top of page
Search

ni Melba R. Llanera - @Insider | December 21, 2020


ree


"Why not? Kung masaya siya na kunin akong ninong, eh, di masaya rin ako. Tatanggapin ko," ang naging pahayag ni Marlo Mortel nang makausap namin siya sa pocket presscon ng Suarez, The Healing Priest at tinanong kung aprubado ba sa kanya kung saka-sakaling kunin siyang ninong sa nababalitang ipinagbuntis ng dating kapareha na si Janella Salvador sa boyfriend nito na si Markus Paterson.


Aware rin sa mga isyu kina Janella at Markus, ayon kay Marlo ay sobrang close sila ng aktres kahit nabuwag na ang tambalan nila at masaya siya kung masaya si Janella sa mga desisyon nito sa buhay. Huling nakausap ni Marlo si Janella bago nagpandemya. Gumawa ng vlog si Marlo sa nangyari sa tambalang MarNella at nagustuhan-suportado naman ito ng dating kapareha.

Naikuwento rin sa amin ni Marlo na sa ngayon ay may girlfriend na ang kanyang ama pagkatapos ng dalawang taong pagluluksa nila sa pagkamatay ng ina dahil sa breast cancer.


Para kay Marlo, wala na siyang adjustments na pinagdaanan sa pagkakaroon ng bagong madrasta dahil alam niya na deserve rin ng ama na maging masaya ito.


Papuri pa ng actor-singer sa bagong girlfriend ng ama, may nag-aalaga na sa kanila ngayon at 'di nila alam ang gagawin nila ngayong pandemic kung wala ang kanyang madrasta dahil 'di sila marunong magluto.

Samantala, aminado si Marlo na may mabigat na pinagdaanan ngayong pandemya na inakala niyang 'di niya malalagpasan.


Siniguro sa amin ng aktor na wala naman itong kinalaman sa pagkawala ng trabaho niya sa ABS-CBN kundi personal at malala ang pinagdaanan niyang anxiety attacks dahil dito.

Sa nangyari ay nalaman ni Marlo kung ano ang layunin niya sa buhay at ito ay makapagbahagi ng salita ng Diyos.

Timing naman dahil kasama siya sa pelikulang Suarez: The Healing Priest kung saan isang reporter ang role na ginagampanan ni Marlo. Naikuwento ng aktor na malayo pala nilang kamag-anak ang namayapang healing priest at naikukuwento ito sa kanya ng kanyang lola.


Pinanghihinayangan nga lang ni Marlo na 'di sila nagkakilala nang personal ni Father Fernando Suarez at sumakabilang-buhay na ito habang isinu-shoot ang pelikula.

Itinanong din namin kung bukas ba siya kung saka-sakaling may mag-alok sa kanya ng BL series o movie, at ayon kay Marlo, wala pa naman siyang natatanggap na ganitong alok pero 'di siya nagsasarado ng pinto at depende pa rin ang lahat sa istorya at sa kung ano ang magiging role niya.

 
 

ni Melba R. Llanera - @Insider | December 10, 2020


ree


Tiyak na lalong uugong ang balitang nag-uugnay kina Derek Ramsay at Pops Fernandez ngayong lumabas ang mga larawan na dumalo ang Concert Queen sa house blessing-cum intimate birthday celebration ng Kapuso hunk nu'ng Lunes (Disyembre 7).


Nag-post nga si Derek ng pasasalamat sa lahat ng kapamilya at malalapit na kaibigang dumalo sa okasyon.


Si Pops ang naituturong third party sa hiwalayang Derek-Andrea Torres sa kabila ng pagkaklaro ng parehong kampo ng dating magkasintahan na walang third party gaya ng inaakala ng iba.

Ang pinagmulan pala ng isyu ay dahil nagpunta si Pops nu'ng nakaraang birthday ng ina ni Derek dahil malapit palang kaibigan ng pamilya ng aktor ang singer. Kasama ang manager ng aktor na si Joji Dingcong, buwanan ay dumadalaw ang grupo ng tatlo sa Manaoag.


Sa ngayon ay ini-enjoy muna ni Derek ang oras kasama ang pamilya at ilang malalapit na kaibigan. Bigo man ang puso ay nagmu-move on ang aktor sa hiwalayan nila ni Andrea.


Maaaring tama ang parehong sinabi ng dalawa na hindi lang talaga sila nakatakda para sa isa't isa kaya't sa kabila ng nasabi nilang sa susunod na taon na sana ang kasal nila ay nauwi pa rin sa hiwalayan.

 
 

ni Melba R. Llanera - @Insider | December 5, 2020


ree


Sa special screening din ng Isa Pang Bahaghari ay nakausap namin si Phillip Salvador na nagpahayag na long overdue o matagal na dapat ibinigay kay Nora Aunor ang National Artist award.


Nagkatambal sina Phillip at Nora sa pelikulang Bona at ngayon ay sa Isa Pang Bahaghari, kaya alam ni Phillip na karapat-dapat sa Superstar ang karangalamg ito katulad ni Ricky Lee na long overdue na rin, pero naniniwala siya na ang lahat ay itatakda pa rin ng Diyos kung kailan mangyayari.


Masaya rin si Kuya Ipe na pumasa na sa Kongreso ang Eddie Garcia Act at hinihintay na lang na aprubahan ng Senado. Ayon sa aktor, matagal na nila itong napag-usapan nina Sen. Bong Go at Robin Padilla nang dalawin nila sa ospital si Manoy Eddie habang nakaratay ito.


Naniniwala siya na ito ang proteksiyon ng mga taga-industriya tulad niya at gaya ng pagiging National Artist ng Superstar ay dapat matagal na rin itong naging batas.

Labis ang pasasalamat ni Kuya Ipe kay Direk Joel Lamangan at sa line producer na si Dennis Evangelista dahil sa kabila ng pagtanggi niya noong una na gawin ang Isa Pang Bahaghari ay kinumbinse siya ng mga ito na basahin ang script at tanggapin ang pelikula.


Nang malaman niyang makakasama niya muli rito sina Ate Guy at Michael de Mesa ay siya na ang tumawag kay Direk Joel na tinatanggap niya ang pelikula. Bonus na rin para kay Kuya Ipe na mahuhusay din ang mga kabataang kasama nila sa pelikula tulad nina Sanya Lopez, Joseph Marco at Zanjoe Marudo.


Sa ganda ng pelikula, sa husay ng pagkakadirek ni Direk Joel Lamangan, sa galing ni Ate Guy at buong cast ng Isa Pang Bahaghari, sigurado kaming hahakot ng napakaraming awards sa MMFF Awards Night ang pelikula.

Siniguro rin sa amin ng Heaven's Best Entertainment producer na si Harlene Bautista na pagkatapos niyang i-produce ang mga de-kalidad na pelikula tulad ng Rainbow Sunset at Isa Pang Bahaghari ay balak na nilang gumawa ng mas maraming pelikula sa susunod na taon matapos lang ang pandemya.


Gagawa na rin daw sila ng ibang tema tulad ng rom-com, comedy at iba pa at mukhang mas magiging aktibo ang Heaven's Best sa pagpo-produce.


Positibo naman si Harlene na sa kabila ng walang regular screening ay magiging maganda pa rin ang pagtanggap ng mga tao sa 2020 Metro Manila Film Festival entries. Maaari nang manood ang isang buong pamilya ng isang pelikula dahil online ito, at mas malaki ang sakop dahil kahit ang mga nasa ibang bansa ay puwede na ring makapanood online.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page