top of page
Search

ni V. Reyes | April 22, 2023



ree

Iniutos na ng liderato ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapalawig ng bisa ng driver’s license na mapapaso o ma-e-expire simula Abril 24.


Nilagdaan na ni LTO Chief Jay Art Tugade ang Memorandum Circular na nagpapalawig ng validity ng lisensya sa pagmamaneho hanggang Oktubre 31 ng kasalukuyang taon o sa sandaling matapos na ang procurement o ang proseso ng pagbili ng license cards na pinangangasiwaan ng Department of Transportation (DOTr).


Maliban dito, maituturing na waived o hindi na sisingilin ang multa sa late renewal.


“All holders of driver’s license cards expiring 24 April 2023 onwards shall no longer be required to renew their licenses until October 31, 2023 or as soon the driver’s license cards become available for distribution to the public,” saad ng memorandum circular.


“Further, all penalties for late renewal transaction shall be waived,” dagdag pa ng LTO chief.


Ang hakbang ng LTO ay sa gitna na rin ng nararanasang kakulangan ng suplay ng license cards sa lahat ng tanggapan ng ahensya sa bansa.


Kasabay nito, sinabi ni Tugade na umaasa ang ahensya na agad nang matatapos ng DOTr ang proseso ng procurement o pagbili ng license cards upang mapasimulan ang pag-iimprenta at maibigay na sa mga drayber na naghihintay na makahawak ng plastic card na driver’s license.


Inaabisuhan naman ang lahat ng law enforcers ng LTO at deputized agents nito na kilalanin ang validity o bisa ng driver’s license na napaso simula sa Abril 24, 2023.


 
 

ni Madel Moratillo | April 22, 2023



ree

Hindi lang kakulangan sa plastic cards na ginagamit sa pag-imprenta ng driver’s license, napipinto ring magkaroon ng shortage sa mga plaka.


Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, posibleng hanggang sa katapusan ng Hunyo na lang maging available ang mga plaka.


Dahil d'yan, kailangan aniyang magsagawa na ng procurement.


Nabatid na 5.2 bilyong piso ang ilalaang pondo ng Department of Transportation para sa 13 milyong plaka. Ito ay para matugunan maging ang mga backlog na plaka at para sa kasalukuyang pangangailangan.


Nabatid na may 2.3 million backlogs ang Land Transportation Office para sa pagpapalit ng plaka at 11.5 milyon naman sa plaka ng motorsiklo.


Nitong Huwebes una nang inanunsyo ng LTO na papel na muna ang magsisilbing lisensya dahil sa kakulangan ng plastic cards.


 
 

ni Jeff Tumbado | April 21, 2023



Atty. Gerome Tubig

Papayagan ng Land Transportation Office (LTO) na magamit bilang pansamantalang driver’s license ang Official Receipt (OR) o ang resibo na ibinibigay kapag kumukuha ng lisensya ng pagmamaneho.


Ang hakbang na ito ng LTO ay sa harap ng inaasahang kakulangan ng suplay ng plastic card na ginagamit sa paggawa ng driver's license.


Sa ilalim ng Memorandum na ipinalabas ng LTO, inaatasan ang mga regional at district office na sakaling maubos na ang suplay ng plastic card para sa driver's license ay gagamitin muna ang Official Receipt bilang “Temporary Driver’s License”.


Ang OR ay kailangang may kumpletong detalye, unique na QR code, at may mga screenshot ng harap at likod ng driver’s license card.


Inaatasan din ang mga regional director ng LTO na magkaroon ng re-allocation ng suplay ng plastic card sa kanilang mga nasasakupan kung kinakailangan.


Batay sa pinakahuling datos ng LTO, nasa 147,522 na lamang ang plastic cards na magagamit sa pag-iimprenta ng driver’s license na posibleng abutin na lang ng katapusan ng kasalukuyang buwan.


“Kaya po agad na rin pong gumawa ng hakbang ang LTO para matugunan ang inaasahang kakapusan na ito. Nakipagpulong na rin ang LTO sa mga law enforcer tulad ng PNP Highway Patrol Group upang maipabatid sa kanila na kung manghuhuli ng mga lumalabag sa batas-trapiko ay tanggapin na rin kung OR lamang ang ipapakita ng motorista,” ayon kay LTO Chief Tugade.


Mananatili ang panuntunan na ito hangga’t hindi nakakapag-imprenta ng plastic na driver’s license card.


Sa ngayon, hinihintay pa ng LTO na matapos ang proseso ng procurement ng plastic cards na pinangangasiwaan ng Department of Transportation (DOTr).


 
 
RECOMMENDED
bottom of page