top of page
Search

ni Lolet Abania | February 1, 2021




Labing-walong mountaineers ang nasagip nang atakihin ang mga ito ng mga bubuyog sa Mt. Tarak sa Mariveles, Bataan.


Sa ulat, nanghihina na ang ilang mountaineers nang madatnan ng mga rescuers dahil sa pag-atake ng mga bubuyog. Puno ng sting ng mga bubuyog ang mga braso, leeg, likod at hita ng mga mountaineers.


Sinabi ni Dante Malimban, kapitan ng Barangay Alas-asim, Mariveles Bataan, una nilang nailigtas ang limang mountaineers, kung saan isa sa kanila ang nadale nang husto ng pag-atake ng mga bubuyog na nagresulta sa pagsusuka at matinding pananakit ng tiyan nito, habang ang 13 iba pang mountaineers ay nasagip.


Ayon sa kapitan, may ibang mountaineers na nakababa na mula sa bundok ang nagsabi sa kanila na may mga narinig silang sumisigaw at humihingi ng tulong subali't hindi na nila mapuntahan dahil malayo sila sa lugar ng mga biktima.


Agad namang nilapatan ng paunang lunas ang mga mountaineers na nasa maayos na kondisyon na ngayon.

 
 

ni Lolet Abania | February 1, 2021




Pumanaw na kahapon ang dating senador na si Victor “Vic” Ziga sa edad na 75.


Nakilala si Ziga nu'ng dekada '80 bilang senador at ang malaki niyang partisipasyon sa 1986 EDSA People Power.


Ang Bicol senador ay miyembro ng Liberal Party, kung saan kasama ng iba pang party leaders, sumapi siya sa street parliament sa panahon ng Marcos Martial Law.


Isa si Ziga sa mga sumuporta kay dating Presidente Cory Aquino upang mailuklok ito sa pagkapangulo.


Bago naging senador, naglingkod siya bilang assemblyman, cabinet minister at Albay governor.


Sa inilabas na ulat, namatay ang dating opisyal habang naka-confine sa St. Luke’s Hospital, Bonifacio Global City sa Taguig dahil sa heart at multi-organ failure.


Ayon sa anak nitong si Albay Board Member Victor Ziga, Jr., nakatakdang ilagak ang kanyang ama sa Loyola Memorial Chapel sa Sucat, Parañaque bago ito i-cremate.

 
 

ni Lolet Abania | February 1, 2021




Inaasahan na ang pagdating ng 117,000 doses ng COVID-19 vaccine ng Pfizer sa ilalim ng COVAX facility sa ikalawa o ikatlong linggo ng Pebrero.


Sa inilabas na anunsiyo ni Rabindra Abeyasinghe, representative ng World Health Organization (WHO), aniya sa isang press conference ngayong Lunes, “The COVAX has promised that they will deliver approximately 117,000 doses within the second or third week of February. These vaccines will be Pfizer-BioNTech vaccines.”


Bukod dito, asahan ding may 5.5 hanggang 9.2 milyong doses ng AstraZeneca’s COVID-19 vaccine na posibleng dumating sa huling linggo ng Pebrero o unang linggo ng Marso.

Gayunman, ayon kay Abeyasinghe, ang vaccine ng AstraZeneca ay nananatiling nasa evaluation pa para sa Emergency Use Listing (EUL) at maaaring ito ay matapos nang dalawa hanggang tatlong linggo.


“We are potentially looking at some quantity of those AstraZeneca vaccines also reaching the Philippines either late February or early March,” sabi ni Abeyasinghe.


Samantala, inanunsiyo rin kahapon ng vaccine czar na si Secretary Carlito Galvez, Jr., na ang bansa ay makakatanggap ng tinatayang 5.6 milyong doses ng Pfizer-BioNTech at AstraZeneca’s vaccines sa first quarter ng taon.


“The vaccines under COVAX can now inoculate our healthcare workers, medical-related personnel, and other frontliners,” ani Galvez.


Patuloy na sinisikap ng pamahalaan na makakuha ng aabot sa 148 milyong doses ng COVID-19 vaccines upang mabakunahan ang 50 hanggang 70 milyong Pinoy ngayong taon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page