top of page
Search

ni Melba Llanera @Insider | Feb. 9, 2025






Pinaninindigang muli ni Alexa Miro na wala talaga silang relasyon ni Congressman Sandro Marcos at pagkakaibigan lang ang namamagitan sa kanila. 


Kinlaro rin niyang hindi ito nanliligaw o nagpaparamdam sa kanya. Pero inamin naman ni Alexa na kung manliligaw sa kanya ang Presidential Son, malaki ang pag-asa nito.  


Papuri nga ng aktres, kagalang-galang at marunong magbigay ng respeto at importansiya sa mga taong nakakasalamuha niya si Cong. Sandro.  


Sa isyung lumabas noon na nakita siyang isinakay nito nang solo sa private plane, paliwanag ni Alexa, lagi namang nagsasakay ang kongresista ng mga kaibigan nito sa private plane papuntang Ilocos o La Union. Maaaring birthday ng isa nilang kaibigan o kaarawan mismo ng congressman ‘yung nakitang sumakay siya sa private plane nito.


At dahil sa nature ng trabaho niya bilang isang artista, kung saan madalas ay galing siya sa taping o shooting, lagi siyang nahuhuli sa event, kaya wala naman daw masama kung gumamit man siya ng plane.


Personal na rin niyang na-meet ang First Family. Pagkukuwento ni Alexa, mababait na tao ang pamilya Marcos at mainit siyang tinanggap nina Pangulong Bongbong at First Lady Liza Araneta bilang kaibigan ng anak nila.  


Inamin din sa amin ni Alexa na noong kasagsagan ng isyu sa kanila ni Cong. Sandro, naiyak siya nang isa o dalawang linggo dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay na-bash siya. Bilang isa sa itinuturing niyang matalik na kaibigan, si Cong. Sandro ang nagpayo sa kanya na kailangan niyang tatagan ang loob niya. Bilang isang artista, parte na ng buhay nila ang mga isyu at intriga, at kung may isang bagay na nakatakdang mangyari, mangyayari talaga ito.  


Naging takaw-pansin sa nakaraang Gabi ng Parangal ng MMFF nang magkahawak-kamay na naglalakad sina Alexa at Rob Gomez. 


Paliwanag ni Alexa, magkaibigan lang sila ng Kapuso actor, dating magkasama sa isang

show sa GMA, at hindi ito dapat bigyan ng kulay o malisya.  


Ine-enjoy ang kanyang pagiging freelance artist, napanood si Alexa sa Tropang LOL (TLOL) ng TV5 at Tahanang Pinakamasaya (TP).



Mukhang hindi natanong si McCoy de Leon sa nakaraang presscon ng In Thy Name (ITN) tungkol sa totoong estado ng relasyon nila ni .Elisse Joson. 


May isang anak silang si Baby Feliza, na ngayon ay tatlong taon na.  


Noong nakaraang taon, pumutok ang isyung “MOMOL” o “making out-making out lang” sa pagitan nina Elisse at Joshua Garcia sa Star Magic Christmas Ball nang mahuli diumano sila ni McCoy na naghahalikan habang lasing sa party.


Nanatiling tikom ang bibig ng dalawa sa isyu, kung saan lumipad pa-Japan si Joshua kasama ang Filipino-French athlete girlfriend niyang si Emilienne Vigier. Samantala, napabalitang nagalit nang husto at nakapagsalita nang hindi maganda si McCoy laban sa kapwa aktor. 


Hindi pa klaro kung hanggang ngayon ay nagsasama pa sa iisang bubong sina McCoy at Elisse, dahil nakatutok ang aktor sa taping ng Batang Quiapo (BQ), kung saan ginagampanan niya ang role bilang David.  


Ang naaalala lang namin noon ay ang balitang tutol diumano ang doktorang ina ni Elisse sa pakikipagrelasyon nito kay McCoy, pero ipinaglaban ni Elisse ang boyfriend sa kanyang ina.  


Wish namin na kung may problema man sa pagitan nina Elisse at McCoy, sana ay maayos at malagpasan nila ito, lalo’t bukod sa ipinaglaban nila noon ang kanilang relasyon, may anak silang pinakamaaapektuhan kung maghihiwalay sila.


