top of page
Search

ni Melba R. Llanera @Insider | Mar. 18, 2025



Rayver at Julie Anne - IG.jpg

Photo: Rayver at Julie Anne - IG


Sa kabila ng ilang taon na rin ang itinatakbo ng relasyong Julie Anne San Jose at Rayver Cruz, may ilang tagahanga ng singer-actress ang hindi pa rin boto sa kanyang BF na Kapuso actor.


Hiningan namin ng reaksiyon tungkol dito si Rayver sa nakaraang Sinagtala presscon at ayon naman sa Kapuso actor ay hindi siya apektado tungkol dito at tanggap niya na hindi niya talaga mapi-please ang lahat. 


Dagdag pa ni Rayver ay dapat na respetuhin na lang ang opinyon ng iba at ang mahalaga ay 100% ang pagmamahal niya sa kasintahan at ganoon din ito sa kanya, bukod pa sa tanggap sila ng pamilya ng bawat isa. 


Masaya at kuntento si Rayver sa relasyon nila ni Julie Anne. Walang lugar ang negativity at hindi na lang niya pinapansin kung may puna o komento man sa kanila ang ibang tao.  


Nang tanungin namin kung may balak na bang i-level-up ang relasyon nila ni Julie Anne at mag-propose na rin sa kasintahan, agad kaming sinagot ng Sinagtala lead actor na mahirap sagutin ito dahil kung mayroon mang tao na dapat ay unang makaalam tungkol dito ay ang kasintahan mismo ‘yun. 


Siniguro rin ni Rayver na kung may babae man siyang gustong pakasalan at makasama sa buhay, ito ay walang iba kundi si Julie Anne lang at wala siyang pagdadalawang-isip dito.  


Sa kabilang banda ay masayang-masaya naman si Rayver na nakasama siya sa pelikulang Sinagtala kung saan para sa kanya ay nakakita siya ng mga bagong kapatid sa katauhan nina Rhian Ramos, Glaiza de Castro, Arci Muñoz at Matt Lozano na mga kasama niya sa pelikula. 


Bukod sa musical ang pelikula, maganda ang istorya at tiyak na maaantig ang puso ng mga manonood dahil may back stories ang karakter ng bawat isa.


Ito ay sa ilalim ng direksiyon ni Mike Sandejas, direktor/producer ng mga pelikulang Dinig Sana Kita (DSK), Tulad Ng Dati (TND), at Wat Floor Ma’am (WFM) at mapapanood sa darating na April 2 sa mga sinehan. Magaganda at de-kalidad ang mga ginawa ni Direk Mike, kung kaya’t siguradong masarap panoorin at magbibigay ng inspirasyon ang Sinagtala sa mga manonood.  


Kilala bilang mahusay na dancer si Rayver at iilan lang ang nakakaalam na isa rin siyang mahusay na singer kung saan kilala bilang mga mang-aawit talaga ang pamilya Cruz. Aminado si Rayver na hindi niya na-pursue ang pag-awit dahil na rin sa kakulangan ng confidence pero pagkatapos ng pandemya ay naramdaman niya na gusto na niyang ipagpatuloy ang kanyang singing career. Alam niya na matutuwa sa naging desisyon niya ang namayapang ina. 


Malaking bahagi rin sa naging desisyon niya ay ang girlfriend na kilala na isang magaling at sikat na singer.  


Kahit may Rainier na rin… 

MARK, MAS SPECIAL PA RIN PARA KAY JOJO


SINO nga kaya kina Mark Herras at Rainier Castillo ang kakanta ng original song na Nandito Lang Ako kay Jojo Mendrez ngayong napapalapit na sa kanya ang dalawang StarStruck alumni? 


Heto nga’t naglabasan at pinagpipiyestahan ngayon sa social media ang larawan nina Jojo at Rainier na magkasama sa isang casino. Marami ang nagtaka kung bakit pagkatapos na ma-link kay Mark ay mukhang napapalapit na rin ang loob ng Revival King kay Rainier. 


