top of page
Search

ni Clyde Mariano / MC @Sports | May 16, 2023


ree

Combat sports ang pinakamalupet na palakasan ng 'Pinas sa 32nd Southeast Asian Games kung saan humakot ng ika-44 na gold medal si Charllote Tolentino para sa Arnis Women's Full Contact Padded Stick (Bantamweight) class, dalawang araw bago matapos ang biennial games sa Cambodia.


Nagtala para sa 47th gold si Vanessa Sarno sa Weightlifting Women 71kg kahapon.


Nagtala naman ng ika-43 na ginto si Jason Balabal ng wrestling para sa 82kg category.


Humabol sa huling gabi ng boxing para sa gold si Nesthy Petecio para sa 46th gold habang silver medal si Norlan Petecio sa Men's Welterweight 67kg Boxing competition.


Si Norlan, ang nakababatang kapatid ni 2020 Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio ay sumuko kay Bunjong Sinsiri ng Thailand sa finals. Sa 45th gold si Jedah-Mae Soriano sa Women's Full Contact Padded Stick (Lightweight) category ng Arnis.


Silver medal finish din si John Marvin sa Men’s 80kg bout. Tansong medalya pa rin sa wrestler na si Chlovelle Van Adolfo sa Wrestling Greco Roman 67kg category. Nakapilak si Noel Norada Greco Roman Men's 62kg Wrestling competition. Nagdagdag ng silver si Michael Cater sa Men's 55kg Greco Roman Wrestling.


Pilak din si Shugen Nakano sa Men's Judo -66kg class. Bronze medalist sa Table Tennis sina Richard Gonzales at John Russel Misal sa Men's Doubles tournament. Tanso rin si Ezekyl Habig sa Men's Full Contact Padded Stick (Bantamweight) class of Arnis.


Dumagdag si Filipino arnisador Noah Gonzales ng bronze sa Men's Full Contact Padded Stick (Lightweight) category. Sa Judo men's -55 kg competition ay bronze si Daryl John Mercado.


Sa ngayon, umangat sa 5th place ang medal standings ng Pilipinas na may 46 gold, 72 silver at 87 bronze medals as of 9:30 a.m. kahapon, Mayo 15.

 
 

ni Eddie Paez, Jr. / MC @Sports | May 14, 2023


ree

Nakagintong medalya si Islay Erika Bomogao sa senior female elite 45 kg at silver din sa senior female wai kru sa 2023 IFMA Senior World Championship Bangkok, Thailand habang silver si Adelle Vinscent Rosales sa under 23 male mai muay kahapon.


Gintong medalya rin ang nakamit nina Rhichien Yosorez at Alyssa Kylie Mallarie sa under 23 female mai muay. Nakapilak si LJ Rafael Yasay sa under 23 male mai muay at bronze sa senior male combat 51 kg.


Silver medalist si April Joy La Madrid sa under 23 female wai kru. Johnden Aldana, Jr, silver sa senior male 18-24 wai kru.


Samantala, nakuha ng dehadong si Zorren James Aranas ng Pilipinas ang isang upuan sa semifinals sa pagpapatuloy ng kanyang panggugulat sa prestihiyosong 2023 World Pool Masters sa Essex, United Kingdom.


Ito ang lumutang pagkatapos maungusan ng manlalarong kilala rin sa bansag na "Dodong Diamond" si US Pro Billiards 2-leg winner at World Pool Billiards Association (WPA) no. 4 Wiktor Zielinskie ng Poland sa isang gigitang salpukang nagwakas sa iskor na 11-10.


Bagamat dalawang beses lang nagtabla (3-3 at 10-10), hindi malaman ng mga miron kung sino ang mangingibabaw hanggang sa huling match. Ang duelo ay kinakitaan ng palitan ng pagkuha ng momentum hanggang sa manaig ang wildcard na si Aranas sa dulo ng nabanggit na match-up sa quarterfinals ng torneong 16 na pili at malulupit na mga bilyarista lang ang kalahok.


Susunod na nakaharang sa pambato ng bansa tungo sa finals si dating World 10-Ball Championship winner Pin Yi Ko (Taiwan). Nakarating naman sa final 4 si Ko matapos daigin si 2022 World 9-Ball king Shane Van Boening (USA). Ang Taiwanese rin ang naging kampeon ng Asian 9-Ball tilt sa Singapore noong 2022.

 
 

ni Anthony E. Servinio / MC @Sports | May 12, 2023


ree

Ikawalong overall SEA games gold medal ang isinubi kahapon ni Eric Shaun Cray at 6th straight 400m hurdles gold sa SEAG sa 32nd Southeast Asian Games sa Morodok Techno National Stadium sa Cambodia.


Nagtapos ang 34-anyos na si Cray sa 50.03-second clocking sa paboritong event, tinalo ang Thailand (50.73) at Singapore (50.75). 7th place si Alhryan Labita sa 53.89.


Samantala, pinagpag ng defending champion Gilas Pilipinas Women ang malamyang first half upang tambakan ang Singapore, 94-63, para sa ikalawang sunod na panalo sa Women’s Basketball Tournament kagabi sa Morodok Techo Elephant Hall.


Nakatakdang harapin ng Gilas ang nalalabing isa pang walang talo Indonesia (3-0) ngayong araw simula 2:00 ng hapon sa laro na maaaring tumukoy kung sino ang mag-uuwi ng ginto.


Bilang paghahanda ay halos pantay na minuto ang ibinahagi ni Coach Patrick Aquino sa kanyang 12 manlalaro. Ibinalik ng koponan ang tiwala at lalong pinalaki ang agwat sa huling quarter, 79-46.

Samantala, may pag-asa pa sa gintong medalya sa boksing nang umabanse sa finals ang limang pambato ng bansa sa 32nd Southeast Asian Games sa Chroy Changvar Convention Center noong Miyerkules.

Buhay sa gold medal contention sina Olympian Nesthy Petecio kasama ang kapatid na si Norlan Petecio, Rogen Ladon, Ian Clark Bautista, at John Marvin maging si Irish Magno at Riza Pasuit nang magwagi sa kani-kanilang semifinal bouts.

Ginapi ni Nesthy, ang silver medalist sa Tokyo Games ang Cambodia via UD sa women’s featherweight class. Dumikit na rin sa gold si Norlan nang makadale ng split decision win kontra Singapore. Tumapos din si Ladon sa split decision win vs. Malaysia.

Tangka ni Bautista ang back-to-back men’s bantamweight crowns nang blangkahin ang Myanmar 5-0, habang si Marvin ay nasuntok ang UD victory laban sa Cambodia.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page