top of page
Search

ni Lolet Abania | January 17, 2021




Naglabas ng babala ang pamahalaan tungkol sa nagkalat na mga scammers na nag-iisyu umano ng pekeng "travel exemption letters" na kinakailangan ng mga dayuhan na papasok sa Pilipinas habang may mga travel restrictions dahil sa COVID-19 pandemic.


Sa isang statement ng Department of Foreign Affairs (DFA), nagbabala ang ahensiya sa publiko laban sa mga namemeke na nag-o-offer ng travel exemptions kapalit ng malaking halaga. Kasama na rito ang pagkakaroon ng passport appointment assistance gamit ang social media.


"We do not collect any 'travel exemption' fees nor charge foreign nationals permitted to enter the country in accordance with the protocols laid down by the IATF and the Office of the President," sabi ni Assistant Secretary for Consular Affairs Neil Frank Ferrer.


Matatandaan noong nakaraang taon, pansamantalang sinuspinde ng DFA ang visa issuance at iba pang pribilehiyo dahil sa pandemya, at noong nakaraang linggo, pinalawig ang travel restrictions sa mga foreign travelers mula sa mahigit 30 bansa hanggang sa katapusan ng Enero upang maiwasan ang pagkalat ng bagong Coronavirus variant, kung saan may naiulat nang kumpirmadong kaso sa bansa.


Nakasaad din sa statement ng DFA, na ang mga embahada at consulates ay hindi naniningil para sa booking appointments para sa consular services at passport services.


"The Department has received reports that some enterprising individuals are taking advantage of the pandemic by pretending to provide assistance to book a passport appointment in exchange for money," pahayag ni Ferrer.


Dagdag pa ng opisyal, "The DFA strongly advises the public to be vigilant and wary of such illegal services. Please help us by reporting any group or individual involved in these fraudulent services."


Sinabi pa ng DFA, sinuman ang nais na magtanong at mag-report ng kaganapan ay maaaring tumawag sa kanilang hotline sa 8836-7763 or 09683958599, o mag-e-mail sa oca.visa@dfa.gov.ph, o sa official social media pages ng ahensiya.

 
 

ni Lolet Abania | January 17, 2021




Ibinulgar na ni Alex Gonzaga sa kanyang latest vlog na siya at si Mikee Morada ay mag-asawa na at ikinasal sila noon pang November.


Sinabi ito ng vlogger-actress dahil sa maraming nagtatanong kung kailan ba sila ikakasal ni Mikee.


"Kailan nga ba ang kasal natin?" tanong ni Alex kay Mikee.


Sinagot din agad ni Alex, "Tapos na. Tapos na po kami. Ikinasal na po kami.


"Tapos nag-divorce na po," biro ni Alex.


Hirit pa ni Alex, "Isa na po akong may bahay at isa na po ‘kong wife. Mrs. Morada na ako."


Kuwento ni Alex, siya at si Mikee ay nagpakasal sa kanilang tirahan at nag-exchange ng kanilang "I Dos" sa mismong lugar kung saan kinunan ng video ang kanilang announcement.


"Dito kami. Dito ang altar, dito kami mismo ikinasal ni Mikee," sabi pa ni Alex.


Ang wedding ceremony ay intimate na dinaluhan lamang ng kanilang pamilya.


Ipinaliwanag ni Alex kung bakit ngayon lamang nila inanunsiyo ang kanilang kasal at 'yun ay dahil sa gusto nilang sila muna ang makaranas ng masayang pagsasama at mag-celebrate na dalawa.


"Masaya kami. Alam ko na OA pero masaya. Happily married kami. Ipapakita ko soon ang nangyari sa wedding namin," ani Alex.


"We are married and very happy. Ewan ko kung nasa honeymoon stage pa kami pero grabe talaga, nagkakagulo ang puso namin sa kaligayahan lagi, nakadagan sa ’kin," sabi pa ni Alex.


Sa latter part ng video, ipinakita ni Alex ang ilang scenes ng mga nangyari sa kanilang wedding.


Sa Twitter naman, ishinare ni Alex ang mga photos ng kanilang wedding noong November at sinabing, "My dear netizens, we are married!"

 
 

ni Lolet Abania | January 17, 2021




Aalisin ang mga target na benepisyaryo ng bakuna mula sa priority list sakaling tanggihan nila ang magpaturok kontra COVID-19 na programang vaccination ng gobyerno, ayon sa Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP).


Sinabi ni ULAP Chairperson at Quirino Governor Dakila Cua, pina-finalize na ng mga lokal na pamahalaan ang listahan ng mga prayoridad na target recipients ng COVID-19 vaccine.


“Kailangan nating malaman, ito bang si Mr. Juan Dela Cruz, gusto ba niyang magpabakuna o hindi. Priority nga siya, pero minsan, ayaw naman niya,” sabi ni Cua sa isang interview ngayong Linggo.


“So, kailangan nating linisin pa 'yung mga listahan. At diyan, napakalaking trabaho pa,” dagdag niya.


Ayon kay Cua na chairman din ng League of Governors, ang Department of the Interior and Local Government at ang Department of Health ay nagbigay sa kanila ng ilang mahahalagang guidelines para sa nasabing pagbabakuna.


“Pero ‘yung specific, pinaplantsa pa natin,” ani Cua.


Sinabi pa niya na kabilang sa vaccine priority recipients ang mga frontliners, senior citizens at mga mahihirap na sektor ng lipunan.


Sa Martes, ayon kay Cua, ang mga local government units ay nakatakdang makipagpulong sa National Task Force Against COVID-19 upang pag-usapan ang logistics concerns ng programa ng vaccination.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page