top of page
Search

ni Lolet Abania | November 16, 2020




Nagdeklara ng mga suspensiyon ng klase sa lungsod, ilang paaralan at unibersidad dahil sa pinsalang idinulot ng Bagyong Ulysses.


Una nang nag-anunsiyo kagabi ang Pasig City at Quezon City na walang pasok mula pre-school hanggang senior high school ngayong araw at bukas. Ipatutupad naman ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang “academic freeze” sa lahat ng kanilang eskuwelahan sa buong bansa, mula November 16 hanggang November 27.

Suspendido ang klase sa Bulacan sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong eskuwelahan ngayong Lunes, November 16.


Ilang unibersidad din sa Metro Manila ang mananatiling suspendido simula November 16 hanggang November 21, kabilang ang synchronous at asynchronous classes ng Ateneo de Manila University at University of Santo Tomas (UST).


Mula November 16 hanggang November 21, suspendido ang klase ng lahat ng synchronous at asynchronous pati na rin ang pagsusumite ng mga course requirements sa University of the Philippines (UP).


Mula November 16 hanggang November 21, suspended ang synchronous at asynchronous classes sa Far Eastern University High School.


Mula November 16 hanggang November 21, suspendido ang lahat ng synchronous classes sa University of the East, kabilang ang Graduate School at College of Law.


Nag-abiso naman ang De La Salle University sa lahat ng mag-aaral at guro na magkakaroon ng extension sa pagsusumite ng mga requirements.


Samantala, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), maaari pa ring magsuspinde ng klase ang mga lokal na pamahalaan kahit pa online o distance learning ang pag-aaral at ang kasalukuyang ipinatutupad na work-from-home.

 
 

ni Lolet Abania | November 15, 2020




Niyanig ng 5.0-magnitude na lindol ang Masbate, alas-2:35 ng hapon ngayong Linggo, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).


Sa inilabas na bulletin ng Phivolcs, ang epicenter ng lindol ay nasa 11.81°N, 124.19°E - 018 km S 60° E ng Pio V. Corpuz sa Masbate na may lalim na 018 kilometers.


Ang lindol ay tectonic kung saan naramdaman din ang pagyanig sa mga lalawigan at lungsod sa Visayas, kabilang ang Cebu.


Sa inisyal na report ng Phivolcs, nasa 4.8-magnitude ng Richter scale ang lindol subali’t matapos ang isang oras, nag-isyu ang ahensiya ng updated bulletin na 5.0-magnitude ang pagyanig.


Naramdaman ang Intensity IV sa Pio V. Corpuz at Cataingan, Masbate; Almagro at Tagapul-an, Samar; Naval, Maripipi, Kawayan, Almeria, Biliran; Calubian, Leyte; Medellin, Cebu habang Intensity III sa Villaba at Tabango Leyte; Calbayog City at Catbalogan City, Samar. Nasa Intensity II sa Tacloban City; Palo, Carigara at Jaro, Leyte; Irosin, Sorsogon habang Intensity I sa Liloan, Cebu; Mandaue City; Cebu City; Lapu-Lapu City.


Nakaranas din ng pagyanig ang mga residente sa ilang lugar sa Talisay at Cebu.


Wala namang nasaktan at napinsala matapos ang lindol.


Gayunman, pinapayuhan ng Phivolcs ang publiko na maging mapagmatyag at mag-ingat sa inaasahang mga aftershocks.

 
 

ni Lolet Abania | November 15, 2020




Isinumite ni dating House Speaker at ngayo’y Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez ang kanyang ‘irrevocable resignation’ sa posisyon at bilang miyembro ng partido ng ruling PDP-Laban matapos ang halos limang taong pagseserbisyo bilang secretary-general.


Sa isang pahayag na inisyu ng kanyang opisina, nag-resign si Alvarez sa PDP-Laban dahil sa pagnanais nito na magkaroon ng isang voter’s education campaign para sa mga Pinoy upang malaman ang kahalagahan nito sa 2022 elections.


"Unfortunately, serving as a ranking officer and member of PDP-Laban while simultaneously handling this advocacy may be misconstrued by critics as politicking by the Party presently in power," ayon sa pahayag.


Matapos magbitiw sa PDP-Laban, kung saan si Sen. Aquilino "Koko" Pimentel III ang presidente habang si Pangulong Rodrigo Duterte naman ang chairman ng nasabing partido, tinanggap ni Alvarez ang posisyon bilang chairman na ibinigay ni dating National Defense Sec. Renato de Villa para pamunuan at i-revive ang Reporma.


Isang non-mainstream party ang Reporma na walang affiliation sa kahit sinong personalidad na naiulat na nagnanais ng presidency.


"This way, the voter’s education campaign can proceed, and rightly be perceived, as politically neutral without risking possible backlash against PDP-Laban," aniya pa.


Gayunman, pinasalamatan ni Alvarez ang PDP-Laban sa ibinigay na suporta sa kanya noong 2016 at 2019 elections.


"The Party’s assistance for those campaigns that led to historic electoral victories cannot be understated," sabi ni Alvarez.


Samantala, naging Speaker ng House of Representatives si Alvarez sa una at ikalawang regular session ng 17th Congress mula 2016 hangang 2018.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page