top of page
Search

ni Lolet Abania | December 22, 2020




Walang malalabag na batas ang pagkuha ng mga larawan at videos ng mga nagaganap na krimen sa publiko, ayon sa pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na si Domingo Cayosa.


Ito'y kaugnay ng babala ni PNP Chief Gen. Debold Sinas na 'wag kunan ng video ang mga nagaganap na krimen tulad ng kontrobersiyal na pagbaril ng isang pulis sa Paniqui, Tarlac sa mag-inang Sonya at Frank Gregorio.


"A crime is a public offense against the country and the whole republic so, kung gawin mo 'yan at i-video ka, wala kang privacy. Lahat ng mamamayan, mayroon silang karapatan na i-video 'yung mga hindi tamang nangyayari sa publiko... Walang ilegal doon," ani Cayosa sa isang interview ngayong Martes.


"'Di puwedeng i-cite dito 'yung right to privacy ng isang tao," dagdag niya.


Aminado naman si Cayosa na ang pagdi-discourage ng Philippine National Police (PNP) sa pagkuha ng larawan at video at pagdodokumento ng nangyaring krimen ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga saksi.


Ayon kay Cayosa, maaari lamang magpaalala ang mga awtoridad sa publiko subalit hindi nila dapat pigilan na kumuha ng larawan at videos ng mga nangyayaring krimen.


"It is perfectly within their right. Lookout na nila kung mayroong repercussion sa kanila but actually it is their duty na i-video 'yan at ibigay sa mga awtoridad para maparusahan at mahuli ang gumagawa ng krimen," sabi ni Cayosa.


Pinapaalalahanan naman ang mga saksi sa pagkuha ng mga photos at videos na hindi ito dapat maging daan para makasira sa operasyon ng mga awtoridad na nagpapatupad ng kanilang tungkulin.


"Let them do their work professionally, in accordance with their rules of engagement at huwag naman i-hinder ang kanilang paggawa ng trabaho," ani Cayosa.

 
 

ni Lolet Abania | December 22, 2020




Nakatakdang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang P4.506-trillion 2021 national budget sa Lunes, December 28 sa Davao City, ayon sa pahayag ng Malacañang.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sasamahan si Pangulong Duterte ng ilang mambabatas para sa gagawing ceremonial signing.


Natanggap na ng Palasyo ang kopya ng mga planong gastusin noong Biyernes, kung saan sinabi ni Roque na posibleng gamitin ni Pangulong Duterte ang kanyang line-item veto power kung kinakailangan.


Inaasahan sa budget ng susunod na taon na mapondohan ang mga plano ng gobyerno na mapaunlad ang healthcare system ng bansa, matiyak ang seguridad sa pagkain, mapalago ang mga investments sa pampubliko at digital infrastructure at makatulong sa mga mamamayan na makabangon sa pandemya ng COVID-19.


Tinatayang nasa P23 billion ang isinaayos sa budget ng mga lawmakers para sa rehabilitasyon ng mga lugar na apektado ng matitinding bagyo na tumama sa bansa ngayong taon.


Inaprubahan din ng Kongreso ang paglalaan ng P72.5 billion para sa COVID-19 vaccines.

Pinalawig naman ng mga mambabatas nang hanggang December 31, 2021 ang validity ng 2020 General Appropriations Act.


Isa pang proposed legislation ang naipasa sa Kongreso, ang pag-extend ng validity ng pondo para sa Bayanihan to Recover as One Act ng hanggang June 30, 2021.


Gayunman, hindi pa malinaw kung ang dalawang panukalang ito, kung saan sinertipikahan ni Pangulong Duterte bilang urgent ay mapipirmahan niya bago matapos ang taon.

 
 

ni Lolet Abania | December 15, 2020




Magiging mandatory na ang pagsusuot ng face mask at face shield sa tuwing lalabas ng bahay at sa mga pampublikong lugar kasabay ng layunin ng gobyernong mapigilan ang pagtaas ng COVID-19 cases lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan.


Ito ang inilabas na anunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos ang naganap na pagpupulong ngayong Martes ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) para sa dagdag-polisiya sa bansa laban sa Coronavirus.


Matatandaang unang ipinatupad ng gobyerno ang pagsusuot ng face shields sa loob lamang ng mga establisimyento.


Ayon sa OCTA Research group, ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay maaaring umabot sa kalahating milyon sa katapusan ng taon, kung saan nakapagtala ng kabuuang 450,733 COVID-19 cases at 8,757 naman ang namatay.


Iminungkahi rin ng OCTA Research na mas paigtingin pa ng pambansa at lokal na pamahalaan ang pagtutulungan para malimitahan ang pagkalat ng virus sa pamamagitan ng malawakang testing, contact tracing, isolation at quarantine, gayundin ang pagpapatupad ng maliliit at targeted lockdowns upang mapigilan ang tinatawag na “super-spreading events” sa mga komunidad.


Hiniling din ng grupo sa publiko na iwasan ang mga masisikip, matataong lugar at pigilan din ang pagsali o pagsasagawa ng social gatherings ngayong Christmas season.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page