindi maganda si McCoy laban sa kapwa aktor. 


Hindi pa klaro kung hanggang ngayon ay nagsasama pa sa iisang bubong sina McCoy at Elisse, dahil nakatutok ang aktor sa taping ng Batang Quiapo (BQ), kung saan ginagampanan niya ang role bilang David.  


Ang naaalala lang namin noon ay ang balitang tutol diumano ang doktorang ina ni Elisse sa pakikipagrelasyon nito kay McCoy, pero ipinaglaban ni Elisse ang boyfriend sa kanyang ina.  


Wish namin na kung may problema man sa pagitan nina Elisse at McCoy, sana ay maayos at malagpasan nila ito, lalo’t bukod sa ipinaglaban nila noon ang kanilang relasyon, may anak silang pinakamaaapektuhan kung maghihiwalay sila.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page