top of page
Search

ni Melba R. Llanera @Insider | August 24, 2023



ree

Nagpakatotoo sa amin si Nadine Lustre nang aminin nito na hindi pa siya handa para i-level-up ang relasyon nila ng kanyang French businessman boyfriend na si Christophe Bariou nang tanungin namin siya kung handa na ba siya kung saka-sakaling mag-propose na sa kanya ang kasintahan at yayain na siyang magpakasal.


Ayon sa aktres, sa ngayon ay ‘di pa nila iniisip ang tungkol dito at kapwa marami pa silang gustong gawin.


Nag-react naman si Nadine sa mga netizens na pinaparatangan na cheater daw ang boyfriend at nakikita ito na may kasamang ibang babae. Agad niyang dinepensahan na walang masama kung makipagkaibigan ang kasintahan sa mga babae dahil kahit naman siya ay may mga kaibigang lalaki at ‘di ito naging isyu kay Christophe.


Kung masaya sa kanyang love life ay maganda rin ang itinatakbo ng career sa ngayon ni Nadine.


Pagkatapos na manguna sa nakaraang 2022 Metro Manila Film Festival ang Deleter, nanalo naman niya as Best Actress sa katatapos na 71st FAMAS Awards Night para sa nasabing pelikula.


Kuntento na rin si Nadine sa magandang relasyon nila sa ngayon ng Viva na siyang humahawak sa career niya. Kuwento nga ng aktres ay masaya siya na sa tuwing may mga proyekto siya na gustong gawin at ipinaalam niya ito sa Viva ay pinapayagan siya at sinusuportahan.


Pagkukumpara nga ni Nadine sa samahan nila ng management ay para silang isang pamilya kung saan normal na minsan ay nagkakaroon ng isyu at ‘di pagkakaunawaan.


Sa ngayon ay may natapos na siyang isang pelikula at gagawa uli ng isang horror film sa ilalim ng direksiyon ni Direk Mikhail Red na siyang direktor din ng Deleter. Maaaring isali ito sa Metro Manila Film Festival, pero sa ngayon ay wala pang kasiguraduhan ang lahat.


Hiling lang ni Nadine na sa susunod na taon ay mabigyan din niya ng panahon ang musika na malapit din sa kanyang puso.


Para nga sa aktres ay masaya na siya ngayon dahil nagbubunga na ang lahat ng sugal na ginawa niya noon sa kanyang showbiz career at labis niya itong ipinagpapasalamat.


Ayaw na ring magkomento pa ni Nadine nang hingan namin ng reaksiyon tungkol sa deportation case na kinakaharap ni Jeffrey Oh, CEO ng Careless Music na may hawak noon sa kanyang career nang umalis siya sa Viva at nababalitang boyfriend ngayon ni Liza Soberano.


Paliwanag ng aktres ay ‘di na siya konektado pa sa Careless, pero nakakalungkot lang na nangyari ito.


 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | August 11, 2023



ree

Isang thank you ang mensaheng ipinadala sa amin ni Luis Manzano nang i-message namin siya dahil inabsuwelto ng National Bureau of Investigation o NBI ang pangalan niya sa kasong syndicated estafa laban sa presidente at pamunuan ng Flex Fuel.


Sinampahan ng NBI sa Taguig Prosecutor’s Office ang presidente ng kumpanya na si Ildefonso C. Medel, Jr. o kilala sa tawag na “Bong” na itinuring na matalik na kaibigan ni Luis at labing-isa pang opisyal ng Flex Fuel.


Ayon sa NBI, hindi nila kinakitaan na may kinalaman sa kaso si Luis kahit isa siya sa mga incorporators dahil nag-resign na ito at hindi na konektado sa kumpanya nu’ng 2021 — ang taon kung kailan nagsimulang mag-invest ang mga nagreklamo.


Nagsampa na rin ng reklamo si Luis laban sa Flex Fuel dahil pati siya ay nawalan ng P66 milyong investment.


Kung matatandaan ay naging emosyonal at ‘di napigilan ni Vilma Santos na mapaiyak sa guesting niya sa Fast Talk with Boy Abunda nang tanungin tungkol sa isyu at sinabing kailanman ay hindi magagawang manloko ni Luis ng ibang tao.


Sa pagpapalitan nga namin ng mensahe kahapon ng Star for All Seasons, nagpadala ito ng pasasalamat, na mabuti talaga ang Panginoon at kilala niya ang anak.


Si Edu Manzano naman sa panayam namin noon ay positibo na malalagpasan ng anak ang pinagdaraanan dahil alam niya kung gaano katatag si Luis at kumpiyansa siya na haharapin nito ang problema.


Tiyak na mas masaya at mas payapa ang damdamin sa ngayon nina Luis at Jessy Mendiola at mas mae-enjoy nila ang anak na si Baby Peanut ngayong nalinis na ang pangalan ng TV host sa kaso.


 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | August 5, 2023



ree

Para kay Lynn Ynchausti Cruz (misis ni Tirso Cruz III), hindi tamang sabihin na nag-move on at mas magandang sabihin na nagmu-move forward na sila sa pagkamatay ng panganay na anak na si Teejay Cruz nu’ng November 2018 dahil sa sakit na lymphatic cancer.


Paglalarawan ni Lynn sa mabigat na pinagdaanan ng kanilang pamilya dahil sa pagpanaw ng anak, may sugat siya sa puso na nilagyan ng band-aid at kung aalisin ito ay nandu’n pa rin ang sugat at sariwa pa rin.


Para nga kay Lynn, sa sandaling tawagin na siya ng Diyos at magkita sila ng anak sa langit, alam niya na roon pa lang tuluyang gagaling ang sugat. Kamakailan nga ay nagbakasyon ang pamilya nina Lynn at Tirso kasama ang kanilang mga anak.


Pagkukuwento ni Lynn, nu’ng maliliit pa ang mga anak ay ugali na talaga nila ang mag-out of town o mag-out of the country para mag-bonding pero nang mamatay si Teejay ay mas siniguro nila na regular nila itong nagagawa para magkaroon ng quality time sa isa't isa.


Proud na proud naman siya sa asawang si Tirso dahil bukod sa aktibo pa rin ito sa acting ay nakaupo ito ngayon bilang chairman ng FDCP (Film Development Council of the Philippines).


Siniguro naman ni Lynn na prayoridad ng kanyang asawa ang pagiging FDCP chair, pero natutuwa siya na naipapakita pa rin nito ang talento sa pag-arte. Magkasama sila sa pelikulang When I Met You in Tokyo kung saan ginagampanan ni Tirso ang role bilang matalik na kaibigan ni Christopher de Leon, habang siya ay bilang malapit namang kaibigan ni Vilma Santos sa istorya.


Proud na proud si Lynn na kasama siya sa cast ng comeback movie ng tambalang Vi-Boyet na ang malaking porsiyento ng pelikula ay kinunan sa Japan. Nagpapasalamat din siya na sa kabila ng ilang aberya na pinagdaanan nila habang isinu-shoot ang pelikula gaya ng pag-ulan ay tinulungan sila ng Diyos para mairaos nila nang maayos at matapos nang maganda ang pelikula na umaasang mapabilang sa 2023 Metro Manila Film Festival.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page