top of page
Search

ni Lolet Abania | February 9, 2021





Inihayag ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na nagpositibo siya sa RT-PCR test para sa COVID-19.


Ayon sa alkalde, sumailalim siya sa test matapos na makaramdam ng ilang sintomas ng naturang sakit.


“Sa resulta, nakita na ako ay nagpositibo sa nasabing sakit,” ani Rubiano sa isang Facebook post.


“Ako po ngayon ay nag-isolate. Kasalukuyang isinasagawa na rin ang COVID 19 protocols ng lungsod on contact tracing sa maaaring naging source ng sakit at gayundin sa aking mga nakasalamuha upang maiwasan ang tuluyan pang pagkalat nito,” dagdag ng mayor.


Tiniyak naman ni Calixto-Rubiano sa kanyang mga nasasakupan na patuloy ang serbisyo ng lokal na pamahalaan kung saan naglabas na siya ng direktiba sa lahat ng departamento ng lungsod habang ang ibang opisyal ay inatasan niyang magbigay ng assistance sa mga residenteng nangangailangan.


“Sa pangyayaring ito natin makikita na walang pinipili ang COVID 19 at talagang kailangan natin ang tulong ng pagpapabakuna at pananalangin sa Panginoon upang tuluyan nating mapagtagumpayan ang sakit na ito,” sabi ni Calixto-Rubiano.

 
 

ni Lolet Abania | February 7, 2021





Mananatiling bukas ang U-turn slot sa EDSA-General Tinio hanggang hindi natatapos ang ginagawang elevated busway sa lugar, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).


Ayon kay MMDA Traffic Engineering Center director Noemi Recio, hiniling ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan kay MMDA Chairperson Benhur Abalos na payagang buksan ang naturang U-turn slot.


“Sabi ni Chairman, itong U-turn na 'to will remain open hanggang sa maitayo 'yung ating proposal na elevated busway,” ani Recio sa isang interview ngayong Linggo.


Sinabi ni Recio na maraming residente at mga motorista ang nagreklamo kay Malapitan tungkol sa pagsasara ng U-turn slot.


Aniya pa, tinatayang nasa 7,000 sasakyan ang dumaraan sa General Tinio U-turn slot na ipinasara noong February 1.

 
 

ni Lolet Abania | February 6, 2021





Halos magkasunod na pagyanig ang tumama sa Davao del Sur ngayong Linggo, ayon sa Phivolcs.


Ang unang pagyanig ay 4.8-magnitude na lindol na naramdaman ng alas-7:28 ng umaga habang ang ikalawang pagyanig ay 6.1-magnitude na mas malakas ng alas-12:22 ng tanghali.


Dahil sa naganap na pagyanig, kinailangang agad ilikas ang ilang mga pasyente sa mga ospital sa Kidapawan City, ayon sa city disaster risk reduction management office (CDRRMO).


"Tayo ay nag-evacuate ng mga ospital sa lungsod," ani Psalmer Bernalte, ng Kidapawan CDRRMO sa isang interview.


Dagdag pa ni Bernalte, magsasagawa rin sila ng preemptive evacuation sa tinatayang 100 pamilya na nakatira malapit sa Mt. Apo upang masiguro ang kanilang kaligtasan sakaling magkaroon ng landslides dahil sa posibleng mas malakas pang lindol at aftershocks ang maganap.


Nagsilabasan naman ang mga namimili at niyanig ang mga paninda sa mga mall sa ilang probinsiya ng Mindanao.


May mga hinimatay at nagsisigawang customers sa Mall of Ace Centerpoint sa Koronadal City, South Cotabato dahil sa takot dulot ng malakas na pagyanig.


Nagsitakbuhan palabas ang mga nagmo-malling sa SM General Santos City habang pinahintay muna sila sa open area ng mall.


Ayon kay municipal information officer Anthony Allada, ramdam sa bayan ng Magsaysay, Davao del Sur ang malakas na pagyanig na nagpagalaw ng ilang gamit at mga pader. Naitala sa nasabing bayan ang epicenter ng dalawang lindol.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page