top of page
Search

ni Lolet Abania | January 16, 2022



Ipinahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong Linggo na ang mga commuters na magpiprisinta ng pekeng vaccine cards o medical certificates sa panahon ng pagpapatupad ng “no vaccination, no ride” policy ay posibleng maharap sa criminal offense.


Sa isang radio interview kay LTFRB-National Capital Region (NCR) Director Zona Tamayo, sinabi nitong kinokonsidera na nila ang isang local government unit-issued vaccine card o isang duly-signed medical certificate bilang mga public documents, kaya ang ipalsipika ito ay maaaring magresulta sa kasong kriminal.


“Criminal offense po ‘yan — merong imprisonment, meron pang penalties ‘yan. Medyo mabigat ‘pag sinabi nating criminal offense,” sabi ni Tamayo.


Una nang ipinagbawal ng Department of Transportation (DOTr), ang mga unvaccinated na indibidwal na gumamit ng mga pampublikong transportasyon sa NCR habang ang lugar ay nasa ilalim ng Alert Level 3.


Mapapatunayan naman ang full vaccination status ng indibidwal, sa pamamagitan ng pagprisinta nito ng alinman sa tinatawag na physical o digital copy ng LGU-issued vaccine card, ng Department of Health (DOH)-issued vaccine certification, o anumang Inter-Agency Task Force-prescribed document na mayroong valid government-issued ID na may larawan at address.


Exempted naman mula sa “no vaccination, no ride” policy ang mga indibidwal na may medical conditions na hindi pa pinayagang mabakunahan kontra-COVID-19, subalit kailangan nilang magprisinta ng duly-signed medical certificate na may pangalan at contact details ng kanilang doktor.


Gayundin, ang mga indibidwal na bibili ng essential goods at services ay exempted, basta mayroong silang duly-issued barangay health pass o iba pang patunay ng kanilang lehitimong pagbibiyahe.


Ang nasabing polisiya ay mahigpit na ipapatupad simula sa Lunes, Enero 17.


Matatandaang inihayag ng DOTr na ang mga pasahero o commuting public ay maaaring pagmultahin dahil sa paglabag sa kani-kanilang LGU ordinances, gaya ng paghihigpit sa galaw ng mga hindi pa bakunado.


“Ang range po niyan nasa P500 up to P5,000. ‘Yung iba naman po may kasamang imprisonment ranging from five days to six months,” paliwanag ni DOTr Undersecretary for Legal Affairs and Procurement Reinier Paul Yebra.


“Siyempre kung may makitang paglabag din sa existing na mga health protocols o ordinansa ng ating mga LGUs ay puwede silang patawan ng karagdagang penalties para doon,” sabi pa ni Tamayo.


Gayunman, ayon sa Philippine National Police-Highway Patrol Group ng NCR, na sa unang linggo ng pagpapatupad ng polisya, ang mga commuters na hindi pa bakunado kontra-COVID-19 ay bibigyan lamang ng warning.


“Ang nais naman natin kasi para sa pagpapatupad ng programang ito ay mabigyan ng impormasyon ang ating mga pasahero nang sa gayon ay hindi naman tayo magkaroon ng problema on the ground,” giit ni Tamayo.


Hinimok naman ni Tamayo ang publiko, gayundin ang mga government officials at PUV drivers at operators, na mag-comply sa naturang polisiya at huwag magprisinta ng mga pekeng dokumento para na rin sa kaligtasan ng lahat at pag-iwas sa panganib ng COVID-19.

 
 

ni Lolet Abania | December 9, 2021



Magpapatupad ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng bagong guidelines para sa kapasidad ng mga pasahero sa mga public utility vehicles (PUVs) simula Huwebes, Disyembre 9, 2021, hanggang Enero 4, 2022.


Sa isang statement ng LTFRB, batay sa kanilang Memorandum Circular No. 2021-076 na inilabas nitong Lunes, papayagan na ang 70% passenger capacity sa National Capital Region – na parehong kapasidad sa ilalim ng Alert Level 2.


Parehong kapasidad din ng mga pasahero ang papayagan sa mga probinsiya sa ilalim ng Metro Manila Urban Transportation Integration Study Update and Capacity Enhancement Project, gaya ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.


Para naman sa ibang rehiyon, papayagan ang 50% passenger capacity para sa PUVs, pero ayon sa LTFRB maaari silang magdagdag ng kanilang passenger load hanggang 70%, kung umabot na sila sa 30% vaccination rate ngayong Disyembre.


