top of page
Search

ni Lolet Abania | December 30, 2020




Patay ang isang police officer at isang drug suspect matapos ang naganap na engkuwentro sa Caloocan City, ayon sa Philippine National Police (PNP) ngayong Miyerkules.


Kinilala ang nasawing pulis na si Police Corporal Dexter Rey Teves, nakatalaga sa Caloocan City Police Station.


Ayon sa PNP, pinara at sinita nina Teves at Police Corporal Rex Abraham Abigan ang dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo dahil sa walang suot na helmet sa Barangay 167.


Nang hingin ng mga pulis ang dokumento ng motorsiklo, isa sa dalawang suspek, na kinilalang si Mark Gil “Macoy” Toreda ang bumunot ng baril at ipinutok sa kanila na tumama kay Teves.


Agad namang inagaw ni Abigan ang baril ng suspek subalit tinamaan din siya sa kanang paa.


Nang marinig ang mga putok ng baril, agad na rumesponde ang duty police officer na si Police Staff Sergeant Christopher Anos sa lugar at binalikan ng putok ang dalawang suspek kung saan tinamaan si Toreda na naging dahilan ng pagkamatay nito.


Sinubukang tumakas ng kasama ni Toreda na si Clark Castillo, subalit nahuli siya ng mga bystanders.


Dinala ang dalawang pulis sa Novaliches General Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival si Teves ng mga doktor.


Nakumpiska sa mga suspek ang isang caliber 9mm pistol, isang MK2 fragmentation hand grenade, anim na piraso ng heat-sealed plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu at P3,500 cash.


Tiniyak naman ni PNP chief Police General Debold Sinas na pagkakalooban ng suportang pinansiyal ang pamilya ng namatay na si Teves, gayundin, ang nasugatang si Abigan.

 
 

ni Lolet Abania | December 30, 2020




Nakapagsumite na ang mga ospital sa Department of Health (DOH) ng report kung saan nakapagtala ng kaunting kaso lamang ng firecracker-related injuries ngayong taon kung ikukumpara noong nakaraan sa ganito ring panahon.


Ayon kay DOH Usec. Leopoldo Vega, may mga "minimal" reports lamang na kanilang natanggap mula sa trauma centers subalit posibleng madagdagan ito kasabay ng pagdiriwang ng Bagong Taon.


Sa naganap na Laging Handa briefing ngayong Miyerkules, pinayuhan ni Vega ang publiko na dapat na iwasan ang paggamit ng mga paputok o anumang uri ng firecrackers upang mapigilan ang anumang aksidente lalo na sa panahong halos lahat ng mga ospital ay patuloy na lumalaban sa COVID-19.


Matatandaang naiulat ng DOH na nakapagtala na ng 13 fireworks-related injuries sa ilang rehiyon sa bansa.


Walo sa mga nasugatan dahil sa paputok ay ‘nasabugan at napaso na hindi kailangang putulin’ ang anumang parte ng katawan habang ang lima naman ay eye injuries. Karamihan sa mga naging biktima ng paputok ay pinauwi rin agad matapos ang kanilang treatment at iisa lamang ang na-admit sa ospital, ayon sa ahensiya.


Kabilang sa mga paputok na ginamit ng mga biktima ay 5-Star, boga, Bong-bong, piccolo, baby rocket, fountain, kwitis, rebentador, at whistle bomb.


Ayon pa sa DOH, ang bilang ng mga biktima ng paputok na naitala hanggang December 29 ay 73% o 36 cases na mas mababa kumpara noong 2019.


Samantala, ilang siyudad sa Metro Manila, kabilang dito ang Quezon City, Caloocan, at Pasay, ang nagpapatupad na ng firecracker ban.

 
 

ni Lolet Abania | December 29, 2020




Isasailalim ang lalawigan ng Sulu sa lockdown bilang bahagi ng pagsisikap ng lokal na pamahalaan na maiwasan na makapasok ang bagong Coronavirus variant sa kanilang lugar, ayon sa pahayag ng Western Mindanao Command ngayong Martes.


Ayon kay WesMinCom Chief Lieutenant General Corleto Vinluan, ipatutupad ang lockdown mula January 4 hanggang January 17, 2021.


Napag-alaman na ang bagong Coronavirus variant ay na-detect sa Sabah, Malaysia na malapit sa lalawigan ng Sulu.


Naglabas ng anunsiyo si Sulu Gov. Abdusakur Tan na pansamantalang ipinagbabawal sa buong lalawigan ang pagpasok ng sinuman na manggagaling sa Sabah dahil sa nadiskubreng bagong Coronavirus variant.


Humingi rin ng assistance ang Sulu government mula sa pamahalaan tungkol dito.


Sa ngayon, ayon kay Tan, nangangailangan ang lalawigan ng Sulu ng mga choppers para ma-monitor ang bawat galaw ng mga residente at medical equipment para magamit sa COVID-19 testing ng mga ito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page