top of page
Search

ni Lolet Abania | January 20, 2021




Balik-operasyon na ang Santolan, Katipunan at Anonas Stations ng Light Rail Transit 2 (LRT2) ngayong linggo matapos ang isang taong suspensiyon nito.


Ayon sa LRT2 spokesperson na si Atty. Hernando Cabrera, natapos na ng kanilang contractor at engineering department ang paglalagay ng temporary power facilities para sa mga istasyon. Matatandaan noong October, 2019, sinuspinde ang operasyon ng tatlong istasyon matapos na ang power rectifier sa Katipunan area ay masunog at mawalan ng power supply ang mga tren. “Natapos na kasi natin 'yung temporary power facilities natin na ginawa ng ating contractor at ating engineering department para maibalik natin agad 'yung operasyon nitong tatlong istasyon,” sabi ni Cabrera.


Sinabi noon ni Cabrera na ang rehabilitasyon nito ay hindi tatagal ng siyam na buwan dahil mayroon at agad naihanda ang ilang spare parts na kailangan.


Nagsagawa na rin ng testing sa tatlong istasyon upang masigurong ligtas na gamitin bago ibalik ang serbisyo at operasyon ng mga tren.


“Kailangan nating i-test naman ang ating mga tren, ‘yung takbo nila. I-prepare na rin natin 'yung mga staff, 'yung ating personnel sa ticketing, sa security, sa maintenance para makuha natin 'yung tinatawag nating safety clearance,” ani Cabrera.


“Ang target natin makuha natin within the week ‘yung tinatawag natin na safety clearance. Within the week din mabalik natin ang operasyon na kasama na 'yung mga pasahero,” dagdag niya.


Gayunman, dahil sa gagamit lang ang mga istasyon ng temporary power supply, ayon kay Cabrera, mabagal ang magiging takbo ng mga tren at matagal ang interval ng bawat biyahe ng mga ito.


“Kailangan mong i-balance o i-maintain, bantayang mabuti 'yung number of trains na nandito sa segment na ito, magmula Anonas hanggang Santolan,” paliwanag niya.


“Kasi kapag nasobrahan mo ‘yung tren na nandito sa loob ng segment na 'yun, puwedeng maiwasan 'yung power tripping nu’ng ating sistema,” sabi pa niya.


Ayon kay Cabrera, ipapatupad pa rin ang mga health protocols sa mga istasyon gaya ng physical distancing, pagsusuot ng face masks at face shields at temperature checks para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

 
 

ni Lolet Abania | January 20, 2021




Inaasahan na makararanas ang Isabela, Quirino, Aurora at silangang bahagi ng Cagayan ng katamtaman hanggang sa malakas na pagbuhos na may minsang pabugsu-bugso at malalakas na pag-ulan sa susunod na 24-oras dahil sa pinagsamang epekto ng low pressure area (LPA) at ang tail-end ng isang frontal system.


Sa inilabas na advisory ng PAGASA ngayong alas-11:00 ng umaga, nabuo ang nasabing LPA sa silangan ng Southern Luzon nang alas-8:00 ng umaga, habang tinatayang nasa 250 km silangan ng Virac, Catanduanes nang alas-10:00 ng umaga ngayong araw.


Gayunman, hindi ito madedebelop na isang tropical depression sa susunod na 24-oras.

Makararanas din ang Cordillera Administrative Region, CALABARZON, Nueva Ecija, Bulacan, Camarines Norte at natitirang bahagi ng Cagayan Valley ng mahina hanggang sa katamtaman at paminsan-minsang malakas na buhos ng ulan.


Ang tail-end ng isang frontal system ay nakakaapekto sa eastern section ng Central Luzon.


Samantala, ang LPA na namataan sa northeast ng Romblon, Romblon ay nalusaw na bandang alas-8:00 ng umaga ngayong araw, ayon sa PAGASA.


Pinapayuhan ng PAGASA ang lahat sa posibleng pagbaha at landslides sa mga lugar na mabababa dahil sa malalakas at tuluy-tuloy na pagbuhos ng ulan. Gayundin, maging mapagmatyag at mag-ingat sa lahat ng oras.

 
 

P-Du30, game uling magpa-Covid 19 vaccine bago ang publiko - Palasyo

ni Lolet Abania | January 18, 2021



Sa ikalawang pagkakataon, maaaring magboluntaryo si Pangulong Rodrigo Duterte na tumanggap ng unang COVID-19 vaccine sa bansa sakaling magkaroon ng malawakang pangamba ang publiko patungkol sa nasabing bakuna, ayon sa Malacañang.


"Kung sa tingin niya (President Duterte) ay natatakot ang mga tao sa bakuna ay hindi naman po siya mag-aatubili na mauna," sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang interview ngayong Lunes nang umaga.


Ito ang naging tugon ni Roque matapos ang inilabas na pahayag ni Vice-President Leni Robredo, na ang Pangulo dapat ang unang tumanggap ng COVID-19 vaccine shot upang mapalakas ang tiwala ng publiko sa pagbabakuna.


Naging sagot ito ng bise-presidente sa statement ni P-Duterte na huli siyang magpapaturok ng vaccine habang prayoridad na mabakunahan ang mga medical frontliners at mahihinang sektor ng lipunan.

"Basta ang sa kanya, interes ng taumbayan bago ang interes ng mga nakaupo," paliwanag ni Roque.

Gayunman, ang pinakahuling pahayag ni Pangulong Duterte ay sumalungat sa unang statement nito na unang magpapabakuna kontra COVID-19 kapag dumating na ang vaccine sa bansa.


Sinabi naman ni Roque na imposibleng bawiin ni P-Duterte ang ibinigay na niyang pahayag.

"Pero kung importante po ‘yan (una sa bakuna) talaga para magkaroon ng kumpiyansa ang taumbayan, iniisip ko naman po, hindi imposible ‘yan dahil minsan na rin ‘yang sinabi ng Presidente," sabi ng kalihim.

Inaasahang darating sa Pilipinas ang unang COVID-19 vaccine supply sa Pebrero.


Samantala, sa pinakahuling isinagawang non-commissioned survey ng OCTA Research ay lumalabas na iisa sa apat na Metro Manila respondents ang nagnanais na mabakunahan ng COVID-19.


Ang survey ay isinagawa mula Disyembre 9 hanggang 13, 2020.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page