top of page
Search

ni Lolet Abania | November 12, 2020




Tinatayang aabot sa 3.8 milyong Manila Electric Company (Meralco) customers ang walang kuryente sa mga susunod na araw matapos ang malakas na hangin at matinding pagbuhos ng ulan dulot ng Bagyong Ulysses na nagpabagsak sa mga poste at power lines ng kumpanya sa ilang lugar sa bansa.


Ayon kay Meralco spokesman Joe Zaldarriaga, malaking bahagi sa kanilang service area ang napinsala at maraming power lines ang nasira dahil sa pagtama ng nasabing bagyo.


"As of 5 a.m. aabot sa 3.8 million Meralco customers ang apektado at medyo malawak ang area," sabi ni Zaldarriaga.


Hindi batid ni Zaldarriaga kung kailan maibabalik ang supply kuryente dahil patuloy pang inaalam ng Meralco ang lawak ang naidulot ng pinsala ng bagyo.


"Sa tingin ko matatagalan pa," ani Zaldarriaga.


"Maraming poste ang na-damage, ‘di ko pa alam kailan maaayos," dagdag niya.


Samantala, sa post sa Facebook ng Meralco, hiniling ng kumpanya sa publiko na i-report sa kanila ang mga naapektuhan ng brownouts.

 
 

ni Lolet Abania | November 12, 2020



Dahil sa lakas ng Bagyong Ulysses, umapaw ang tubig sa Pasig River na malapit sa Malacañang kung saan nakatira si Pangulong Rodrigo Duterte.


Nasa Malacañang Golf Clubhouse si Pangulong Duterte para sa nakatakdang ASEAN virtual summit nang ala-una ng hapon ngayong Huwebes.


"’Yung likod po ng kanyang bahay ay umapaw na rin po 'yung Pasig River kung saan po siya nagmi-meeting kanina," ani Sen. Christopher "Bong" Go sa Laging Handa press briefing ngayong Huwebes.


Gayunman, sa address to the nation ni Pangulong Duterte, tiniyak niyang matutugunan ng pamahalaan ang mga pangangailangan ng mga Pinoy.


"Agencies have already been mobilized to respond to the situation on the ground," sabi ng Pangulo.


“As one nation, kapit po tayo mga kababayan, magbayanihan po tayong lahat," dagdag nito.


Batid din ni Pangulong Duterte na marami na namang maglalabasang kritisismo sa kanya dahil sa kasalukuyang krisis na nararanasan ng bansa.


"Wala kaming tulog dito," ani P-Duterte, matapos ang pagdalo sa ASEAN virtual forum.

Sinabi pa ng Pangulo, nais niyang maglibot at tingnan ang kalagayan ng kanyang mga kababayan. Gusto rin niyang tulungan ang mga Pinoy na matinding binabayo ngayon ng bagyo.


"Gusto kong lumangoy, matagal na akong hindi naligo, eh. Kaya lang, ayaw nitong mga sundalo, sila ang ayaw gustong maligo, ibig sabihin," sabi ni Pangulong Duterte.


"It's not that I'm at a distance from you. Gustong pumunta doon, makipaglangoy nga sa inyo. Ang problema, pinipigilan ako kasi raw, 'pag namatay ako, isa lang ang presidente. Sabi ko, may vice president naman. Wala naman silang sinasagot. Nagtitinginan lang sila tapos hindi, hindi ka puwedeng mamatay itong panahon na ito. Kung malunod ka, malulunod kaming lahat nagtatrabaho sa iyo," aniya pa.

 
 

ni Lolet Abania | November 12, 2020




Umabot sa 21.8 metro ang level ng tubig sa Marikina River na naitala alas-9:14 ng umaga ngayong Huwebes dahil sa Bagyong Ulysses, katulad ito ng nangyari sa panahon ng Ondoy noong 2009.


Inamin ni Mayor Marcy Teodoro na hindi nila inaasahan ang ganitong sitwasyon kung saan puno na ang mga evacuation centers ng mga residente habang mayroong naghihintay ng rescue dahil sa umabot sa ikalawang palapag ng kanilang bahay ang baha.


"Nao-overwhelm na kami sa extent, magnitude ng baha na nararanasan namin," ani Teodoro.


Gayunman, humingi na ng tulong si Teodoro sa Philippine Coast Guard.


"Kung makakatugon sila sa lalong madaling panahon sana," sabi ng alkalde.


Ayon pa kay Teorodo, nangangailangan din sila ng dagdag na rescue boats at personnel dahil sa maraming residente ang stranded at ang iba ay nakakaranas na ng hypothermia o pagkakaroon ng abnormal na temperatura sa katawan na may panginginig at pagkalito ng isip.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page