Pero sa kabila nito ay ramdam pa rin ang espesyal na pagtingin ni Jojo kay Mark dahil sa isang kumakalat na vlog ay paulit-ulit na tinatanong si Jojo kung sino ang pipiliin niya - - - si Mark o mga pangalan ng mga kilalang aktor - - - pero ang StarStruck Male Survivor ang paulit-ulit  na pinipili niya.


Samantala, inaabangan na rin ng mga tagahanga niya ang revival ni Jojo ng kantang Tamis Ng Unang Halik. May sariling estilo ang singer kung bakit kinakagat at tinatangkilik ang mga nire-revive niyang mga kanta. Maaaring pinaghuhugutan niya ang masalimuot at mabigat niyang pinagdaanan kung kaya’t may puso ang kanyang pagkanta. Patunay nito ay kung paano niya pinasikat uli ang kantang Somewhere In My Past, Nandito Lang Ako, Handog, atbp.. 

 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | Mar. 11, 2025



Ivana Alawi - FB

Photo: Ivana Alawi - FB


Sa nakaraang thanksgiving party ni Ivana Alawi for the press ay nagbigay ng pahayag ang Kapamilya actress tungkol sa hula ni Rudy Baldwin sa programang Rated Korina (RK) na isang sikat na vlogger/artista ang mamamatay ngayong 2025. 


Ayon pa sa manghuhula, nagkaroon ng isang malubhang sakit ang naturang vlogger/actress pero taliwas sa paniniwala na magaling na ito ay kumalat na raw ang cancer sa buong katawan nito. 


Batay sa mga clues ni Rudy, tumutugma ito sa pagkakaroon ng kapatid na babae at isang lalaki ni Ivana, ganu'n din ang may lahi raw ang ama nito. 


Naospital din nang dalawang beses nu’ng nakaraang taon si Ivana dahil sa PCOS (polycystic ovaries) na nagkaroon ng komplikasyon kung saan ay nagkaroon ng tubig ang tiyan nito at nagmukhang 5 o 6 buwang buntis at umabot pa sa baga ng aktres, kaya’t nahirapan na rin itong huminga.  


Sa tanong kung kumusta na ang kanyang kalusugan sa ngayon, agad na sumagot si Ivana na nagkaroon lang siya ng trangkaso kamakailan dahil sa sunud-sunod na trabaho, pero maayos ang pakiramdam niya bukod pa sa medyo tumaba siya dahil nga sa water retention pa sa katawan. 


Si Ivana na mismo ang nagbukas ng paksa tungkol sa hula sa kanya. Aniya ay walang katotohanan ito at wala siyang sakit. Ang pinakanag-alala ay ang kanyang ina pero agad niya itong sinabihan na kumalma lang at walang mangyayari sa kanya. 


Dagdag na pahayag pa ng Kapamilya actress, walang makakapag-predict kung kailan mamamatay ang isang tao at tanging Diyos lang ang nakakaalam nito. 


Para rin kay Ivana, lahat naman tayo ay papunta sa kamatayan, kaya’t hindi ito dapat kinatatakutan.  


Last Sunday ay pumasok na si Ivana sa Bahay ni Kuya bilang guest housemate. Ito siguro ang binanggit ng Kapamilya actress na pangarap niyang magkakaroon ng katuparan ilang araw mula nu’ng nainterbyu namin siya last week. 


Maganda ang itinatakbo ng kanyang career kung saan matagal din siyang napanood sa Batang Quiapo (BQ), bukod pa sa isa si Ivana sa pinakasikat na vloggers sa bansa.


Nang tanungin kung paano niya hina-handle ang tagumpay, iisa ang ipinayo ng aktres at ito ay huwag lalaki ang ulo o ipapasok ang tagumpay sa iyong utak na magiging daan para magmayabang o tumaas ang tingin mo sa sarili.  


Kung marami ang natutuwa ay hindi rin maiiwasan na marami rin ang namba-bash kay Ivana, pero hindi na lang daw niya pinapansin basta ‘wag lang ang kanyang pamilya ang idamay.