 
 

ni Melba Llanera @Insider | Feb. 6, 2025






Ngayong inamin na ni Herlene Budol na sumailalim siya sa series of psychological therapy nang madawit ang pangalan niya sa isyu nina Rob Gomez, Bianca Manalo at sa live-in partner ng Kapuso actor na si Sheila Rebortera — kung saan pinagpiyestahan ng mga netizens ang nag-leak na private messages ni Rob sa dalawang Magandang Dilag (MD) co-stars — naalala namin kung ano ang ipinayo ng dati niyang manager at ngayon ay Ahon Mahirap first nominee na si Wilbert Tolentino kay Hipon Girl.  


Sa panayam namin noon kay Wilbert sa nakaraang pagbisita niya sa Malabon para magkaloob ng mga bigas at e-trikes sa iba’t ibang barangay doon, ibinahagi ng Ahon Mahirap first nominee na ang ipinayo niya kay Herlene ay magsabi lang ito ng katotohanan at maglabas ng official statement.  


Kuwento pa ni Wilbert, tiningnan niya ang mga screenshots na nag-leak, at marami rito ay hindi galing kay Herlene — pinaghalu-halo na lang ng ibang vloggers at ginamit sa accounts nila para makakuha ng maraming views. 


Ayon pa kay Wilbert, sinabihan niya ang dating alaga na wala silang dapat iisyung public apology dahil single noong panahon na iyon si Rob. Sa ini-release nitong statement, kinlaro niya na walang katotohanan ang mga paratang at pinalala lang ito ng iba.  


Si Herlene pa rin ang mukha ng Ahon Mahirap at hindi naging rason ang mga negatibong isyu para hindi ito kunin ng naturang partylist. 


Paliwanag sa amin ni Wilbert, si Herlene ang perpektong halimbawa ng isang tao na hindi alintana ang kahirapan para abutin ang kanyang pangarap at baguhin ang kanyang buhay—na siyang adbokasiya ng Ahon Mahirap.  


Sa kabilang banda, ibinalita rin sa amin ni Wilbert na pagkatapos ng dalawang taon ay plano niyang isali uli si Herlene sa isang international beauty pageant, lalo't nananatili ang pangarap nito na maging international beauty queen. 


Sa ngayon, nakapokus muna ang Kapuso actress sa kanyang series sa GMA, ang Binibining Marikit (BM), na ayon sa aktres ay siyang pagtutuunan niya ng panahon at atensiyon.  


Sorry, mga kafatid! TRANS AT MAY-ASAWA, BAWAL SA MISS WORLD PHILS. QC 2025


SAMANTALA, sa nakaraang Ms. World Philippines Quezon City 2025, pormal na humarap sa media ang sampung contestants para sa kanilang national costume presentation. 


Suot ang kanilang mga naggagandahan at makukulay na national costumes sa event na ginanap sa Grand West Side Hotel, lumutang ang ganda at kaseksihan ng mga kandidata.  


Nakapanayam din namin dito ang franchise director ng Ms. World Philippines Quezon City 2025 na si Ms. Jen Jarina. Ayon sa kanya, ang hinahanap niya sa mananalo ay may magandang mukha at katawan, matalino, may social awareness, leadership, at magandang attitude. 


Ikinuwento rin niya na magaganap ang coronation night nito sa darating na April 5 sa Novotel Manila. Ang kokoronahan bilang Ms. World Philippines Quezon City 2025 ay isasali sa Ms. World Philippines national pageant sa ilalim ng franchise na pinangungunahan ng National Director nito na si Arnold Vegafria — bukod pa sa P300,000 thousand bilang cash prize.  


Hiningan namin ng reaksiyon kung bukas ba ang Ms. World Philippines Quezon City sa mga transwoman at sa mga may-asawa na nagbabalak sumali rito. 


Ayon kay Ms. Jen Jarina, naniniwala siya na may tamang beauty pageants para sa kanila, at ang Ms. World Philippines QC ay para lamang sa mga single at straight na babae.

