top of page
Search

ni Lolet Abania | February 16, 2021





Mula sa 44 kaso ng UK variant ng COVID-19 umabot na sa 40 ang nakarekober sa B.1.1.7 coronavirus, ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH) ngayong Martes.


Gayunman, sinabi ni DOH Epidemiology Bureau Director Alethea De Guzman na may tatlo pang active cases ng UK variant habang isa lamang ang nananatiling namatay, ang 84-anyos na lolo mula sa La Trinidad, Benguet.


Ang tatlong aktibong kaso ay isang overseas Filipino na galing sa United Arab Emirates, isang 20-anyos na babae na mula sa Sabangan, Mountain Province at isang 37-anyos na lalaki na mula Impasug-ong, Bukidnon. Lahat sila ay isinailalim na sa isolation.


Sa 44 na kaso, 28 pasyente ay mga locals habang ang 15 pasyente ay mga nagbalik na overseas Filipinos. Ang address naman ng isang kaso ay patuloy na bineberipika ng DOH.

 
 

ni Lolet Abania | February 14, 2021





Ilang mambabatas ang nanawagan na ipagpaliban na muna ang pagtataas ng mga bangko sa tinatawag na interbank charges para sa mga transaksiyon sa automated teller machine (ATM).


"Lalong magpapabigat ito sa ating consumers na hindi pa nakabangon ngayon dahil sa matinding krisis na ito na dinala ng pandemya ng COVID-19," ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate.


Sinabi naman ni Senior Citizen Party-list Rep. Rodolfo Ordanes na huwag na sanang pahirapan pa ang mga empleyado ng gobyerno maging ang mga senior citizens dahil sa isasagawa ng mga bangko na taas-singil sa ATM sakaling sa ibang bangko magwi-withdraw ang mga ito.


Idiniin ni Ordanes na dapat sagutin na lamang ng bangko ang dagdag na singil na ito sa halip na ikarga sa mga kliyente.


Inaasahang sa Abril 7 na ipapatupad ang pagtataas ng interbank ATM transaction fees.


Aabot sa P10 hanggang P18 ang magiging singil kada withdrawal transaction ng isang kliyente habang ang balance inquiry naman ay P1.50 hanggang P2, kapag ang terminal o machine ay hindi ang iyong bangko.


Ayon sa director ng payment system oversight department ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na si Raymond Estioko, noong 2018 pa nakakuha ng approval ang mga bangko tungkol sa taas-singil sa interbank ATM transaction fees.


Gayundin, binanggit ni Estioko na pinag-aralan umano ito ng BSP at nagkaroon ng mga konsultasyon.


Ipinaliwanag naman ng managing director ng Bankers Association of the Philippines (BAP) na si Ben Castillo na mayroong nagiging gastos ang interconnections ng mga bangko.


Sinabi pa ni Castillo, kailangan din ang pagtataas ng singil upang mapalakas ang banking system ng bansa.


"Wala pong choice ang mga bangko because system-wide application po iyan," sabi ni Castillo.


"Ngayon, tumama tayo sa panahon ng pandemic. Iyan po ay unfortunate," dagdag niya.

 
 

ni Lolet Abania | February 14, 2021





Tatlong indibidwal ang naitalang nagpositibo sa test sa UK variant ng COVID-19 sa Davao Region, ayon sa Department of Health (DOH).


Dalawa sa tatlong pasyente ay mula sa Davao de Oro na isang 33-anyos na lalaki ng Compostela at isang 54-anyos naman na babae na taga-New Bataan. Ang isa pa rito ay ang unang nai-report na 10-anyos na batang lalaki na galing sa Davao Region.


Agad na nagpulong ang Department of Health Region 11 at ang local government units ngayong Linggo upang magsagawa ng pagresponde sa kaso ng UK COVID-19 variant sa naturang lugar.


Gayundin, ang mga awtoridad ay nagsasagawa na ng contact tracing upang maiwasan ang pagkalat ng nasabing sakit.


Samantala, inanunsiyo naman ng DOH Central Visayas na 60 sa 70 mga samples na ipinadala ng ahensiya sa Philippine Genome Center para sa genomic sequencing noong nakaraang linggo ay nagnegatibo na sa test sa B.1.1.7 variant o UK COVID-19.


Gayunman, ang natitirang sampu ay patuloy na nagsasagawa ng sequencing.


Kasama na ang tatlong ito sa 44 naitalang kaso ng UK variant ng COVID-19 sa bansa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page