top of page
Search

ni Ambet Nabus @Let's See | December 10, 2025



LET’S SEE - RAMON, TODO-TANGGOL KAY SEN. RAFFY NA NAG-TIP DAW NG P250K SA VIVAMAX STAR_FB Raffy Tulfo in Action & Ramon Tulfo

Photo: FB Raffy Tulfo in Action & Ramon Tulfo



Isa pang pinag-uusapan sa socmed (social media) ay ‘yung naging pagtatanggol ni Ramon Tulfo sa kapatid na si Sen. Raffy Tulfo.


Since nag-viral nga ang naging rebelasyon ni VMX (Vivamax) star Chelsea Ylore na may mga senador umanong nagbigay ng indecent proposal sa kanya, may pa-blind item itong senador umano na very generous sa tip nitong P250,000. At sa clues ngang ibinigay ni Chelsea, may letrang ‘R’ sa first name at ‘F’ sa surname ang umano'y generous senator.


Umalma nga si Ramon at sinabing hindi siya naniniwala dahil kilala niyang ‘takusa’ (takot sa asawa) ang kapatid na si Raffy na asawa ng congresswoman na si Jocelyn Tulfo.

At if ever man daw totoo, ano naman daw? Kesa naman daw sa lalaki pumatol ang kapatid niya gaya ng kilala niyang lalaking senador na mahilig daw sa mga basketbolista. 


Nakakalokang pa-blind item din ng kuya nina Raffy at Erwin! Hahaha!

Pero ‘yun na nga, may mga netizens namang nagsasabi na baka nga hindi si Raffy kundi si Erwin ang tinutukoy ng VMX star. Hahaha!


Ipinagtanggol din ng may-edad na Tulfo ang yaman ng mag-asawang Raffy at Jocelyn na umano’y may pinagsamang bilyon na Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at very honest nila itong idineklara.





NAKAKABILIB itong si Isha Ponti, ang isa sa mga sinasabing ‘the next one’ ng music industry.


‘Yung latest recorded song kasi niyang Wala Ka Sa Pasko ay naisulat lang niya sa loob ng 45 minutes habang nasa rehearsal sila ng papalapit nilang THE NEXT ONES concert this December 13.


“Sentimental po talaga tayong mga Pinoy. Although it’s supposed to be a Christmas song na dapat ay merry, the song talks about longing for someone na hindi mo kasama sa Pasko. Totoo naman pong may ganyang nangyayari, ‘di po ba?” sagot sa amin ni Isha nang maitanong namin dito kung bakit may kantang malulungkot ‘pag Pasko.


Maganda ang areglo, ang tema, ang mood at texture ng song ni Isha. Taglay din nito ang mga klasikong tunog ng mga OPM songs gaya ng Pasko na Sinta Ko, Sana Ngayong Pasko at iba pa, kaya’t umaasa raw siyang marami rin ang makaka-relate rito.


Ngayon ngang darating na December 13 sa Music Museum na major concert nila ni Bossa Nova singer Andrea Gutierrez (the other next one), aawitin din niya ito bilang Christmas gift sa mga manonood.


“Naku! Marami pong surprises about the line-up of our songs. Halu-halo ang genre from love song to classics, pop rock, dance, etc.. Matutuwa po kayo,” hirit nina Isha Ponti at Andrea Gutierrez.





NAKAKAALIW naman ang mga nabasa naming posts tungkol sa balak ni Mark Herras na magpa-vasectomy.


Marami ang bumilib sa plano ng aktor dahil bukod sa praktikal na bagay daw ito, malaking tulong ito sa ating population issue.


May mga nagkumpara pa kay Mark sa ibang aktor na wala na raw ginawa kundi mambuntis ng iba pero nagiging iresponsable naman kalaunan.


Nabanggit din si Drew Arellano bilang naging mukha ng naturang procedure among the celebrities kaya’t good role model daw ito sa mga kalalakihan.


“Sana ay gawin na n’ya. ‘Wag press  release lang,” tila pang-aasar pa ng iba.


May mga netizens namang nag-suggest na dapat din daw ay gawin ito ni Aljur Abrenica dahil mukhang masusundan pa raw ang mga babaeng naanakan nito?


Nakakaloka talaga ang mga netizens kung umasta, ‘noh? Ang hilig manguna! Hahaha!

 
 

ni Shine Hubilla (OJT) @Life & Style | Mar. 24, 2025





Sa mundo ng pamamahayag, hindi biro ang tumayo sa gitna ng peligro, lalo na kung ang mga kuwentong nais mong ihayag ay binabalewala ng lipunan. Pero para kay Kara David, walang puwang ang takot pagdating sa paghahanap ng katotohanan.


Si Kara Patria Constantino David-Cancio o mas kilala bilang Kara David ay lumaki sa Maynila, na bata pa lamang ay nahubog na sa mundo ng media at serbisyo-publiko. Siya ang bunso sa apat na magkakapatid.


Ang kanyang ama, na si Professor Randy David ay isang batikang sociologist, journalist at public intellectual, habang ang kanyang ina naman ay si Karina Constantino-David, isang kilalang civic leader at dating chairperson ng Civil Service Commission.


Sa halos tatlong dekada niya bilang isang journalist, dokumentarista at propesor, si Kara ay hindi lang simpleng tagapaghatid ng balita, isa siyang tunay na tagapagtanggol ng mga inaapi.


