top of page
Search

ni Lolet Abania | December 8, 2020




Nagpositibo sa COVID-19 test ang K-pop idol at singer na si Chungha, dating member ng I.O.I. Ito ang kinumpirma ng agency ni Chungha tungkol sa kalagayan ng K-pop star.


"Chungha recently found out that she had come into contact with a confirmed case and voluntarily got tested. On the morning of December 7, the test results came out positive," ayon sa statement ng MNH Entertainment na inilabas din ng Korean entertainment site na Soompi.


Sa ngayon, naka-self-quarantine na si Chungha at nagpapagaling. Nag-isolate naman ang lahat ng kanyang nakasalamuha, kabilang na ang girl group na Twice kung saan nagkaroon ng direct contact sa kanya si Sana na miyembro nito.


Sumailalim na rin sa COVID-19 test ang girl group na Twice at lahat ng naging close contact ng K-pop star. Lahat ng nakaiskedyul na events ng singer ay postponed muna, pati na ang pag-release ng kanyang first full album na Querencia sa January 2021.


"Chungha halted all of her activities and immediately entered self-quarantine, and she is taking the necessary measures instructed by health authorities," sabi pa ng MNH, ayon sa translation ng Soompi.


"I'm leaving this post in case you get too worried if I don't say anything. I'm sorry and sorry again. I tried to be careful, but I guess it wasn't enough," sey ni Chungha.


"I'll return again and promote in good health!" dagdag ng K-pop star.

 
 

ni Lolet Abania | December 7, 2020



Pumayag si Pangulong Rodrigo Duterte na magpabakuna kapag na-secure na ang COVID-19 vaccines emergency use authorization mula sa mga local regulators, ayon sa pahayag ng Malacañang.


Gayunman, ang vaccination ng Pangulo ay posibleng hindi masaksihan ng publiko kahit pa binibigyang-diin ng Palasyo na magdudulot ito sa lahat ng kumpiyansa sa vaccines.


“Ginawa mo namang spectacle ang Presidente,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang press briefing ngayong Lunes.


“Hindi naman kinakailangan na ipakitang live ‘yan, but in any case, it’s the President’s decision. I will not second-guess the President,” dagdag ni Roque.


Matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte na payag siyang magpabakuna sa harap ng publiko.


“Ako pagdating ng bakuna in public, para walang satsat diyan, in public, magpa-injection ako. Ako ‘yung maunang maeksperimentuhan. Okay para sa akin,” ayon kay P-Duterte sa isang televised address noong August 10, isang araw bago nagbigay ang Russia ng regulatory approval sa vaccine candidate na Sputnik V.


Pinag-aaralan ng bansa ang pagkuha ng mga vaccines na dinebelop ng United States, China, Russia, at ng United Kingdom kasabay ng pagtitiyak ng gobyerno na ang vaccination program ay mananatiling ipatutupad sa susunod na taon.


Samantala, noong nakaraang linggo, pinayagan na ni Pangulong Duterte ang Food and Drug Administration (FDA) na mag-isyu ng isang emergency use authorization (EUA) para sa COVID-19 drugs at vaccines. Ayon sa mga opisyal, ang EUA ang magbabawas ng processing time para sa pag-apruba ng vaccines na gagamitin locally mula anim na buwan at gagawing 21 araw na lamang.

 
 

ni Lolet Abania | December 7, 2020




Ipapatupad ng lokal na pamahalaan ng Manila ang “no contact apprehension” para sa mga traffic violators sa lungsod simula ngayong Lunes (December 7, 2020).


Nagsimula kaninang umaga ang aktibidad ng programa sa kanto ng Quirino at Taft Avenues, Manila na pinangunahan ni Mayor Isko Moreno. Layon ng nasabing programa na mapigilan ang korapsiyon sa mga traffic enforcers at maiwasan din ang pagtatalo sa pagitan ng mga ito at ng mga motorista, gayundin ang posibilidad ng COVID-19 transmission.


Gayunman, ang mga motorista ay pagmumultahin ng P2,000 sa first offense, P3,000 sa second offense at P4,000 sa third offense para sa mahuhuling lalabag sa trapiko tulad ng pagsuway sa traffic control signals at signs, obstruction sa mga pedestrian lanes, driving on yellow box, overspeeding, hindi pagsusuot ng helmet para sa mga motorcycle riders at pagsasawalang-bahala sa lane markings.


Para naman sa counterflowing, reckless driving, at hindi pagsusuot ng seatbelts ay pagmumultahin ng P3,000 sa first offense, P4,000 sa second offense, at P5,000 sa third offense na lalabag sa panuntunan.


Naging posible ang programa sa tulong ng 36 high-definition CCTV cameras na nakalagay sa mga kaukulang lugar sa Manila. Ang command center ang siyang nagmo-monitor 24/7 ng mga cameras.


Ang mga registered owners ng mga sasakyan na mahuhuling lalabag ay makatatanggap ng isang formal notice. Sakaling balewalain ang nasabing notice, maaaring kumpiskahin ang lisensiya o ang registration renewal ng sasakyan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page