top of page
Search

ni Melba R. Llanera @Insider | Mar. 29, 2025



Jericho Rosales at Janine Gutierrez - Instagram

Photo: Jericho Rosales at Janine Gutierrez - Instagram


Solo flight na dumalo si Janine Gutierrez sa 38th Star Awards for Television kung saan itinanghal siya bilang Best Drama Supporting Actress para sa seryeng Lavender Fields (LF)


Nang tanungin namin kung nasaan ang rumored boyfriend na si Jericho Rosales, agad naman kaming sinagot ng Kapamilya actress na gusto nga sana nitong sumama pero nasa shooting ng Quezon si Echo at nag-congrats ito sa kanya.


Exclusively dating at wala pa mang pinal na pag-amin sa relasyon nila ng aktor, marami naman ang naniniwala na sila na talaga ni Echo. 


Bukod kasi sa maraming pagkakataon na spotted ang dalawa, nag-post si Janine sa kanyang vlog ng Japan trip nila ng aktor at ang kanilang Valentine’s date kung saan nag-swimming naman sila. 


Tinanong din namin kung ano ang reaksiyon niya na boto ang mga magulang na sina Lotlot de Leon at Ramon Christopher kay Echo. 


Ani Janine, okey si Jericho sa pamilya nila at kahit naman dati pa ay chill at hindi nanghihimasok sa pakikipagrelasyon niya ang mga magulang. 


Masaya rin si Janine na may taong tulad ng rumored boyfriend sa buhay niya na nagtitiwala sa kanyang kakayahan dahil mas madali ngayon ang sumugal sa mga roles at magtiwala sa kanyang kakayahan.  


Hindi naging madali para kay Janine na gampanan ang role bilang Iris Buenavidez-de Vera na kontrabida sa LF. Ito ang role na akala niya ay hindi niya magagampanan, pero dahil sa tiwala at tulong ng namayapang Dreamscape head na si Sir Deo Edrinal, ng sumakabilang buhay na rin na manager na si Leo Dominguez, at mga big bosses ngayon ng Dreamscape na sina Kylie Balagtas, Rondel Lindayag at Joel Mercado ay nagampanan niya ang nasabing role nang buong epektibo.  



ISA si Alexia Nuñez sa mga dayuhan na nakita naming iba man ang lahing tinataglay ay ramdam na ramdam mo ang pagmamahal sa bansa natin, lalo na sa mga katutubo gaya ng T’boli na nakilala niya nang bumiyahe siya sa Lake Sebu, South Cotabato. 


Sila ang naging inspirasyon ni Alexia sa kanyang mga fashion designs na Eon Collection by Alexia Nuñez, na kahit sabihin mang walang background sa fashion designing ay bibilib ka sa ganda at galing ng mga nagawa niyang disenyo na galing sa mga recycled materials. 


Sinariwa nga ni Alexia kung paano siya pinaalalahanan noon ng ilang tao na huwag bumiyahe pa-Mindanao dahil delikado roon. Pero dala ng pagiging adventurous at sinusunod pa rin ang kanyang sarili, tumuloy pa rin siya at dito ay nakita niya ang higit na ganda ng Pilipinas.  


Isang Brazilian model si Alexia at napanood na rin siya sa FPJ Batang Quiapo (BQ) bilang guest. 


Sa ngayon ay maligaya siya sa piling ng kanyang partner na Pinoy na si Billy James Cash. 



Sa nakaraang 38th Star Awards for Television ng Philippine Movie Press Club (PMPC), tinanong namin si Barbie Forteza kung babatiin ba niya ang ex-boyfriend na si Jak Roberto kung saka-sakaling magtagpo ang landas nila. 


Agad namang umoo ang Kapuso actress at siniguro na wala siya ni anumang tampo o sama ng loob kay Jak. 


Pinarangalan ang BarDa o Barbie Forteza-David Licauco love team bilang Power Tandem of the Year sa 38th Star Awards for TV at ka-tie nila ang KimPau o Kim Chiu-Paulo Avelino tandem. 