 
 

ni Melba Llanera @Insider | Feb. 1, 2025






Agad na binigyang-linaw ni Sanya Lopez na hindi patungkol kay Barbie Forteza ang Instagram (IG) post niya nu'ng Enero tungkol sa karma. 


May caption kasi ito na: “God removes people from your life because He heard the conversation,” na agad na inakala ng maraming netizens na pinapatamaan dpaw ni

Sanya ang ex-girlfriend ng kapatid na si Jak Roberto, lalo’t kahihiwalay pa lang ng dalawa.  


Paliwanag naman sa amin ng Kapuso actress, may respeto siya sa dalawa at sa naging relasyon nila, bukod pa sa itinuturing din niyang kaibigan ang Pulang Araw (PA) co-star. 


Ayon kay Sanya, maraming assumptions ang ibang tao sa mga tulad niyang artista na walang alam sa totoong nangyayari o sa personal niyang buhay. Nawala rin sa isip niya na may hiwalayan na nga palang naganap sa dalawa, lalo na’t wala siyang ideya kung kailan talaga nag-break sina Barbie at Jak.  


Siniguro rin niya sa amin na wala siyang ni katiting na sama ng loob o tampo kay Barbie dahil naniniwala siya na lahat ng mga nangyayari ay may dahilan at wala sa bokabularyo niya ang makialam sa relasyon ng may relasyon.  


Well, tinanong din namin kung nakapag-usap na ba sila ni Jak tungkol sa kinauwian ng relasyon nito at ni Barbie. Nagpakatotoo namang inamin ni Sanya na hindi pa sila nagkakausap ng kanyang Kuya Jak dahil bukod sa pareho silang busy, kilala niya ang kapatid na hindi ito mag-o-open hangga’t hindi pa ito handa. 


Dagdag pa niya, kapag handa nang magbukas ng saloobin ang kapatid, lagi naman siyang handang makinig at magbigay ng suporta.  


Naging emosyonal siya sa nakaraang guesting sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) nang mapag-usapan ang tungkol sa pamilya, kaya nag-espekula ang iba na baka may problema silang kinakaharap. 


Paliwanag sa amin ni Sanya, maayos ang relasyon nila ng kanyang pamilya at ang tanging problema lang ay ang kakulangan ng oras dahil sa sobrang hectic ng kanyang schedule, lalo na sa sunud-sunod na taping na kadalasan ay locked-in.  


Naniniwala rin siya sa kasabihang, “Strike while the iron is hot,” kaya’t basta kaya niya at maganda naman ang materyal, kanyang tinatanggap.  


Kasama siya sa seryeng Samahan Ng Mga Makasalanan (SNMM) ng GMA-7, pero proud pa rin si Sanya sa magandang feedback ng PA na ayon sa kanya ay kasama sa ia-archive sa Lunar Codex na ipapadala sa moon (buwan).  



SAMANTALA, para kay mayoralty candidate Isko Moreno, ang hiling ng kanyang kapwa-Manileño at ang kagustuhang maibalik ang kaayusan at kalinisan ng Maynila ang dahilan kung bakit tatakbo siyang muli bilang alkalde. 


Katiket niya si Chi Atienza na anak ni dating Manila Mayor Lito Atienza, na kilala na rin sa larangan ng pulitika.  


Ang actor-politician ang nag-induct sa bagong halal na mga opisyal ng Philippine Movie Press Club para sa taong 2025 na pinamumunuan ng bagong pangulo nito na si Mell Navarro. 


Dito ay nagbitaw din ng salita si Isko na kung papalarin siyang maihalal muli, ipapagamit niya ang Metropolitan Theater sa Star Awards, ang taunang award-giving body ng club.  


Tatakbo rin bilang konsehal ng Maynila ang anak niyang si Joaquin Domagoso.


Kuwento sa amin ni Isko, ngayon ay mas maiintindihan na ng anak niya kung bakit lagi siyang ginagabi ng uwi noon at kung minsan ay kinabukasan na umuuwi para lang mabigyang-serbisyo ang mga nangangailangan nilang kababayan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page