top of page
Search

ni Lolet Abania | January 11, 2021



Patay ang alkalde ng Libungan, Cotabato at ang kanyang driver matapos na pagbabarilin ng mga hindi nakilalang armadong kalalakihan sa Barangay Cabayuran nitong Lunes nang umaga. Nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan sina Mayor Christopher "Amping" Cuan, 46, at Edwin Navarro Ihao, 36, driver ng alkalde.


Galing ang dalawa sa Davao City kung saan binisita ng alkalde ang kanyang ipinagagawang cockpit arena nang pagbabarilin ng apat na armadong kalalakihan na sakay ng asul na SUV gamit ang matataas na kalibre ng baril, ayon sa Cotabato Police.


“Initial reports we received from the local police [said] they were tailed by the assailants then suddenly shot several times using different unidentified long firearms,” sabi ni Police Lieutenant April Rose Soria, spokesperson ng Cotabato Provincial Police Office.


Si Cuan, na sinasabing nasa narco list ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay nakaligtas sa tangkang assassination sa kanya noong January 8, 2019 sa bagong gawang munisipyo ng lugar.


Inatasan na ng Sangguniang Panlalawigan ng Cotabato ang mga awtoridad para imbestigahan ang pagkamatay ng alkalde upang agarang maaresto ang mga salarin.


“I condemn to the strongest term the killing of Mayor Cuan. His demise has orphaned not only his family but his constituents who looked up to him for his leadership,” ani Cotabato Vice-Governor Emmylou Taliño-Mendoza.

 
 

ni Lolet Abania | January 10, 2021




Labing-isa ang nasawi habang 18 ang nasugatan dahil sa landslides matapos ang malakas na pag-ulan sa western Indonesia, ayon sa report ng Badan Nasional Penanggulangan Bencana (Indonesian National Board for Disaster Management) ngayong Linggo.


Sa isang statement na inilabas ni BNPB spokesman Raditya Jati, ang landslides sa Cihanjuang Village sa West Java ay tinatayang nasa 150 km o 95 miles timog-silangan ng kapital na Jakarta na naganap alas-4:00 ng hapon (0900 GMT) at alas-7:30 ng gabi kahapon. "The first landslide was triggered by high rainfall and unstable soil conditions.

The subsequent landslide occurred while officers were still evacuating victims around the first landslide area," ani Raditya. Ayon pa sa BNPB spokesman, ang patuloy na malalakas na pag-ulan at thunderstorms ang nagpapahirap sa mga awtoridad sa kanilang isinasagawang rescue operation.


Nagbabala naman si Presidente Joko Widodo sa mga residente ng Indonesia, mula sa La Nina weather system, na ang malalakas na pag-ulan ay magdudulot ng mga pagbaha at landslides, at labis na nakakaapekto sa agricultural product ng nasabing bansa.


Ang La Nina pattern ay inihahalintulad sa hindi pangkaraniwang lamig ng temperatura sa equatorial Pacific Ocean.


Madalas na nakararanas ang Indonesia ng mga pagbaha at landslides lalo na sa panahon ng tag-ulan mula November hanggang March, kung saan nagpapalala pa sa sitwasyon ang pagpuputol ng mga puno sa mga gubat sa lugar.

 
 

ni Lolet Abania | January 10, 2021



Isang bahagi ng tower crane mula sa konstruksiyong ginagawa ang gumuho at dire-diretsong bumagsak sa bubong ng opisina ng Lions Club sa Taft Avenue, Pasay City nitong umaga ng Linggo.


Ang tower crane boom ay nahulog mula sa pinakataas ng ginagawang condominium at nawasak ang bubong ng Lions Club office nang ito ay bumagsak.


Gayunman, ayon sa isang opisyal ng Lions Club, wala namang nai-report na nasaktan sa insidente na naganap bandang ala-1:05 ng umaga ngayong Linggo.


Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nangyaring insidente.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page