top of page
Search

ni Lolet Abania | January 24, 2021




Isang sunog na hindi pa malaman ang pinagmulan ang naganap pasado alas-11:00 ng umaga ngayong Linggo sa Barangay South Triangle sa Quezon City.

Sa follow-up report, nagsimula ang apoy sa isang abandonadong gusali na napapaligiran ng matataas na pader.

Alas-11:20 nang umaga, patuloy ang pagliyab ng apoy kung saan malapit sa chapel ng isang kumbento ng mga madre sa Panay Avenue.

Gayunman, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), alas-11:37 ng umaga naapula ang apoy.

Wala namang nasaktan sa nasabing sunog.


Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang alamin ang pinagmulan at halaga ng pinsala na idinulot ng sunog.

 
 

ni Lolet Abania | January 23, 2021




Masusing pinag-aaralan ngayon ng Department of Health (DOH) kung ang UK variant ay higit na nakamamatay kaysa sa COVID-19.


Ayon kay Dr. Edsel Salvana, director ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng National Institutes of Health sa University of the Philippines (UP) Manila, premature pa umano na ituring na mas nakamamatay ang bagong variant sa kasalukuyan. Subalit aniya, ikinokonsidera pa rin nila ang posibilidad na mas mapanganib ang nasabing sakit.

Matatandaang nagbabala ang mga opisyal ng United Kingdom na posibleng mas nakamamatay ang UK variant ng COVID-19 na unang nadiskubre sa kanilang bansa.


Ayon kay UK Chief Scientific Adviser Patrick Vallance, may mga ebidensiyang nagpapakita na mataas ang tsansa na mamatay ang isang tao sa mga edad 60 at pataas kapag tinamaan ng UK variant ng COVID-19.


Ipinaliwanag ni Vallance na kung dati, 10 ang namamatay mula sa 1,000 senior citizens na tinamaan ng orihinal na COVID-19, posibleng pumalo sa 13 hanggang 14 ang bilang ng mamatay kapag na-infect ng bagong variant ng nasabing virus.


Samantala, kinumpirma ng DOH na may 16 na bagong kaso ng UK variant ng COVID-19 sa bansa na umabot na sa kabuuang 17 cases.


Sa nasabing bilang, 12 kaso ay matatagpuan sa Bontoc, Mountain Province, kung saan ilan dito ay menor-de-edad, ayon sa inilabas na anunsiyo ng DOH ngayong Sabado.


Ayon sa DOH, sa 12 tinamaan ng UK variant sa Bontoc, pito rito ay lalaki at limang babae kung saan tatlo sa kanila ay below 18-anyos habang ang tatlong iba pa ay 60-anyos pataas.


“Ang kanilang mga edad ay 3 at 18. We have cases as young as 5 and 10 years, no, from these 12 cases, and the other three naman po ay over 60 years,” sabi ni DOH Epidemiology Bureau Specialist Dr. Alethea de Guzman sa isang live briefing.


Sinabi pa ni Guzman, 11 sa 12 naitalang kaso ay mula sa isang barangay.

 
 

ni Lolet Abania | January 23, 2021




Pinangalanan na ng isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga kilalang unibersidad at kolehiyo sa bansa na kabilang sa 18 institusyon na sinasabing ‘kanlungan’ ng communist recruitment.


Sa isang interview ngayong Sabado kay Lieutenant General Antonio Parlade Jr., spokesman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), sinabi niyang mayroon nang listahan ang militar ng tinatayang 18 colleges at universities, karamihan dito ay nasa National Capital Region, kung saan nagaganap umano ang communist recruitment activities.


Ayon kay Parlade, bukod sa University of the Philippines (UP), ang mga learning institutions na ginagawa ring recruitment haven umano para sa mga komunista ay ang The Polytechnic University of the Philippines (PUP), Far Eastern University (FEU), Ateneo de Manila University (ADMU), University of Santo Tomas (UST), Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), De La Salle University (DLSU), University of Makati.


Sinabi pa ni Parlade na dahil sa DND-UP accord, nagkaroon ng balakid sa pagkumpirma ng militar sa nangyayaring communist recruitment, subalit aniya, tama lang na tinapos na ang naturang kasunduan.


"Mas mapag-aaralan ang nangyayaring recruitment ng CPP-NPA (Communist Party of the Philippines-New People's Army) sa UP matapos maibasura ang UP-DND Accord," ani Parlade.


Sa hiwalay na interview kay Dr. Elena Pernia, vice-president ng Public Affairs ng UP, sinabi niyang bukas ang administrasyon ng paaralan para sa isang dayalogo sa Department of National Defense (DND) upang pag-usapan ang ginawang termination accord ng DND.


Gayunman, nais ni Pernia na maglatag sila ng tamang impormasyon tungkol sa mga estudyante umano nila na nire-recruit para sa communist insurgency.


“Gaya ng sinabi na namin, ang UP naman, laging open sa dayalogo, lalo na sa mga bagay na pareho nito,” sabi ni Pernia.

Matatandaang si UP president Danilo Concepcion ay nagpadala ng isang liham kay DND Secretary Delfin Lorezana, kung saan hinimok nito ang DND na muling isaalang-alang ang revocation ng 1989 pact sa unibersidad. Iminungkahi rin ni Concepcion kasama ang mga opisyal ng eskuwelahan at ng Defense chief na pag-usapan ang tungkol dito sa mapayapa, makatarungan at mahusay na pagpapasya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page