Pahayag ni Barbie, sobrang ikinatataba ito ng puso niya at labis ang pasasalamat niya sa mga tagahanga na hindi bumitiw sa kanila at laging buo ang suporta at pagmamahal sa kanila ni David, kahit meron silang kani-kanyang mga proyekto.


Ngayong pareho na silang single, kung saan nauwi sa breakup ang 7 taong relasyon nila ni Jak, at balita rin na naghiwalay na si David at ang kanyang non-showbiz girlfriend, marami ang umaasa na mauuwi na sa totohanan ang BarDa tandem. 


Para kay Barbie, nangangahulugan lang ito na ganu’n kaepektibo ang kanilang tambalan ni David kaya may ganitong iniisip ang mga tagahanga nila. 


Aminado siyang mas naging malapit sila ng kapareha sa isa’t isa. Papuri pa ni Barbie kay David ay isa itong mabuting tao at kaibigan.  


Sabi ni Barbie, sa ngayon ay ine-enjoy niya ang pagiging single. Marami siyang nadidiskubre sa sarili gaya ng kaya pala niyang maging morning person, tumakbo at mag-exercise, at mas minamahal daw niya ang sarili sa paglipas ng bawat araw.  


After Pulang Araw, may gagawing serye si Barbie at may naka-line-up ding pelikula. Si David naman ay parte ng movie na Samahan ng mga Makasalanan (SNMM)


Hiwalay man sa ngayon sa mga ginagawa nilang proyekto, balitang may pelikula na inihahanda sa ngayon para sa muling pagtatambal ng dalawa.  

 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | Mar. 25, 2025



Coco Martin PH

Photo: Coco Martin PH


“Limot ko na ‘yun. Kung anuman ‘yun, napatawad ko na s’ya,” ang naging pahayag sa amin ni Coco Martin sa nakaraang 38th Star Awards for Television nang tanungin namin kung napatawad na ba niya si Katherine Luna pagkatapos ipaako sa kanya ang ipinagbubuntis nito na kalaunan naman ay inamin din naman ng aktres na hindi si Coco ang ama ng anak. 


Nagpa-paternity test ang kampo ng aktor at dito nga ay napatunayan na hindi si Coco ang ama sa kabila ng itinuring na nitong anak ang bata. 


Mula nang mangyari ito ay nanahimik na si Katherine at kinumpirma nito ang nangyaring paternity test sa guesting nito sa vlog ni Julius Babao.  


Ngayon nga ay balita na isa si Coco sa mga tutulong sa pagpapaopera ng kaliwang mata ni Katherine na nagsimula sa impeksiyon.


Para naman sa aktor ay tutulong siya sa abot ng makakaya niya, lalo’t bago pa man nangyari ang lahat ay naging magkaibigan silang dalawa. 

Inaayos na rin na makapasok sa Batang Quiapo (BQ) ang aktres. Ayon kay Coco ay may pinagdaraanan lang sa ngayon si Katherine pero gusto niyang magkatrabaho itong muli, lalo’t isa itong mahusay na aktres.  


Labis naman ang pasasalamat ni Coco sa karangalang ipinagkaloob ng PMPC sa BQ bilang Best Primetime Series. Biro nga ni Coco, kahit gaano katagal ay handa silang maghintay. Maaga kasing dumating ang aktor kasama ang staff ng show para tanggapin ang karangalan. 


Pahayag ni Coco, ang ganitong parangal ay nagsisilbing inspirasyon para pagbutihan at higit pa nilang pagandahin ang show, lalo’t utang na loob nila sa mga manonood ang consistent high ratings at hindi pagbitaw sa kanilang palabas. 


Ang BQ tulad ng Ang Probinsyano (AP) ay isa sa mga naging magandang venue sa mga nagbabalik na mga artista na pansamantalang namahinga sa showbizness. 


Sabi sa amin ni Coco, ang layunin naman talaga ng show ay hindi lang para makapagbigay-saya sa mga manonood kung hindi makatulong din hindi lamang sa mga gustong bumalik uli sa showbizness at makapagtrabaho, kundi magbigay din ng tsansa maging sa mga baguhang artista.  


