top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 2, 2022


ree

Umabot na umano sa 30 milyong indibidwal ang nag-fill out sa pabahay forms ni presidential candidate Manny Pacquiao na bukod sa pangakong pabahay ay nag-aalok din umano ng pangkabuhayan at scholarship sa kanyang mga tagasuporta.


Ayon kay Pacquiao, nasimulan na ang pagpapadala ng mga text messages sa kanyang mga tagasuporta bilang kumpirmasyon ng kanilang pag-fill out sa pabahay forms sa kasagsagan ng eleksiyon.


Bagaman, aminado rin umano si Pacman na may kabagalan ang pagsasagawa ng hakbang ng kanyang kampo para sa naturang proyekto, bunsod ng napakaraming tumatangkilik ng kanyang pabahay form, nanawagan ang presidential candidate sa publiko na itago lamang daw ang natanggap nitong mga ID.


Pahayag ng presidential aspirant sa media briefing nito sa Cagayan De Oro City, ine-encode na aniya ng kanyang kampo sa kanilang database ang pangalan ng bawat residente sa mga lugar na kanilang napuntahan.


Kaugnay nito, kung papalarin umanong manalo sa pagka-pangulo ay target ni Pacquiao na maglaan ng 300 hanggang 400 bilyong pisong budget upang bigyang-katuparan ang adhikaing makapagpatayo ng mga pabahay sa buong bansa.


Samantala, binuweltahan naman nito ang mga nagpapasaring na pinaaasa lamang niya ang mga botante at ang mga pabahay forms ay ginagamit lamang nito upang mangalap ng mga boto ngayong darating na 2022 elections.


Giit ni Pacquiao, bago pa man niya pasukin ang pulitika ay nagsasagawa na aniya siya ng mga housing projects, hindi tulad ng kanyang mga kapwa politiko na hindi naman umano naisasakatuparan ang mga pangako tuwing eleksiyon.


 
 

ni Zel Fernandez | May 1, 2022


ree

Sa isinagawang grand rally sa Cagayan De Oro City, kagabi, masugid na hiningi ni presidential candidate Manny Pacquiao ang boto ng mga nagsidalo, na pagbigyan siyang maluklok sa pinakamataas na posisyon sa bansa ngayong Halalan 2022.


Ani Pacquiao, “Bilyon-bilyon ang budget natin, taon-taon, pero wala po tayong nakita... wala akong nakita na opportunity para sa mga kababayan kong (naghihirap). Kaya bayan, ako’y nakikiusap sa inyong lahat, samahan ninyo ako, pagbigyan n’yo lang ako nang anim na taon lang... anim na taon lang pagbigyan n’yo ‘ko.”


Pagtiyak ni Pacquiao, kapag siya ang nahalal na bagong pangulo ng Pilipinas, wala umano siyang sasantuhing appointed o elected government official at ipakukulong ang sinumang mapatunayan niyang sangkot sa korupsiyon.


Tinataya namang aabot umano sa may 372,293 ang bilang ng mga registered voters sa Cagayan De Oro City ngayong 2022 elections.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 29, 2022


ree

Inihayag ni presidential aspirant Manny Pacquiao sa Presidential One-on-One Interview ni Boy Abunda na sisiguraduhin niyang hindi mauulit ang naranasan ng mga Pilipino na pabalik-balik na lockdown, sakaling siya ang manalong presidente.


Ayon kay Pacquiao, napakaraming negosyo ang naapektuhan at marami ang nawalan ng trabaho na sanhi ng pagkagutom ng mga Pilipino.


Dagdag pa ng senador, mabuting diskarte ay isang lockdown lang kasabay ang agresibong pagbabakuna sa mga gusto ng vaccine. Matapos nito ay agad na pagbubukas ng ekonomiya o negosyo.


Hindi rin daw dapat pilitin ang mga ayaw magpabakuna.


Aniya pa, dapat may nakakasa nang programa ang gobyerno sakaling may bago na namang COVID variant na lumabas.


“Dapat may mga programang nakaabang dyan. Ang sinasabi ko dito magkaroon tayo ng long term concrete plans. Kasama sa plano… magdevelop ng imprastraktura (para sa COVID),” aniya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page