top of page
Search

ni Lolet Abania | November 23, 2020




Iniutos ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong Lunes ang pagpapahinto ng trabaho sa Skyway extension project upang magbigay-daan sa gagawing imbestigasyon sa nangyaring aksidente noong Sabado na ikinamatay ng isa, habang apat ang sugatan at ikinasira ng anim na sasakyan dahil sa bumagsak na steel girder.


Ayon kay DOLE Spokesman Rolly Francia, nakasaad sa inilabas na order ng DOLE-National Capital Region ang pagpapatigil sa konstruksiyon ng buong proyekto, mula sa Susana Heights sa Muntinlupa City hanggang sa Sucat sa Parañaque.


“Ang pagpapahinto po ng construction ay ipinag-utos upang mabigyang-daan ang imbestigasyon upang malaman kung may mga violation na nagawa o na-commit sa construction site at upang alamin din ano ang hawak na lisensiya ng mga contractors at subcontractors at kung may paglabag sa labor and safety standards,” sabi ni Francia.


Inisyu ang order para sa contractor na EEI Corp. at kanilang subcontractors, kung saan inisyal lamang na sinagot nito ang gastos ng aksidente sa site na nasa Muntinlupa City.

“Both the northbound and southbound leading to Susana Heights kaya 'yun ‘yung hinihintay nating bagong order this afternoon,” sabi ni Francia.


Sinabi pa ni Francia na mananatili ang suspensiyon hanggang sa bawiin na ito ng regional office at matapos ang imbestigasyon sa insidente.


Samantala, ang extension project ay inisyal na makukumpleto sa December ngayong taon, kung saan nagdagdag ng dalawang northbound lanes at tatlong southbound lanes na target sanang matapos ang proyekto sa February 2021, subali’t ipinatigil dahil sa naganap na aksidente.


Magkakaroon ito ng direct connection sa Skyway 1, 2, at 3, at magagamit ng mga motorista mula sa south patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Makati, Manila, San Juan, Quezon City at sa North Luzon Expressway (NLEx) na hindi na dadaan pa sa Alabang at EDSA.

 
 

ni Lolet Abania | November 20, 2020




Pinayagan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagsasagawa ng onsite 2020 Foreign Service Officer Examinations sa susunod na buwan.


Gayunman, magpapatupad pa rin ng minimum public health standards at pagkakaroon lamang ng 30 porsiyentong seating capacity sa nakalaang examination venue.


Itinakda ang nasabing exams mula December 15 hanggang 17.


Inaprubahan din ng IATF sa buong bansa ang pagsasagawa ng isang Consumer Payments Survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at pagkakaroon onsite ng mga guidelines, written, oral at practical specialty, at subspecialty examinations na inisyu ng Philippine Medical Association (PMA).

 
 

ni Lolet Abania | November 19, 2020



Magsasagawa ang pamahalaang lungsod ng Marikina ng rapid testing para sa COVID-19 sa mga residente na karamihan ay nananatili sa evacuation centers dahil sa pagkasira ng kanilang tirahan dulot ng Bagyong Ulysses.


Ayon kay Mayor Marcy Teodoro, target nilang gawin ang testing sa ilang evacuation centers sa lungsod upang hindi na kumalat pa ang Coronavirus habang nasa state of calamity ang Luzon.


Sinabi ni Teodoro na ang mga sumalang sa rapid test at naging reactive ay isasailalim sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test. Habang naghihintay naman sa resulta ng swab tests, ang isang indibidwal ay ia-isolate at dadalhin sa Marikina Convention Hotel.


Samantala, hinihintay pa ng alkalde ang dagdag na rapid test kits matapos na maubusan sila nito. Gayunman, nag-deploy na ang nasabing siyudad ng mga contact tracers sa mga evacuation centers, kung saan isang evacuee sa Barangka Elementary School ang nagpositibo sa test sa COVID-19 at kasalukuyang nasa isolation dahil symptomatic ito.


"May na-detect kami na isang positive case sa Barangka Elementary School, 68 years old siya at may comorbidities kaya naging maagap tayo upang hindi lang siya ma-isolate kung hindi higit sa lahat matanggap niya ‘yung medical supportive treatment para gumaling siya agad," sabi ni Teodoro.


Ayon pa kay Teodoro, agad na nalaman ng contact tracing team ang 13 evacuees na nagkaroon ng direct contact sa COVID-19 patient.


"Lahat ng mga nakasalamuha niya at nakasama niya sa evacuation center batay doon sa contact tracing na 13 katao ay negative naman," sabi ni Teodoro.


"Tinest din natin ang kanyang limang family members at mabuti naman na ang lumabas sa PCR testing ay negative lahat, iyong asawa niya na 62 years old at ang tatlong anak niya," sabi pa ng alkalde.


Sa ngayon, mahigit sa 15,000 indibidwal ang nananatili sa evacuation centers sa Marikina.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page