top of page
Search

ni Lolet Abania | November 29, 2020




Pumanaw na ang British actor na si David Prowse na gumanap na Darth Vader sa original na Star Wars trilogy sa edad na 85 matapos na magkasakit.


Isang dating bodybuilder si Prowse na nakilala sa kanyang natatanging pagganap bilang iconic super-villain sa tatlong orihinal na George Lucas movies.


Nagmula sa Bristol, ang 6’6” na aktor ang nai-cast bilang Vader dahil sa tikas ng kanyang pangangatawan.


Gayundin, mas nakilala si Prowse sa role niya sa Green Cross Code Man, kung saan umani siya ng MBE, isang parangal sa Order of the British Empire.


Ipinapalabas ito sa TV, kung saan nagbibigay-babala sa mga bata ng panganib ng paglalakad sa mga kalsada nang mag-isa.

 
 

ni Lolet Abania | November 29, 2020




Itinanghal bilang World’s Leading Dive Destination ang Pilipinas ng 2020 World Travel Awards.


Ayon sa Department of Tourism (DOT), ito ang ikalawang pagkakataon na nagwagi ang bansa bilang World’s Leading Dive Destination matapos na unang kinilala noong 2019.


Muling kinilala sa buong mundo ang ‘Pinas na tahanan ng maraming dive sites tulad ng Tubbataha Reefs Natural Park sa Palawan, Apo Reef Natural Park sa Mindoro, at Apo Island sa Dumaguete, matapos na talunin ang walong magagandang dive destinations kabilang na ang Bora Bora, French Polynesia, Cayman Islands, Fiji, Galapagos Islands, Great Barrier Reef, Australia, Maldives, at Mexico.


Una nang pinarangalan ang ‘Pinas bilang Asia’s leading beach kasunod nito ang pangunguna ng bansa sa dive destination sa World Travel Awards 2020.


Bukod pa rito, ang Intramuros, Manila ay kinilala rin bilang World's Leading Tourist Attraction.


Ito ang kauna-unahang pagkakataong nakamit ng Manila ang ganitong parangal dahil sa ipinagmamalaking Walled City ng Intramuros laban sa 15 tourist spots kabilang ang Acropolis ng Greece, Burj Khalifa ng Dubai, ang Grand Canyon National Park ng USA, Mount Kilimanjaro ng Tanzania, at Taj Mahal ng India, at marami pang iba.


Samantala, itinatag ang World Travel Awards noong 1993 na kumikilala sa mga katangian at organisasyon sa buong mundo mula sa travel, tourism, at hospitality industries sa pamamagitan ng kanilang annual Grand Tour, mga serye ng anim na regional gala ceremonies na idinaraos sa bawat kontinente, kung saan kada taon ay nagsasagawa ng Grand Final Gala.

 
 

ni Lolet Abania | November 29, 2020




Nagtala ang Kanlaon Volcano ng tatlong volcanic earthquakes sa loob lamang ng 24-oras, ayon sa bulletin na inisyu ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Linggo.


Sa ulat ng Phivolcs, naglabas din ang naturang bulkan ng sulfur dioxide emission na umabot sa average na 336 tonnes/day noong Martes, November 24.


Mula noong June, 2020, may pagkakataon na nagkaroon ng bahagyang inflation sa lower at mid slopes ng bulkan, base ito sa ground deformation data mula sa isinasagawang GPS measurements ng ahensiya.


Sa obserbasyon pa ng Phivolcs, ito ay nagbabadya ng hydrothermal o magmatic processes sa pinakailalim ng bulkan.


Inilagay na rin sa Alert Level 1 ang buong lugar sa Kanlaon Volcano dahil sa nananatili itong nasa abnormal condition o tinatawag na period-of-unrest.


"Hindi naman po ito karamihan pero ang mga volcanic earthquakes na naitala natin at pamamaga ng bulkan ay ibig sabihin, abnormal ang kondisyon ng bulkan pero wala naman dapat ikaalarma," sabi ni Phivolcs Officer-in-Charge at Science and Technology Usec. Renato Solidum Jr.


"Ang importante ay hindi sila (residente) papasok sa apat na kilometro na permanent danger zone," sabi pa ni Solidum.


"May mataas na posibilidad na magbuga ng usok pero dahil ito sa pagkulo ng tubig," ani Solidum. "'Yan din ang sanhi ng pamamaga ng bulkan."


Gayunman, karamihan sa naging eruptions ng Kanlaon Volcano ay hindi nakapaminsala nang husto subalit ang huling pagputok nito ay naglabas ng magma na naganap noong 1900s, ayon kay Solidum.


"Araw-araw tayo nagpapalabas ng impormasyon," ani Solidum.


Pinapayuhan ng ahensiya ang lahat ng residente na maging mapagmatyag at mag-ingat anumang oras.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page