Wala rin siyang love life sa ngayon kahit pa bukas naman siyang makipag-date. Ang hinahanap daw niya, bukod sa hindi dapat mayabang ay bukas tumulong sa mga nangangailangan tulad niya. 


Malaking bagay din kay Ivana na dapat kasundo ng kanyang pamilya ang magiging boyfriend niya, lalo’t masyadong malapit ang aktres sa kanyang ina at mga kapatid.  



SA nakaraang Philippine International Furniture Exhibit sa SMX Convention Center ay nakausap namin ang SylPaulJoyce Furniture and Solano Hotel owner na si Mr. Charles Solano. 


Hindi man namin nakausap ang endorser ng SylPaulJoyce na si Ronnie Liang, naibahagi sa amin ni Mr. Solano kung paano nila nakuhang ambassador si Ronnie na tulad niya ay nagsimula sa hirap pero nangarap kaya ngayon ay isa nang matagumpay na negosyante. 


Naikuwento ni Sir Charles ang makulay niyang buhay kung paano sila nagsikap na mag-asawa bago narating ang tagumpay na tinatamasa nila sa buhay ngayon. Pagbabalik-tanaw ni Sir Charles, nagmula siya sa mahirap na pamilya sa Albay, Bicol kung saan magsasaka ang kanyang mga magulang. Namasukan silang mag-asawa sa isang furniture shop sa Pasay, kung saan nagtrabaho siya bilang isang delivery boy at dito siya natuto sa paggawa ng mga muwebles. 


Nagsimula sa maliit lang na furniture shop sa Lipa, Batangas kung saan kumukuha sila noong una sa mga suppliers, kalaunan ay nagkaroon ng break si Sir Charles nang maging tenant sila ng SM Malls kung saan noong isinarado nila ang puwesto nila rito ay maraming malls ang nag-alok sa kanila. 


Kaya kung noong una ay may mga suppliers lang sila ng mga furniture, kalaunan ay sariling design na ni Sir Charles ang ibinebenta niya sa SylPaulJoyce Furniture, na nanggaling pala ang pangalan sa name ng mga anak niyang sina Sylvia, Paul at Joyce. 

Dahil huli na nang ipanganak ang bunso nilang si Ysabel, ipinangalan naman dito ang negosyo nilang Cafe Ysabel sa Lipa, Batangas. 


Bukod sa SylPaulJoyce Furniture, isa rin sa mga negosyo ng pamilya ay ang Solano Hotel na matatagpuan din sa Lipa. Dito nag-lock-in taping ang Dirty Linen (DL) nu’ng pandemic at naging daan kung bakit naging kaibigan niya ang ilang artista. 


Naging malapit na kaibigan din ng Solano family sina John Lloyd Cruz, Randy Santiago, Tart Carlos at Queenay Mercado, bukod kay Ronnie Liang na unang endorser ng SylPaulJoyce. 


Ang kagustuhan na mabigyan ng magandang buhay at edukasyon ang mga anak ang nagsilbing inspirasyon nina Sir Charles kung bakit sila nagpursige sa buhay.


Nang tanungin namin kung ano ang payo na maibibigay niya sa mga tulad niyang nagsimula sa mababa at gustong umasenso sa buhay ay patuloy lang na manalig sa Diyos, huwag humintong magsikap sa buhay at manatiling isang mabuting tao. 

 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | Mar. 6, 2025



Sexy Babe  - It's Showtime

Photo: Sexy Babe - It's Showtime


Pormal nang humarap sa pamunuan ng Commission on Elections o Comelec ang Sexy Babe contestant ng It’s Showtime (IS) na si Heart Aquino. 


Ito’y matapos ngang mag-viral ang video ng pagtatanong ni Vice Ganda sa contestant kung ano ang mensahe nito para sa Comelec at nagpakatotoong inamin naman ni Heart na wala siyang gaanong kaalaman tungkol sa Comelec, dahil bukod sa wala silang telebisyon ay hindi niya masyadong nakikita sa newsfeed niya online ang tungkol sa ahensiyang ito ng gobyerno.