Samantala, masaya si Coco sa itinatakbo ng relasyon nila ng girlfriend na si Julia Montes. Inialay nga ni Coco ang napanalunang award kung saan ayon sa aktor ay laging buo ang suporta at nagtutulungan sila ng girlfriend sa kung ano ang ginagawa ng bawat isa.  


Sa nalalapit namang paggiba sa old building ng ABS-CBN kung saan isa sa mga mawawala ay ang Dolphy Theater, napaka-sentimental nito para kay Coco Martin, lalo’t marami siyang magagandang alaala sa lugar at parte ang ABS-CBN at ang Dolphy Theater sa karangalang naipagkaloob sa kanila.  



NAKITA namin saglit si Mark Herras sa katatapos lang na 38th Star Awards for Television pero balitang agad din itong umalis. Ang nakita naming kasama ni Jojo Mendrez sa backstage ay ang StarStruck alumna na si Rainier Castillo. 


Na-interview namin si Rainier at nang tanungin namin kung ano ba ang tunay na estado ng relasyon nila ni Jojo, “What you see is what you get” na lang ang sagot nito dahil kung ano pa rin naman daw ang gustong isipin at paniwalaan ng mga tao ay siya pa ring mangyayari. 


Sa nakaraang presscon ng original composition ni Jojo, ang Nandito Lang Ako (NLA) ay dumating din si Rainier para magbigay ng suporta kay Jojo. Dito ay mas tumunog ang usap-usapan na baka may espesyal na namamagitan sa kanila ni Rainier. 


Ipinaliwanag naman ng Revival King na napalaki lang ito ng ibang mga tao pero hindi niya ide-deny na malapit sa kanya si Rainier sa ngayon. 


Tinanong naman namin si Rainier kung hindi ba nagre-react ang kanyang asawa sa mga isyu na nagli-link sa kanya kay Jojo. 


Ayon kay Rainier ay buo ang tiwala na ibinibigay sa kanya ng asawa at hindi ito isyu sa kanila. 


Apo pala ng namayapang Comedy King na si Dolphy ang napangasawa ni Rainier at sa ngayon ay mayroon na rin silang anak. 


May mga proyekto rin na pagsasamahan sina Jojo at Rainier na malaking tulong-pinansiyal sa aktor kung saan huli siyang napanood noon sa Black Rider (BR) ng Kapuso Network.  


Nanggaling sa isang mahirap na pamilya si Jojo Mendrez at aminadong malungkot ang buhay niya nu’ng kabataan, pero ngayon ay gumanda na ang kanyang buhay, kung saan bukod sa matatagumpay na mga negosyo at magandang singing career kung saan pumirma na siya kamakailan ng kontrata sa Star Music, hindi pa rin kinalilimutan ni Jojo ang tumulong sa mga mahihirap at nangangailangan. 


Si Jojo ang perpektong halimbawa na ‘wag tayong mawawalan ng pag-asa sa anumang mabigat na pagsubok na pinagdaraanan natin. Bawat bagay ay may tamang panahon basta sabayan mo lang ito ng pagsisikap, tiyaga, at tiwala sa Diyos. 


 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | Mar. 20, 2025



Ara Mina - IG

Photo: Ara Mina - IG


Sa kabaitan ni Ara Mina at dahil nasa dugo niya bilang Mathay ang pulitika kaya’t hindi kataka-taka na pumalaot na rin ang aktres bilang konsehal sa District 2 ng Pasig sa ilalim ng tiket ng negosyanteng si Ms. Sarah Discaya, kalaban ng incumbent mayor ng Pasig na si Mayor Vico Sotto. 


Ayon kay Ara, sa partido ni Ms. Sarah Discaya siya sumali dahil nakita niya ang kabutihan at pagiging bukas-puso nitong tumulong sa mga nangangailangan, kung saan pareho sila ng adhikain. 


Inamin niyang hindi niya personal na kilala si Mayor Vico at ang kilala niya ay ang ama nito na si Vic Sotto. 


