top of page
Search

ni Lolet Abania | November 26, 2020




Pumanaw na ang frontman ng Pinoy heavy metal band na Slapshock na si Vladimir “Jamir” Garcia sa edad na 42.


Isa sa mga pinakakilalang banda sa bansa ang Slapshock at naging tanyag din abroad dahil sa kanilang eargasmic music.


Nabuo ang grupo noong 1997 bilang Nu metal band pero binago nila ito at ginawang metalcore style.


Ang mga miyembro ng rock group ay sina Jamir Garcia (Lead vocals), Lee Nadela (Bass guitar), Lean Ansing (Lead guitar), Chi Evora (Drums), at Jerry Basco (Rhythm guitar, backup vocals).


Nakatanggap na rin ng maraming awards at nominations mula sa mga award-giving bodies ang Slapshock.


Gayundin, pinasikat ng banda ang mga kantang “Agent Orange,” “Sigaw,” “Misterio,” “Cariño Brutal,” “Unshakable,””Langit’,” at iba pang hit songs.


Samantala, natagpuan si Garcia na wala nang buhay sa kanyang tirahan sa Bgy. Sangandaan, Quezon City, ngayong araw, November 26, ayon sa Quezon City Police District. Ayon sa report ng pulisya, nag-suicide umano ang singer.


Ayon naman sa Facebook page ng Death Threat Production, naisugod pa si Jamir sa Metronorth Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival ng attending physician.

 
 

ni Lolet Abania | November 25, 2020




Inanunsiyo ng Social Security System (SSS) ngayong Miyerkules na matatanggap na ng lahat ng pensioners ang kanilang December at 13th month pensions simula December 1.


Ayon kay SSS president at chief executive officer Aurora Ignacio, ipinoproseso na nila ang pag-transfer ng pondo sa Development Bank of the Philippines (DBP).


“Ililipat na po namin sa DBP by today or tomorrow ‘yung pondo para maibigay na nila sa mga bangko at maging withdrawable na siya on December 1,” ani Ignacio sa ginanap na Laging Handa briefing.


“So 13th month and December pension will be on December 1, tapos po ‘yung second batch ng pensioners will receive ‘yung kanilang December pension ng December 16,” paliwanag ni Ignacio.


Noong nakaraang buwan sinimulan ng SSS ang pag-release ng regular pensions sa pamamagitan ng disbursement facility ng DBP gamit ang Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet) at ang DBP-accredited remittance transfer companies (RTCs)/cash payout outlets (CPOs).

 
 

ni Lolet Abania | November 25, 2020




Naglabas ng anunsiyo si Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III ngayong Miyerkules na ang halaga ng RT-PCR (nasal swab) test para sa COVID-19 infection ay P3,800 hanggang P5,000 maximum.


Ayon kay Duque, papatawan ng suspensiyon sa lisensiya na mag-operate ang negosyo kapag lumabag ito sa itinakdang price cap para sa first at second offense habang sa third offense ay nangangahulugan ng revocation ng lisensiya.


“Ito ang nabuo from market study. Meron itong batayan at hindi binunot lang from thin air,” sabi ni Duque.


“Ginawa nating price range kasi maraming variables. This gives laboratories leeway to consider variables,” sabi pa ng kalihim.


Kinokonsidera bilang gold standard ang test ng RT-PCR o real-time reverse transcription polymerase chain reaction para sa posibleng COVID-19 infection. Umabot din sa halos walong buwan bago naitakda ang price cap ng RT-PCR test simula ng COVID-19 transmission na nai-record sa bansa noong March.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page