top of page
Search

ni Lolet Abania | December 13, 2020




Limitado ang naging biyahe ng MRT-3 ngayong Linggo nang hapon dahil sa isang “power technical issue”, ayon sa Department of Transportation-MRT.


Sa Facebook post ng DOTr-MRT, alas-2:35 ng hapon ngayong Linggo, nagpatupad ng provisional service mula North Avenue station sa Quezon City hanggang Shaw Boulevard Station sa Mandaluyong City (parehong bounds) lamang at mayroong 11 trains ang bibiyahe.


Ito ay dahil nagkaroon ng power failure ang overhead catenary system (OCS) ng Guadalupe Station hanggang sa Ayala Station (southbound) sa Makati City, ayon sa DOTr-MRT.


Patuloy naman ang isinasagawang troubleshooting at pagsasaayos sa nasabing istasyon. Agad ding magpapalabas ng advisory ang ahensiya kapag naibalik na ang buong operasyon ng train stations.

 
 

ni Lolet Abania | December 13, 2020




Nakasabat ang awtoridad ng P54 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang drug buy-bust operation sa Muntinlupa City kahapon.


Sa pahayag ng Philippine National Police (PNP), ang dalawang naarestong suspek ay may malaking papel sa sinasabing drug distribution network sa bansa.


Kinilala ang mga suspek na sina Renzy Louise Javier Vizcarra at Red Lewy Javier Vizcarra.


Sa ulat, nagsagawa ng buy bust operation nang alas-5:00 ng hapon nu'ng Sabado ang pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng PNP, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Intelligence Service of Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa harapan ng isang fast food outlet sa Tunasan.


Nakumpiska rin sa dalawang suspek ang walong kilo ng hinihinalang shabu, tatlong mobile phones, isang Toyota Innova at boodle money.


"Our anti-illegal drugs campaign has resulted even more in this kind of accomplishment because of the cooperation between and among our law enforcement agencies which serves as a stern warning to drug dealers," ayon kay PNP Chief Police General Debold Sinas.


Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa dalawang naarestong suspek.

 
 

ni Lolet Abania | December 11, 2020




Naglabas ng pahayag ang Department of Health (DOH) ngayong Biyernes tungkol sa maaaring maranasang allergic reactions na karaniwang side effect lamang kapag nagpapabakuna o nagbibigay ng gamot sa isang tao.


Ito ang naging paliwanag ng DOH matapos mag-isyu ang United Kingdom ng allergy warning para sa Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine na sinimulang gamitin para sa mass vaccinations ngayong linggo sa nasabing bansa.


Sa lumabas na reports, dalawa katao na naturukan ng unang aprubado nang vaccine para sa COVID-19 ang nakaranas ng allergic reactions at kinailangang agad gamutin.

Gayunman, napag-alamang pawang may history ang dalawang pasyente ng allergic reactions.


“Ang lahat ng technology like medicines or vaccines, common 'yung side effect na allergies sa mga tao,” sabi ni DOH Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang virtual briefing ngayong Biyernes.


Ayon kay Vergeire, ito ang dahilan kaya itinatanong muna ng mga doktor kung ang isang pasyente ay allergic sa pagkain o drugs bago magbigay ng gamot o treatment.

“Ang mga gamot at bakuna na ibinibigay sa atin ng doctor, ito ay foreign material. 'Pag pinasok sa ating katawan, it may react differently across different individuals,” paliwanag ni Vergeire.


Sinabi pa ni Vergeire, magkakaiba ang nagiging epekto ng gamot o vaccine sa bawat taong tumatanggap nito. Aniya, kaya napakahalaga na magkaroon ng tinatawag niyang “inclusion and exclusion criteria” para sa gagawing vaccinations.


Dagdag pa ng kalihim, sa pag-aaral ng Pfizer, nabanggit nilang, “It would be prudent for them to exclude people who have had allergies in the past to prevent these kinds of allergy.”


Kasalukuyan nang nagsasagawa ang gobyerno ng pag-aaral para sa isang confidential data agreement sa Pfizer sa posibleng negosasyon para sa isang clinical trial o supply deal sa bansa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page