Sa tanong kung hindi kaya ito ang maging daan para magkalamat ang samahan nila ni Vic, naniniwala naman si Ara na matalinong tao si Vic at may kani-kanyang gusto at tinatahak ang bawat tao, kung kaya’t alam niyang hindi sasama ang loob nito sa kanya.


Nagpahayag na rin ng suporta ang ilang mga taga-industriya sa pagtakbo ni Ara tulad nina Piolo Pascual na dating kasamahan niya sa That’s Entertainment (TE) at ang kapatid na si Cristine Reyes na nangako na sasama sa kanyang mangampanya. 


Buo rin ang suporta sa kanya ng asawang si Dave Almarinez na ngayon ay tumatakbo naman bilang first nominee ng Turismo Partylist. 


Ngayong parehong busy sa pangangampanya, naka-hold muna ang plano ng mag-asawa na magkaanak pero puwede namang mabuo pagkatapos ng eleksiyon.  


Ang ninang na si Ms. Vilma Santos ang idolo ni Ara pagdating sa public service. Bilib si Ara sa magandang record ng Star for All Seasons pagdating sa public service, bukod pa sa pareho silang aktres at nakagawa ng magandang tatak at pangalan sa pulitika.



Nag-post sa kanyang Facebook (FB) account si Miguel Lorenzo Padlan, panganay na anak ni Dr. Mike Padlan, ang doktor na ex-boyfriend ni Kris Aquino. 


Kamakailan kasi ay naging trending ang social media post ng dating TV host kung saan kinumpirma nito na nauwi na sa hiwalayan ang relasyon nila ng Makati Med trauma doctor. 


Dito ay nabanggit ni Kris na hindi na kinaya ni Dr. Mike ang bigat ng responsibilidad ng pagkakaroon ng girlfriend na tulad niya na may iniindang karamdaman at nagbabayad siya ng professional fee sa ex sa pag-aalaga nito sa kanya. Kabi-kabilang mga pamba-bash at masasakit na mga salita ang ipinukol ng mga bashers kay Dr. Mike, kung saan tinawag pa itong ‘gold digger’ at ‘user’ ng iba.


Sa madamdaming post ni Miguel, idinepensa nito ang ama at sinigurong minahal talaga ni Dr. Mike ang kanyang Mama Kris at vice-versa.


Dagdag na pahayag ni Miguel, may mga pagkakataon na hindi lang talaga sapat ang pagmamahal at sadyang hindi lang talaga laan sa isa’t isa. 


Ayon din kay Miguel, may mga pagkakataon na pakiramdam nila ay napabayaan na nga sila ng ama dahil sa paglipad nito sa America para puntahan at alagaan ang TV host kung saan dumarating sa punto na nawawalan na ng kita ang ama dahil hindi makapag-clinic para samahan lamang si Kris. 


Kinlaro rin ni Miguel na hindi nanghingi ng kahit na ano ang ama sa TV host, mapa-pera man o regalo, at kung anuman ang naibigay ni Kris sa ama ay dahil sa kabaitan at pagiging mapagbigay nito.


Ngayon, ang hiling ni Miguel kay Kris ay huwag sana itong magpakalat ng mga kuwentong walang katotohanan dahil mabuting tao ang ama at kilala ng mga kaibigan at mga pasyente nito ang tunay na Dr. Mike Padlan. 


Papuri pa ni Lorenzo, mapagbigay, mapagmahal, at matapang na tao ang ama at hindi niya kayang magpikit-mata na lamang na masira ang magandang reputasyon nito dahil sa maling pag-aakusa at walang katotohanang mga kuwento.


Sa huli ay nabanggit ni Lorenzo na mahal nila ang kanilang Mama Kris at mahal din nila ang ama, pero ang pamilya ay pamilya. Kaya siya nandito ay para suportahan ang kanilang ama at manindigan para sa kanilang pamilya.


Aniya, “We love you, Mama Kris, and we love our father as well. Family is family. That is why I am here—to support my father and stand by my family.”


Wala pang tugon si Kris sa pahayag ng anak ng kanyang ex-boyfriend na doktor.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page