top of page
Search

ni Lolet Abania | December 6, 2020



Nakatakdang durugin ang mahigit sa 35,000 tableta ng mga regulated drugs na diazepam at nitrazepam na umano’y ilegal na inimport sa bansa, ayon sa pahayag ng Philippine National Police (PNP) ngayong Linggo.


Ito ang naging direktiba ni PNP chief Police General Debold Sinas kay PNP Drug Enforcement Group (PDEG) director Police Brigadier General Ronald Lee na gawin sa nasabing drugs.


Inatasan din ni Sinas si Lee na makipag-ugnayan sa judicial authorities at mga ahensiya ng pamahalaan para sa agarang pagwasak ng drogang diazepam at nitrazepam.


Ang 35,343 tablets ng naturang droga ay nai-turn over na ng NAIA-Inter Agency Drug Interdiction Task Group sa PDEG noong Biyernes.


Ayon kay Lee, nasa pag-iingat na ng PDEG ang 26,170 tableta ng diazepam at 9,173 tableta ng nitrazepam kung saan nagkakahalaga ito ng P534,297.16.


Dagdag ni Lee, pawang mga highly regulated ang parehong drugs. Kabilang ito sa 1971 United Nations Single Convention on Psychotropic Substances under Schedule IV, at naglalaman ito ng addictive properties at nagbibigay din ng katulad na katangian.


Sinabi rin ng PNP official, matapos makumpiska ang mga tableta, napag-alamang wala itong license to operate at certificate of product registration mula sa Food and Drug Administration (FDA) at wala ring import permit mula naman sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).


Ipinadala ang mga drugs ng isang "Muztaza and Brother" na nanggaling sa Pakistan at consigned sa International Medexchange Depot Inc. ng Zamboanga City, ayon kay Lee.


Nasabat ang kontrabando sa PAIR-PAGS Center sa Paranaque City ng Bureau of Customs (BOC), kung saan idineklara umanong "health care products".

 
 

ni Lolet Abania | December 4, 2020




Umabot na sa 1,252 health workers sa Region 11 o Davao Region ang infected ng COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH)-Region 11.


"During the pandemic naman, sila rin talaga 'yung nagdyu-duty sa hospital, clearing the COVID-19, even mga suspects pa lang po, probable, inaalagaan na po nila and they are in constant exposure to these patients," sabi ni DOH Regional Director Annabelle Yumang sa Laging Handa public briefing ngayong Biyernes.


Ayon kay Yumang, ang mga nagpositibong health workers ay nananatili na sa mga hotels upang mapigilan ang pagkalat ng virus at hindi na makahawa pa sa kanilang pamilya.


Dagdag ng opisyal, ang mga compensation benefits ng mga frontliners ay ibinibigay sa mga pamilya nito lalo na sa mga namatay dahil sa COVID-19.


"Ongoing na po ngayon 'yung compensation to other health workers na mabigyan po sila, lalo na 'yung mga mild to moderate cases," sabi ni Yumang.


Nagbigay naman ng pahayag si Yumang tungkol sa estado ng Davao Region matapos na sabihin ng mga eksperto mula sa UP OCTA Research na ang nasabing lugar ay isa sa mga epicenters ng COVID-19 pandemic kabilang ang National Capital Region at Calabarzon.


"Sa ngayon po, 'yung private hospitals naman natin, lalo na rito sa Davao City, nakapag-increase na po sila to 196 beds na po ang na-allocate for COVID," ani Yumang.


"Ongoing pa rin 'yung pagkausap natin with the private hospitals and we are supporting the private hospitals through deploying some of the nurses kasi sumusulat na po sila sa amin na 'yung mga needs nila are really the human resources. Ito po ngayon ang ginagawa natin dito sa region," sabi pa ng opisyal.

 
 

ni Lolet Abania | December 3, 2020




Inilibing na ngayong Huwebes ang napatay na anak ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat na si Jevilyn Cullamat.


Ayon sa kongresista, si Jevilyn na pinakabata niyang anak ay inihatid sa huling hantungan bandang alas-2 ng hapon ngayong araw, na pinangunahan ng iba pa niyang anak, apo at mga kapatid.


Ngunit hindi naihatid ng mambabatas sa huling hantungan ang anak at nagdesisyon itong huwag munang umuwi sa kanilang tirahan dahil sa banta sa kanyang seguridad.


"Nakakalungkot at masakit sa akin bilang isang ina na hindi na makita kahit sa huling sandali ang aking bunso, pero nagdesisyon ang aking pamilya na hindi na ako pauwiin para sa libing dahil sa seryosong banta sa aking seguridad at buhay," sabi ni Cullamat.


"Kahit na miyembro ako ng Kongreso, walang katiyakan na ligtas akong makakadalo sa libing ng anak ko dahil sa mga bantang ito," dagdag niya.


Si Jevilyn ay namatay noong November 28 matapos ang isang 45-minutong engkuwentro sa 3rd Special Forces Battalion ng Philippine Army sa Barangay San Isidro sa Marihatag, Surigao Del Sur, kung saan kinilala at kinumpirma ng siyam na dating rebelde.


Nagsilbing medic si Jevilyn ng New People's Army (NPA) at sinasabing kabilang sa Communist NPA Terrorist na Sandatahang Yunit Pampropaganda Platoon of the Guerilla Front 19, Northeastern Regional Committee.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page