top of page
Search

ni Jeff Tumbado | April 4, 2023



Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magiging maayos ang pagbiyahe ng publiko sa kanilang mga destinasyon ngayong Semana Santa.

Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, noong nakaraang linggo pa lamang ay ipinakalat na ng mga regional director ng LTFRB sa lahat ng regional office ang kanilang mga enforcer upang matiyak ang maayos at mahusay na daloy ng pasahero sa mga pampublikong terminal sa bansa.

Iginiit ni Chairman Guadiz na magsasagawa ng inspeksyon ang mga enforcer sa mga tsuper at konduktor upang siguraduhin na mananatiling alerto at maayos ang kanilang pag-iisip at katawan sa oras ng pamamasada sa pamamagitan ng pagsusuri kung nakainom ba ang mga ito ng alak o ipinagbabawal na droga.

Susuriin din ng mga enforcer ang mga public utility bus (PUB) upang masiguro na hindi ito kolorum at ligtas pa itong pumasada.


Titiyakin din ng mga enforcer na nasusunod ang mga umiiral na public health safety protocol sa loob ng pampublikong sasakyan dahil nananatiling nasa state of national public health emergency ang bansa.


Naglabas na rin ang LTFRB ng Special Permits para sa 743 units upang matiyak na mayroong sapat na PUB na magsisilbi sa mga pasaherong pupunta sa kani-kanilang probinsya.


 
 

ni Jeff Tumbado | March 3, 2023




Tuloy pa rin ang malawakang tigil-pasada ng ilang transport group sa darating na Lunes, Marso 6, kahit pa hindi na matutuloy ang pag-phaseout sa traditional jeepney sa buong bansa sa Hunyo 30.


Ito ang tiniyak ni Mar Valbuena, pangulo ng Manibela, na magsasagawa sila ng isang linggong tigil-pasada bilang protesta sa jeepney modernization program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).


Ayon kay Valbuena, kahit pa iniurong ng LTFRB ng hanggang Disyembre 31, 2023 ang deadline sa pagkuha ng konsolidasyon ay hindi sila matitinag sa kanilang ipinaglalaban.

Dagdag pa ni Valbuena, hindi pa niya nakikita ang kopya ng dokumento pero may nakapagsabi umano sa kanya na hindi kasama sa mga tinalakay ang solusyon sa kanilang mga karaingan.


“2021 pinutol ang consolidation. May mga iba-ibang transport cooperative tapos nu’ng pinutol ‘yun, ‘di kami natapos, basura na. Back to zero. Ngayon, kung gusto namin sumali, poproseso ulit kami pero doon na sa naunang kooperatiba na nag-comply,” ani Valbuena.


“Ano implications nito? Hindi na kami magiging kooperatiba. ‘Yung mga miyembro po namin na kasama sa kooperatiba sasali sa existing kooperatiba na naunang nakapag-comply o napayagan. Ano mangyayari du’n? Magmimiyembro na naman kami… May membership fee na naman. Panibagong gastos ulit,” paliwanag nito.


Nasa 100,000 public utility vehicles (PUV) ang umano’y lalahok sa welga na maaaring magparalisa sa transportasyon.


Sa ilalim ng programang modernisasyon ng PUV, inoobliga ang mga operator at driver ng mga tradisyunal na jeepney na magbuo o sumali sa kooperatiba para makakuha ng prangkisa, at ng mas mahal, moderno at environment-friendly na jeepney.


Nitong Miyerkules nang ihayag ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz sa ipinatawag na pulong balitaan na maglalabas sila ng bagong memorandum circular na nagsasaad ng pagpapalawig ng deadline ng prangkisa para sa mga tradisyunal na jeepney hanggang December 31, 2023.


Nakatakda sanang mapaso ang naturang mga prangkisa sa darating Hunyo 30.


“To be honest there is no pressure for us for this strike because more than 90% of the transport groups have signified their support to the program of the LTFRB,” pahayag ni Guadiz.


“In deference to the Senate resolution of Senator Grace Poe and to the request of the secretary of the Department of Transportation, we will be extending the deadline to allow the transport sector more time to consolidate,” dagdag pa ng opisyal.


 
 

ni Jeff Tumbado | March 2, 2023




Muling pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng mga tradisyunal na jeep hanggang Disyembre 31 ng kasalukuyang taon mula sa huling itinakda na Hunyo 30.


Inihayag ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III na maglalabas sila ng bagong memorandum circular sa mga susunod na araw hinggil sa nasabing desisyon.


“We are coming out with a new memorandum circular extending the deadline to December 31, 2023,” pagdedeklara ni Guadiz.


Ang pahayag ay kasunod na rin ng banta ng ilang transport groups hinggil sa isang linggong transport holiday simula sa Marso 6 hanggang 12.


“To be honest there is no pressure for us for this strike because more than 90% of the transport groups have signified their support to the program of the LTFRB,”ani Guadiz.


“[I]n deference to the Senate resolution of Senator Grace Poe and to the request of the secretary of the Department of Transportation, we will be extending the deadline to allow the transport sector more time to consolidate,” dagdag nito.


Nauna na ring ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na umaasa itong hindi matutuloy ang isang linggong transport holiday.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page