top of page
Search

ni Lolet Abania | July 12, 2022


ree


Inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) ngayong Martes na ang School Year 2022-2023 ay magbubukas ng Lunes, Agosto 22 at magtatapos ng Hulyo 7, 2023.


Batay sa kanilang school calendar, ayon sa DepEd, ang mga paaralan ay papayagan lamang na magsagawa ng blended learning schedules at full-distance learning hanggang Oktubre 31, 2022.


Simula Nobyembre 2, lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ay dapat na magkaroon ng transition period ng hanggang 5 araw para sa in-person classes.


“After the said date, no school shall be allowed to implement purely distance learning or blended learning except for those that are implementing Alternative Delivery Modes,” pahayag ng DepEd.


Ayon din sa DepEd, magkakaroon ng kabuuang 203 school days, na limitado lamang sa academics at mga kaugnay na co-curricular activities. Ang pagsasagawa ng extra-curricular activities ay mahigpit na ipinagbabawal.


Nakatakda naman ang first quarter mula Agosto 22, 2022 hanggang Nobyembre 5, 2022; ang second quarter ay mula Nobyembre 7, 2022 hanggang Pebrero 3, 2023; ang third quarter ay mula Pebrero hanggang Abril 28, 2023, at ang fourth quarter ay mula Mayo 2 hanggang Hulyo 7, 2023.


Sinabi rin ng DepEd na ang Christmas break ay magsisimula ng Disyembre 19, 2022 habang magre-resume ang klase ng Enero 4, 2023. Nakaiskedyul din ang isang midyear break na magsisimula Pebrero 6, 2023 hanggang Pebrero 10, 2023.


Kaugnay nito, isasagawa ang remedial classes mula Hulyo 17, 2023 hanggang Agosto 26, 2023.


Samantala, ayon sa DepEd ang pagsisimula naman ng SY 2023-2024 ay sa Agosto 28, 2023 hanggang Hunyo 28, 2024 habang ang SY 2024-2025 ay mula Agosto 26, 2024 hanggang Hunyo 27, 2025.

 
 

ni Lolet Abania | July 11, 2022


ree


Napili ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Raphael Perpetuo Lotilla bilang kalihim ng Department of Energy (DOE) sa ilalim ng kanyang administrasyon, ito ang kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ngayong Lunes.


Unang nagsilbi si Lotilla bilang DOE secretary noong 2005 hanggang 2007 sa panahon ng termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na ngayon ay representative ng Pampanga at kaalyado ng kasalukuyang administrasyon.


Si Lotilla na nagbabalik na secretary ng DOE ay siyang ring presidente ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation at deputy director general ng National Economic Development Authority (NEDA).


Isa ring propesor ng law sa University of the Philippines (UP) si Lotilla, kung saan din niya nakamit ang kanyang law degree.


Natapos naman ni Lotilla ang kanyang Masters of Laws mula sa University of Michigan Law School sa Ann Arbor, Michigan.

 
 

ni Lolet Abania | July 11, 2022


ree


Halos isang milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang aalisin na mula sa listahan ng mga recipients ng target na social assistance, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ngayong Lunes.


Sa isang radio interview, sinabi ni Tulfo na aabutin ang ahensiya ng tatlo hanggang apat na linggo para matapos na linisin ang naturang listahan, kung saan may tinatayang 4.4 milyong benepisyaryo.


“Wala pa akong exact figure pero initially ang sabi sa akin ay halos isang milyon ang aalisin natin sa listahan,” pahayag ng kalihim.


Ayon kay Tulfo, ang mababakanteng slots para sa conditional cash transfer program ay ibibigay sa mga bagong benepisyaryo dahil marami na ring mga aplikante ang nasa waiting list.


Batay sa ginawang survey ng DSWD, sinabi ni Tulfo na humigit-kumulang sa 15 milyon katao ay mahirap na mahirap o tinatawag na below poverty line sa bansa.


Binanggit din ni Tulfo na nagbigay ng direktiba si Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kanyang linisin ang listahan ng mga benepisyaryo sa gitna ng mga reports na ilang 4Ps beneficiaries ay well-off o may kaya sa buhay at ginagamit ng iba ang cash assistance sa pagsusugal.


Natukoy naman ng DSWD ang mga benepisyaryo ng 4Ps at iba pang social assistance programs sa pamamagitan ng kanilang National Household Targeting System for Poverty Reduction o Listahanan.


At para ipatupad ang order ni Pangulong Marcos, una nang sinabi ni Tulfo na magpapalabas siya ng isang “amnesty” call para sa mga hindi na kwalipikadong benepisyaryo na isurender ang kanilang mga accounts sa DSWD sa loob ng 30 o 60 araw o harapin ang isasampang kaso.


“Kasi parang estafa ‘yan kasi niloloko mo ang gobyerno,” giit pa ni Tulfo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page