top of page
Search

ni Lolet Abania | January 7, 2021




Labing-apat na district engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot umano sa korupsiyon ang tinanggal sa serbisyo, ayon sa pahayag ni DPWH Secretary Mark Villar.


“Actually, ‘yung binanggit po ni Presidente (Rodrigo Duterte), na-relieve na,” sabi ni Villar sa Laging Handa briefing ngayong Huwebes.


“Labing-apat na ang na-relieve na sa trabaho,” dagdag pa niya.


Matatandaang noong nakaraang buwan, ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na ang mga district engineers ng nasabing ahensiya na dawit umano sa corrupt practices ay dapat na alisin sa puwesto.


Hiningi rin ni Pangulong Duterte kay Villar ang listahan ng lahat ng district engineers sa bansa matapos mapag-alamang marami sa mga ito ang nakikipag-ugnayan sa mga kongresista sa gawain umano ng korupsiyon.


Ayon naman sa PACC, “Hindi bababa sa 12 congressmen ang sangkot sa korupsiyon sa DPWH."


Sinabi ni Villar na patuloy ang pagsisikap nila na linisin ang hanay ng kanilang ahensiya habang patuloy ang ginagawang imbestigasyon. Bukas din ang DPWH na tumanggap ng reklamo laban sa sinumang opisyal at empleyado ng ahensiya.


“Tuluy-tuloy naman ang imbestigasyon namin sa lahat ng mga nagsa-submit ng reports,” sabi ni Villar.


“Humihingi kami ng tulong sa ibang ahensiya para magkaroon ng case build up sa ibang mga complaints,” dagdag ng kalihim.


Dagdag pa ni Villar, nakatakdang magsagawa ang DPWH ng reorganization ngayong buwan.


“Magkakaroon din kami ng rigodon sa loob ng department and marami ang magiging pagbabago. Tuluy-tuloy naman ang laban sa corruption,” ani Villar.


“Within the month definitely. Wino-workout na namin and definitely maipatutupad na ‘yan as soon as possible,” sabi pa ng kalihim.

 
 

ni Lolet Abania | January 6, 2021




Pumanaw na si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo "Danny" Lim, ayon sa Malacañang.


Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, namatay si Lim sa edad na 65, bandang alas-8:00 ng umaga ngayong Miyerkules.


Matatandaang iniulat na tinamaan ng COVID-19 si Lim noong nakaraang linggo, subalit naglabas ng official statement ang MMDA Public Information Office (PIO) na siya ay namatay dahil sa cardiac arrest.


“Lim died due to cardiac arrest before 8 a.m. today at the age of 65,” ayon sa MMDA PIO.

Ayon kay Roque, “Lim served the Duterte administration with professionalism, competence and integrity. He would be dearly missed.”


“May the perpetual light shine upon him, and may his soul, through the mercy of the Almighty, rest in eternal peace,” dagdag ni Roque.


Ibinaba ang watawat sa mga opisina ng MMDA sa Metro Manila ng half mast ngayong araw kasabay ng pagdadalamhati ng ahensiya sa pagpanaw ni Lim.


Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Lim, na isang retired military officer, bilang MMDA chairman noong May 2017.


Nagsilbi rin si Lim bilang deputy commissioner ng Bureau of Customs (BOC) sa panahon ng panunungkulan ni dating Pres. Benigno Aquino III.


Isa ring graduate ng US Military Academy sa West Point si MMDA Chairman Lim.


Sa ngayon, wala pang naitalagang kapalit sa puwestong naiwan ng pumanaw na chairman.

 
 

ni Lolet Abania | January 6, 2021




Nakatakdang maglabas ng desisyon ang Food and Drug Administration (FDA) patungkol sa emergency use authorization para sa aplikasyon ng COVID-19 vaccine ng American firm na Pfizer sa darating na January 14, 2021.

Ito ang inanunsiyo ni FDA Director General Eric Domingo matapos na pukulin ng maraming kritisismo ang Duterte administration kaugnay sa pagpapabakuna ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ng COVID-19 vaccines na hindi pa rehistrado ng FDA.


Sa Laging Handa briefing ngayong Miyerkules, sinabi ni Domingo na nag-submit na ang Pfizer ng kanilang EUA application sa FDA noong December 23, 2020, at ang ahensiya naman ay nagpadala na rin ng clarificatory questions sa kumpanya noong January 4, 2021.

Ang Pfizer at BioNTech, kung saan partner sa Pfizer application sa pag-develop ng COVID-19 vaccine, ay inaasahang magsumite ng kanilang tugon bukas, January 7.


Ang FDA at ang Vaccine Experts Panel sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST) naman ay magsa-submit ng kanilang rekomendasyon sa January 10, bago pinal na magdesisyon sa EUA application ng Pfizer sa January 14.


“Ang puwede lang po mag-apply ng EUA ay iyong mga bakuna na nabigyan na rin ng EUA sa bansa kung saan sila galing. Hindi puwedeng dito unang gagamitin ang bakuna (na ginawa sa ibang bansa),” sabi ni Domingo.


Dagdag ni Domingo, sa kasalukuyan, ang Pfizer lamang ang nag-submit ng EUA application sa FDA.

“Wala pong nakatambak na EUA application sa FDA,” mariing sabi ni Domingo.

"Sa limang bansa pa lang po nag-apply ng EUA, kasama po ang Pilipinas," sabi pa niya.

Napatunayan nang ang Pfizer-BioNTech’s COVID-19 vaccine ay tinatayang 95% effective matapos ang isinagawang mga human trials, kung saan sinigurado na rin ang EUA sa United States, Canada, United Kingdom, Singapore at iba pang bansa.

Gayunman, ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr., ang nasabing Pfizer-BioNTech vaccine ay magiging available lamang sa July ngayong taon dahil sa kakulangan ng supply nito sa buong mundo.

“Pfizer po kasi ang most in-demand COVID-19 vaccine,” ani Galvez.

Ayon naman kay National Task Force Deputy Chief Implementor Vince Dizon, inaasahang mababakunahan ang tinatayang 50 milyon hanggang 70 milyong Pinoy laban sa COVID-19 ngayong taon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page