Gayunman, ang mga rehiyon na pinapayagan na sa 70% passenger capacity, subalit hindi pa nakukumpirma ang pagkakaroon nila ng 30% vaccination rate, kailangang magsumite ang kanilang Regional Franchising and Regulatory Board ng isang memorandum sa board na may certification ng vaccination rate mula sa Regional IATF o Department of Health Regional Office.


Nagtakda na rin ng panuntunan ang LTFRB para sa passenger capacity naman sa mga inter-regional routes.


Kailangan namang iobserba ng mga PUVs na patungong Metro Manila ang pinapayagang kapasidad ng mga pasahero mula sa lugar na kanilang pinagmulan. Para naman sa mga nanggaling sa NCR, kailangan nilang sumunod sa kapasidad sa lugar ng endpoint ng biyahe.


Para sa inter-regional routes na hindi tatawid sa Metro Manila, ang mga PUVs ay kailangang sundin ang pinakamababang passenger capacity ng partikular na rehiyon.


Paalala pa ng LTFRB na dapat sumunod sa minimum health safety protocols sa mga PUVs, gaya ng pagsusuot ng face mask, bawal ang pagsasalita o pakikipag-usap sa telepono at pagkain, gayundin, dapat na may maayos na bentilasyon, regular din ang disinfection, laging may physical distancing at hindi pagtanggap sa mga pasaherong may sintomas ng COVID-19.


Babala naman ng ahensiya sa mga PUV operators sa posibleng sanctions tulad ng pagmumulta at revocation ng lisensiya, sakaling mabigo silang sumunod sa mga ipatutupad na guidelines.

 
 

ni Lolet Abania | November 24, 2021



Sinimulan na ng gobyerno ang distribusyon ng P1-bilyon pondo para sa fuel subsidies ng mga drayber ng public utility jeepney (PUJ) na nagkakahalaga ng P7,200 upang makatulong sa kanilang problemang pinansiyal dahil sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.


“According to Landbank, as of yesterday, they were able to credit the amount of P7,200 to 78,000 beneficiaries,” ani Land Transportation Franchising and Regulatory Board National Capital Region (LTFRB-NCR) director na si Zona Tamayo sa virtual launching ng Fuel Subsidy Program ngayong Miyerkules.


Noong nakaraang buwan, inaprubahan ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang paglalabas ng pondo na P1 bilyon sa LTFRB para sa cash grants ng mga public utility vehicle (PUV) drivers.


Nilinaw naman kalaunan ng LTFRB na ang fuel subsidy ay para lamang sa mga PUJ drivers dahil ang sektor na ito ang may pinakamalaking porsiyento ng public transport coverage.


Ayon kay Tamayo, iyong mayroon nang Pantawid Pasada Program cards, ang kailangan na lamang ay i-check ang kanilang account balance sa alinmang Landbank ATMs upang malaman kung ang naturang fuel subsidy ay pumasok na sa kanilang accounts.


Para naman sa mga benepisyaryo na wala pang fuel cards, sinabi ni Tamayo na kailangan nilang makipag-ugnayan sa kanilang LTFRB regional offices upang maiskedyul ang printing ng kanilang mga cards.


“Para malaman ang schedule kung kailan sila pupunta sa designated Landbank branch nila to get their cards,” sabi ni Tamayo. Ayon sa LTFRB, mahigit sa 136,000 valid franchise holders ng PUJs sa buong bansa ang mabebenepisyuhan mula sa Pantawid Pasada Fuel Program.


Bawat recipient ay makakatanggap ng isang one-time Pantawid Fuel card na nagkakahalaga ng P7,200 bilang fuel subsidy para sa taong ito.


Sinabi rin ng ahensiya na ang Pantawid Pasada Fuel card ay valid para sa mga fuel purchases lamang at mga nakiisang petroleum retail outlets o gasoline stations kung saan mayroong “Pantawid Pasada Card Accepted Here” signages.


Paliwanag naman ng LTFRB na anumang paglabag sa paggamit ng card, gaya ng pagbili ng ibang produkto maliban sa fuel na ginagamit ang card ay awtomatikong madi-disqualify ang card owner mula sa Pantawid Pasada Fuel Program at benepisyo nito.


Unang ipinatupad ang programa noong 2018 at 2019 bilang pagsunod sa mga probisyon ng R.A. No. 10963, o kilala rin sa tawag na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page