top of page
Search

ni Lolet Abania | November 30, 2020




Isa ang namatay habang 22 ang nakaligtas matapos na isang passenger boat ang tumaob at lumubog sa Atimonan, Quezon ngayong Lunes nang umaga, ayon sa ulat ng pulisya.


Sa report ng Quezon Provincial Police, nailigtas ang 17 pasahero at limang crew members ng M/B Gesu Bambino.


Sa hiwalay na ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), isang crew member ang nalunod sa naganap na insidente.


Base sa report ng pulisya, umalis ang Gesu Bambino sa Atimonan Feeder Port patungong bayan ng Perez bandang alas-11 ng umaga. Naglalayag pa lamang ang M/B Gesu Bambino sa tinatayang 500 metro ang layo mula sa port nang humampas ang napakalakas na alon bandang alas-11:30 ng umaga kaya tumaob at lumubog ang nasabing barko, ayon pa sa pulisya.


Matapos ang insidente, agad na rumesponde ang Jenalyn Shipping Lines at ipinadala ang M/V Pinoy RORO habang isa pang kumpanya ang nagpadala rin ng cargo boat mula Alabat upang mai-rescue ang mga pasahero ng Gesu Bambino.


Gayundin, agad na nasagawa ng search-and-rescue operations ang kawani ng Atimonan Feeder Port, PCG, Bureau of Fire Protection, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Atimonan Police.


Inabot ng isang oras bago nai-rescue ang 22 pasaherong sakay ng nasabing barko. Dinala rin ang mga nakaligtas sa isang ospital sa Alabat para isailalim sa medical checkup.

 
 

ni Lolet Abania | November 30, 2020




Nagpositibo sa test sa COVID-19 ang tatlong senior police officials ng Philippine National Police (PNP), ayon sa pahayag ni PNP Chief Police General Debold Sinas.


Sa ginanap na press conference ngayong Lunes, kinilala ni Sinas ang mga infected na police officers na sina Northern Police District Chief PBrig. Gen. Ronnie Ylagan, Firearms and Explosives Director PBrig. Gen. Rommil Mitra at PBrig. Gen. Joey Runes, pawang mula sa Office of the Chief PNP.


"So, nagkalabasan 'yan noong nag-command conference kami, kaya hindi sila naka-attend ng conference kasi nga, mga positive na sila and it's good kasi at least may early detection tayo," sabi ni Sinas.


Gayunman, ayon kay Sinas, ipinapatupad na ang regular na pagsasagawa ng COVID-19 testing sa mga police officers upang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa kanilang hanay.


Sa ngayon, ang PNP ay may 8,103 COVID-19 cases na may 370 ang aktibo. May kabuuang bilang na 7,707 naman ang nakarekober mula sa virus habang 26 ang namatay.

 
 

ni Lolet Abania | November 30, 2020




Inaasahang masisimulan ang mass vaccination ng milyun-milyong Pinoy sa Hunyo o Hulyo nang susunod na taon, ayon sa isang opisyal ng Department of Science and Technology (DOST).


Sa isang public briefing ngayong Lunes, sinabi ni Philippine Council for Health Research Development (PCHRD) Executive Director Dr. Jaime Montoya, patuloy ang isinasagawang koordinasyon ng gobyerno sa mga suppliers ng COVID-19 vaccines.


“Kung ang ibig ninyong sabihin ng mass vaccination ay million ang bibigyan ng bakuna, ang atin pong estimate dito ay sa second quarter pa rin po next year. So, either po June or July,” sabi ni Montoya.


“Pero patuloy po ang negosasyon natin sa mga suppliers ng bakuna, na kung sila, magiging successful, sana po ay mas mapaaga ‘yung availability ng bakuna,” dagdag niya.


Noong Biyernes, nagkaroon ng pirmahan ang pamahalaan, private sector at manufacturer na AstraZeneca para sa isang tripartite agreement na magbibigay-access sa bansa sa COVID-19 vaccines.


Tiniyak ng gobyerno para sa unang supply deal ng bakuna, na magkakaroon ang bansa ng 2.6 milyong shots ng potensiyal na COVID-19 vaccine na na-develop ng AstraZeneca.

Matatandaang sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na mahigit sa 35 milyong Pinoy ang bibigyang-prayoridad upang makatanggap ng bakuna laban sa COVID-19. Uunahin ang pagbibigay ng bakuna sa mga mahihirap na Pinoy kasunod ang mga priority sectors gaya ng mga healthcare workers, pulis, sundalo at iba pang essential workers ng gobyerno at business sector.


Sinabi rin ni Galvez na kinokonsidera rin nila ang mga lugar na mayroong mahigit sa 3,000 aktibong kaso ng COVID-19.


Ayon pa kay Galvez, plano ng pamahalaan na mabigyan ng COVID-19 vaccine ang 20 milyon hanggang 30 milyong Pinoy taun-taon sa loob ng tatlo hanggang limang taon. Target pa ng gobyerno na mabakunahan ang 60 hanggang 70 million sa mahigit 100 milyong Filipino.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page