Sa bawat kuwentong kanyang inilahad, bitbit niya ang tinig ng mga nasa laylayan, mga buhay na hindi madalas nabibigyang pansin, mga pangarap na nais magtagumpay at mga pamilyang patuloy na lumalaban para sa mas magandang kinabukasan.


Sa kanyang mga dokumentaryo, hindi lang siya tagapag-ulat kundi katuwang ng mga taong kanyang nakikilala. Isa sa kanyang pinakatanyag na gawa ay ang ‘Ambulansiyang de Paa (2009)’, na tumalakay sa kakulangan ng serbisyong pangkalusugan sa Oriental Mindoro.


Ipinakita rito kung paano kailangang maglakad nang ilang oras ang mga pasyente para makarating sa pinakamalapit na ospital, isang realidad na hindi dapat ipagsawalang-bahala. Dahil sa kanyang matapang na pagsasaliksik, hinirang siya at nagwagi ng George Foster Peabody Award, isang prestihiyosong parangal sa larangan ng journalism.


Hindi lang iyon, sa iba niyang dokumentaryo tulad ng ‘Gamu-gamo sa Dilim’, ‘Buto’t Balat’ at ‘Selda Inosente’, mas lalo niyang pinatingkad ang mga nararanasang suliranin ng mga Pilipino sa malalayong lugar, ang malnutrisyon, kahirapan at kawalan ng access sa edukasyon.


Pero para kay Kara, hindi sapat ang pagsisiwalat ng katotohanan, kailangan ito ng aksyon. Kaya noong 2002, itinatag niya ang Project Malasakit, isang foundation na nagbibigay ng scholarship sa mga kabataang gustong makapag-aral ngunit walang kakayahang tustusan ang kanilang edukasyon.


Sa loob ng mahigit dalawang dekada, daan-daang kabataan na ang natulungan ng proyektong ito, marami sa kanila ngayon ay matagumpay na sa kani-kanilang larangan. Bukod sa pagiging isang journalist, isa rin siyang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas, kung saan ibinabahagi niya ang kanyang kaalaman at prinsipyo o papanaw sa mga susunod na henerasyon ng mga mamamahayag. Masasabi rin natin na isa siyang mapagmahal na ina sa kanyang anak na si Julia, isang lector at commentator sa simbahan at isang triathlete.


Sa kabila ng kanyang abalang iskedyul, sinisigurado niyang nabibigyan ng sapat na oras ang kanyang pamilya at personal na interes gaya ng sports at ang kanyang faith. Sa panahon ngayon, kung saan patuloy na hinahamon ang kakayahan ng kababaihan, si Kara David ay isang patunay na hindi lamang tapang ang kailangan, dapat may taglay na talino, malasakit, at paninindigan. Hindi siya umuurong sa mga mapanganib na kuwento, hindi siya natatakot sa mga hadlang at higit sa lahat, hindi niya isinuko ang kanyang misyon. At sa pamamagitan ng kanyang propesyon, ipinapakita niyang hindi kailangan ng mataas na kapangyarihan para maging isang bayani ng ating bayan at protektor o tagapagligtas ng katotohanan.


Bilang pagdiriwang ngayong Women’s Month, kaisa tayong nagbibigay pugay sa lahat ng kababaihan sa buong mundo!

 
 

ni Angela Fernando @Entertainment News | June 15, 2024



Showbiz news

Nagkaroon ng pagsasama ang mag-inang sina Maricel Laxa at Donny Pangilinan pati na rin sina Kaila Estrada at Janice de Belen sa segment ng Netflix na ‘I made it, Mom!’


Sa opening ng segment bago mag-umpisa ang interview, tila nagkainitan pa sina Donny at Kaila kung sino'ng mas magaling sa kanilang mga nanay.


Hirit pa ng aktor, hindi raw nila kailangang maging punctual dahil si Maricel naman ang kanyang ina na agad namang sinagot ni Kaila dahil hindi naman maitatangging iconic actress na ang kanyang inang si Janice.


Donny at Maricel

Sa unang episode ng ‘I made it, Mom!’, nausisa naman nina Maricel at Janice ang dalawa kung paano hina-handle ng mga ito ang atensiyong nakukuha sa mga tao simula sa kanilang pagkabata dahil kilalang personalidad ang mga magulang nila.


Sey naman nina Donny at Kaila, they share the same sentiment dahil normal naman daw ang kanilang childhood.


Very aware naman kasi ang dalawang trabaho 'yun ng kanilang mga magulang. Pag-amin pa ni Donny, nakikita niya raw ang kanyang inang pumupunta sa mga shootings pero hindi sila pinapayagan nitong manood ng kanyang palabas dahil inilalayo nito sa kanila ang showbiz.


Aminado naman si Maricel na ayaw niya talagang pasukin ng mga anak ang pag-aartista kaya naman laking gulat niya nang mag-artista si Donny dahil mahiyain pala ito growing up.


Naka-relate naman si Janice sa ina ni Donny dahil kahit siya, umaasang 'wag pasukin ng kanyang mga anak ang industriya.


Wala raw siyang paki kung ano'ng gustong gawin ng mga anak pero umasa talaga itong walang papasok ng showbiz ngunit nakita niya raw talaga kalaunan ang kagustuhan ni Kaila na umarte at mag-artista.


Maraming netizens naman ang nag-enjoy sa naging kuwentuhan ng mag-iina. Sey nga ng marami, parang mas nakilala raw nila ang dalawang young artists dahil sa interview kasama ang kanilang mga nanay.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page