Natawag ang pansin ng Comelec kaya’t inimbitahan si Heart na dumalaw sa tanggapan at maipaliwanag dito ang tungkol sa sangay na ito ng gobyerno. 


Nagpaunlak naman agad si Heart kaya’t nu’ng Martes, Marso 4, ay nagpunta ito sa Palacio del Gobernador kung saan nandoon ang opisina ng tanggapan. 


Winelkam si Heart ng mga opisyales ng Comelec at nakipag-meeting kay Chairman George Edwin Garcia. Inikot din ang Sexy Babe contestant sa opisina at sa pagtatanong ng media ay sinabi nito na naiintindihan na niya ang importansiya ng tanggapan.  


Ibinahagi rin ni Heart na bumoto siya nu’ng nakaraang botohan ng Sangguniang Kabataan pero na-mental block siya nu’ng Q&A portion ng Sexy Babe, lalo’t ito ang kauna-unahang sabak niya sa telebisyon kaya hindi rin siya nakasagot. 


Tinanong din ng media si Comelec Atty. Frances Arabe, Election and Barangay Affairs Department Head, kung may tsansa ba na kunin nilang ambassador si Heart para mabigyang-kaalaman ang mga kabataang bumoboto na sa ngayon. 


Ayon kay Atty. Arabe, may tsansa na gawin nila ito dahil nakikita niya na malaki ang potensiyal na maging magandang impluwensiya si Heart sa mga kabataan at gusto nilang ipakita na handang abutin ng Comelec ang mga kabataan at magturo sa mga ito.  


Nu’ng March 3 episode naman ng IS ay nagbigay ng kani-kanyang opinyon ang mga hosts ng show tungkol sa nangyari kay Heart Aquino sa kakulangan nito ng kaalaman tungkol sa Comelec. 


Para kay Vice, may systematic and education problem ang bansa na dapat bigyang-pansin. 


Para naman kay Karylle, nasaktan siya sa naging sagot ni Heart at dapat ang mga bumoboto, lalo na ang mga kabataan, ay malaman ang halaga ng boto nila, lalo’t nalalapit na ang 2025 midterm elections.  


Sa huli ay nagkaisa ang lahat ng hosts na dapat ay may pagkakaisa at panatilihin na ang lahat ay maging involved mula sa indibidwal hanggang sa gobyerno.



PARA sa amin ay pang-Magpakailanman ang buhay ni Jojo Mendrez dahil makulay at magbibigay-inspirasyon sa marami kung paano siya humarap at lumaban nang patas para marating ang tagumpay. 


Nagsimula siya sa isang mahirap na pamilya sa Lucena, kung saan ang ikinabubuhay niya ay paggawa ng walis-tingting mula sa buri. Sampung taong gulang siya nang sumali sa isang singing contest sa Lucena. Hindi man pinalad na manalo, pero dahil sa taglay na karisma ay binigyan ng consolation prize ng mga hurado. 


Para mahasa ang kanyang pagkanta, nag-enroll si Jojo sa Ryan Cayabyab’s School of Music kung saan naging kaklase niya sina Jolina Magdangal, Roselle Nava, Lindsay Custodio at Jan Marini. 


Una niyang ini-remake noon ang kantang Tuyo Na Ang Damdamin ng Apo Hiking Society, Magkabilang Mundo ni Jireh Lim at Handog ni Florante na nanalo sa 12th Star Awards for Music bilang Revival Song of the Year. 


Sold-out ang kanyang first major concert nu’ng 2018 at ngayon ay umabot na sa 50 million views ang revival song niyang Somewhere in My Past. 


Kamakailan ay pumirma siya ng kontrata sa Star Music kung saan ang composer ng kanyang first original song na Nandito Lang Ako ay ang batikang composer na si Jonathan Manalo. 


Kumpirmado na ring ire-remake ni Jojo ang kantang Tamis Ng Unang Halik na unang pinasikat ni Tina Paner noong ‘80s.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page