top of page
Search

ni Lolet Abania | January 27, 2021




Naglabas ng pahayag ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Miyerkules na ang lahat ng alkalde sa 17 local government units (LGUs) sa National Capital Region ay handang-handa na para sa isasagawang COVID-19 vaccination rollout.

Sa isang statement ni MMDA General Manager Jojo Garcia, nakipagpulong na ang lahat ng mayors online sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) kagabi.


Ayon kay Garcia, tinalakay ng mga alkalde at ni IATF chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr., ang mga plano sa gagawing vaccination habang nalalapit na ang pagdating ng unang batch ng COVID-19 vaccines.


"Secretary Galvez assured that the initial batch of COVID-19 vaccines will arrive before the end of February. I think they can finalize it in the next few days,” sabi ni Garcia.


Sinabi naman ni Galvez na mahigit sa 1 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang inaasahang maide-deliver sa bansa para sa pagsisimula ng vaccination rollout sa Pebrero.


Ang mga COVID-19 vaccines na gagamitin ay galing sa AstraZeneca, Pfizer, at Sinovac.

Ayon pa kay Garcia, nakatuon din ang vaccination program sa mga business districts sa mga rehiyon at iba pang lungsod gaya ng Cebu at Davao para maiangat ang ekonomiya ng mga naturang lugar.


Kasabay nito, sinabi ni Garcia na ang National Task Force against COVID-19 ay bibisita sa mga LGUs sa Metro Manila upang alamin ang ginagawang preparasyon at plano ng mga ito para sa vaccination rollout.


“We all know that these vaccines are sensitive and will require proper handling and storage,” sabi ni Garcia.


Ngayong araw, binisita ng mga opisyal ng gobyerno na itinalaga sa COVID-19 response ang Taguig City para inspeksiyunin ang proseso ng kanilang vaccination habang pinuntahan nila kahapon ang Pasig City.

 
 

ni Lolet Abania | January 26, 2021




Umabot na sa 3,044 dayuhan ang pinagbawalang makapasok sa bansa noong nakaraang taon, ayon sa mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI).


Gayunman, ang bilang nito ay mas mababa kumpara sa mahigit na 7,000 na hindi pinayagang makapasok sa bansa noong 2019, kung saan malaking pagbaba sa mga biyahero dahil sa ipinatutupad na COVID-19 restrictions.


Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na maraming dayuhan ang hindi nakapasok at pinabalik na lamang sa kanilang bansa noong Enero hanggang Marso 2020, bago pa ipinasara ng gobyerno ang borders ng Pilipinas sa mga international passengers.


Ayon naman kay BI Port Operations Chief Candy Tan, nanguna sa listahan ng mga excluded foreigners ang mga Koreano, kung saan 1,350 sa kanila ang hindi pinayagang makapasok, kasunod ang mga Chinese na 532, Vietnamese na 333, Americans na 247, Indonesians na 181 at Malaysians na 180.


Binanggit din ni Tan na 53% sa kanila ang pinabalik sa kanilang bansa dahil sa tinatawag na "being likely to become public charge" at 16% naman ay “hindi tamang naidokumento” kaugnay sa ipinatutupad na travel restrictions.


Dagdag pa ni Tan, mayroon ding 112 dayuhan na nasa Immigration blacklist, 29 ay dati nang naipa-deport sa Pilipinas dahil sa paglabag sa Immigration laws, at 18 naman dahil sa pagiging bastos, unruly at walang galang sa mga Immigration officers.


Patuloy naman ang BI sa mahigpit na pag-screen sa mga dumarating na dayuhan kahit na wala pang pandemya, ayon kay Morente.

 
 

ni Lolet Abania | January 26, 2021




Milyun-milyong baboy ang naitalang nawala sa bansa mula sa kabuuang populasyon nito dahil sa African Swine Fever (ASF), ayon sa pahayag ng Department of Agriculture ngayong Martes.


“Mahigit four million hogs ang nawala sa system. Nagsimula ang 2020, [nasa] 12.7 million hogs, ngayon nasa eight million,” sabi ni Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes sa isang interview.


Bukod sa culling ng mga ASF-infected na baboy, marami ring mga hog raisers ang hindi na ninanais na bumalik pa sa pag-aalaga ng mga ito dahil sa takot sa naturang sakit.

“‘Yung iba, hindi na nag-alaga ng baboy,” ani Reyes.


Ang kakulangan ng supply ng karne at buhay na baboy ang dahilan din kaya matindi ang pagtaas sa presyo nito na umaabot sa P400 kada kilo sa Metro Manila.


“‘Yung pagtaas ng presyo ng baboy ay bunsod ng epekto ng ASF mula pa noong nakaraang taon. Noong 2019 pa ‘yan, eh, kaya bumaba talaga ang populasyon,” sabi ni Reyes.


“‘Yung kakulangan na ‘yan, nag-manifest na... last year maganda pa ang presyo natin, P270 to P300, sumipa ang presyo ng holiday season, [naging] P400 noong Christmas, ngayon, hindi bumababa,” dagdag ng opisyal.


Sa kabila ng problema sa pagbaba ng populasyon ng mga baboy, ayon sa DA official, makatwiran na sa P200 farm gate price ay dapat magkaroon lamang ng profit margin na P80 hanggang P100.


Aniya, “So dapat, P300 [per kilo] pero dito sa Maynila, eh, P400 pa rin, so may nagsasamantala.”


Gayunman, para mapigilan ang lalong pagtaas ng retail prices ng baboy at manok, inirekomenda na ng DA kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng price freeze sa mga nasabing produkto, kung saan P270 kada kilo ang kasim at pigue, P300 kada kilo ang liempo, at P160 kada kilo ang karne ng manok.


“Kulang sa ngipin kasi ang SRP (suggested retail price), hanggang doon lang suggested, so pakiusap, sa price freeze, puwedeng kasuhan agad ang hindi sumusunod sa price level,” ayon kay Reyes.


Hinihintay pa ng DA ang magiging desisyon ng Palasyo patungkol sa rekomendasyon ng ahensiya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page