top of page
Search

ni Lolet Abania | January 17, 2021




Tatlong sundalo ang namatay matapos na pagbabarilin ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Legazpi City ngayong Linggo ng umaga, ayon sa Philippine Army's Southern Luzon Command.


Sa ulat na inilabas ni SolCom commander Lieutenant General Antonio Parlade Jr., naganap ang insidente sa Barangay Bangkerohan.


Ayon pa sa opisyal, ang mga biktima ay walang dalang armas at nakasibilyan na dadalo sa isang pagpupulong na kasama ang lokal na pamahalaan upang pag-usapan ang tungkol sa pagkakaroon ng security para sa isasagawang road construction project nang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan.


Naniniwala ang militar na posibleng pagganti ang motibo ng mga hinihinalang NPA makaraang magsagawa ng combat operation ang mga sundalo laban sa kanila kamakailan.


Sa nasabing operasyon ay nagresulta ito ng pagsuko ng 11 miyembro ng NPA kabilang dito ang isang vice platoon leader.


Wala pang ibinigay na detalye si Parlade sa pagkakakilanlan ng mga nasawing sundalo.

 
 

ni Lolet Abania | January 13, 2021





Kinumpirma ng Department of Health (DOH) at Philippine Genome Center (PGC) ngayong Miyerkules na ang bagong coronavirus variant na unang nadiskubre sa United Kingdom ay na-detect na sa bansa.


“The DOH and the PGC today officially confirm the detection of the B.1.1.7. SARS-CoV-2 variant (UK variant) in the country after samples from a Filipino who arrived from the United Arab Emirates on January 7 yielded positive genome sequencing results,” ayon sa kanilang pahayag.


Isang lalaki ang nagpositibong ito na residente ng Quezon City.


Umalis ang naturang Pinoy papuntang Dubai noong December 27, 2020 para sa isang business trip at dumating sa bansa noong January 7, 2021 sakay ng Emirates Flight No. EK 332.


Isinailalim sa swab test at naka-quarantine sa isang hotel ang pasyente nang dumating sa bansa.


Nagnegatibo naman sa test sa SARS-CoV-2 ang kasama niyang babae sa kanyang business trip.


Kasalukuyang nagsasagawa sa nasabing babae ng mahigpit na quarantine at monitoring.


Ayon sa DOH, na-secure na ang mga flight manifest at nagsasagawa na ng contact tracing sa ibang mga pasaherong nakasalamuha ng pasyente.


Pinapayuhan din ng ahensiya ang mga sakay ng Emirates Flight No. EK 332 na makipag-ugnayan sa kanilang Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs).


Samantala, ang limang variants na kasalukuyang mino-monitor sa buong mundo ay ang mga sumusunod:

  • South Africa: 501Y.V2, nakitaan sa 10 bansa

  • Malaysia: 1701V

  • Nigeria: P681H

  • Denmark: Cluster 5

  • China: D614G, most widespread and dominant

 
 

ni Lolet Abania | January 13, 2021





Hinihintay pa ng Department of Health (DOH) ang resulta ng mga trials bago desisyunan ang pagbabakuna sa mga menor-de-edad ng COVID-19 vaccine, ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire.


Sinabi ni Vergeire na sang-ayon ang ahensiya sa punto ng World Health Organization (WHO) na ang vaccination sa mga bata kontra COVID-19 ay nangangailangan ng malalim na pagsusuri. “Kasi sa mga bakuna ngayon all over the world, wala pang nakakasubok doon sa mga bata below 16 (years old),” sabi ni Vergeire sa press briefing ngayong Miyerkules.


Ayon kay Vergeire, dapat na subukan muna ang pagbabakuna sa mga bata sa ibang bansa bago ito isagawa sa Pilipinas.


“Maghihintay muna tayo ng sapat na ebidensiya kung saan nasubukan na ang mga bakuna sa mga bata bago po natin maipatupad 'yan dito sa ating bansa,” aniya.


Ipinunto rin ni Dr. Rabindra Abeyasinghe, WHO representative ng bansa, na ang bilang ng mga batang tinamaan ng COVID-19 ay napakababa.


“So they were not prioritized. There will be further research in the future when it will be cleared whether children should be vaccinated or not. But at this point in time, we are not cleared on that,” sabi ni Abeyasinghe.


Sa mahigit 100 milyong populasyon ng bansa, target ng gobyerno na mabakunahan ang 50 hanggang 70 milyong Pinoy ngayong taon.


Sa kasalukuyan, siniguro na ng pamahalaan ang pagkakaroon ng 30 million doses ng vaccines na mula sa Serum Institute ng India, 25 million mula sa China’s Sinovac at 2.6 million mula naman sa AstraZeneca.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page