top of page
Search

ni Lolet Abania | December 16, 2020


ree


Isang residente ang namatay matapos ang sunog na naganap sa Paco, Manila ngayong Miyerkules nang umaga, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).


Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog bandang alas-5:50 ng umaga sa isang residential area sa Burgos-Zamora St. sa nasabing lungsod.


Nagising na lamang ang mga residente sa lugar sa kapal ng usok at ingay ng sirena ng trak ng mga bumbero.


Agad na nagtakbuhan ang mga ito sa playground ng lugar at nanatili doon habang patuloy na inaapula ng mga bumbero ang apoy.


Dahil sa pagkabigla, hindi na napansin ng mga apektadong residente na dapat ay nakasuot sila ng face mask o face shield at isinasagawa pa rin ang social distancing dahil sa posibleng pagkakaroon ng transmission ng COVID-19.


Patuloy pang inaalam ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng namatay at ang halaga ng pinsala sa naganap na sunog.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | December 11, 2020


ree

Patay ang isa at anim ang sugatan matapos araruhin ng isang kotse ang limang sasakyan sa Divisoria nitong Biyernes nang umaga.


Pahayag ni Police Col. RollyFer Capoquian ng Manila Police District Station 11, “Lumalabas sa ating imbestigasyon na ang may kasalanan talaga rito ay itong si driver ng Hyundai Accent, kulay pula ‘yung sasakyan niya, inararo niya ‘yung limang sasakyan sa kahabaan ng CM Recto sa Divisoria.”


Aniya pa, “Ang malas lang po ay ‘yung pedicab driver, ‘yun na ‘yung namatay at ‘yung driver ng jeep lahat sila naman, ayun nagtamo ng sugat at nandoon sila sa ospital, nagpapagaling.”


Aniya, hindi pa umano nakikilala ang naturang pedicab driver. Patuloy naman ang imbestigasyon ng awtoridad sa insidente at nasa kustodiya na rin ang suspek.

 
 

ni Lolet Abania | December 7, 2020


ree


Ipapatupad ng lokal na pamahalaan ng Manila ang “no contact apprehension” para sa mga traffic violators sa lungsod simula ngayong Lunes (December 7, 2020).


Nagsimula kaninang umaga ang aktibidad ng programa sa kanto ng Quirino at Taft Avenues, Manila na pinangunahan ni Mayor Isko Moreno. Layon ng nasabing programa na mapigilan ang korapsiyon sa mga traffic enforcers at maiwasan din ang pagtatalo sa pagitan ng mga ito at ng mga motorista, gayundin ang posibilidad ng COVID-19 transmission.


Gayunman, ang mga motorista ay pagmumultahin ng P2,000 sa first offense, P3,000 sa second offense at P4,000 sa third offense para sa mahuhuling lalabag sa trapiko tulad ng pagsuway sa traffic control signals at signs, obstruction sa mga pedestrian lanes, driving on yellow box, overspeeding, hindi pagsusuot ng helmet para sa mga motorcycle riders at pagsasawalang-bahala sa lane markings.


Para naman sa counterflowing, reckless driving, at hindi pagsusuot ng seatbelts ay pagmumultahin ng P3,000 sa first offense, P4,000 sa second offense, at P5,000 sa third offense na lalabag sa panuntunan.


Naging posible ang programa sa tulong ng 36 high-definition CCTV cameras na nakalagay sa mga kaukulang lugar sa Manila. Ang command center ang siyang nagmo-monitor 24/7 ng mga cameras.


Ang mga registered owners ng mga sasakyan na mahuhuling lalabag ay makatatanggap ng isang formal notice. Sakaling balewalain ang nasabing notice, maaaring kumpiskahin ang lisensiya o ang registration renewal ng sasakyan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page