top of page
Search

ni Lolet Abania | February 23, 2021




Nakuryente ang isang 2-anyos na batang lalaki at namatay matapos isaksak ang kutsara sa extension cord sa Quezon City kamakailan.


Kinilala ang biktima na si Jake Angara na nagdiwang ng ika-2 kaarawan noong February 7.


Ayon kay Eloisa Acay Angara, nanay ng biktima, humihingi ng gatas sa kanya ang anak kaya ipinagtimpla niya ito. Sinabi pa ng ina na inilagay umano niya ang kutsara sa mataas na parte ng bahay para hindi ito maabot ng kanyang anak.


"Nu'ng time na bubuksan ko na 'yung ano, 'yung pintuan, may pumutok. Kinabahan ako, pero akala ko, may nalaglag lang," sabi ni Eloisa.


"Napasigaw ang asawa ko. Ang sabi niya, 'Bem, si Jake, na-ground!'" dagdag ni Eloisa.


Naabot at nakuha ng bata ang kutsara at isinaksak ito sa extension cord.


Agad nilang isinugod sa ospital ang bata subalit binawian din ito ng buhay.


Kuwento ng mga kaanak, si Jake ay isang malambing, masunurin at matalinong bata.

Ayon kay Joe Zaldarriaga, spokesperson ng Meralco, napakadelikado ng pagsasaksak ng anumang metal na bagay sa extension cord o power outlet.


"Maaari talagang maaksidente 'pag 'yan ay kinalikot o mayroong object na baka na-insert o kaya iyong daliri, inilagay mismo doon sa opening ng outlet," ani Zaldarriaga.

Pinapayuhan naman ng mga awtoridad na iligpit agad ang extension cord pagkatapos gamitin. Gayundin, mayroong mga safety devices para matakpan ang mga electric outlet.

 
 

ni Lolet Abania | February 23, 2021




Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga Cabinet na pabilisin ang distribusyon ng mga lupa para sa mga rebeldeng nagbalik-loob sa gobyerno, ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles.


Sa isang virtual press briefing, sinabi ni Nograles na nakatakdang magpamahagi ang pamahalaan ng 6,406.6 hectares ng lupa sa mga dating rebelde.


“Gusto nating mapabilis ang pag-distribute nito. Alam nating napakalaki ng role nito para sa ating peace efforts,” pahayag ni Nograles ngayong Martes.


Naganap ang Cabinet meeting kay Pangulong Duterte nu'ng Lunes ng gabi.


Matatandaang noong nakaraang linggo, nagkaloob si P-Duterte ng amnesty para sa mga dating communist rebels na nakagawa ng krimen na may kaukulang kaparusahan sa ilalim ng Revised Penal Code at Special Penal Laws dahil sa pakikipaglaban ng mga ito sa pulitikal na pinaniniwalaan.


Ang mga krimen na bibigyan ng amnestiya ay ang mga sumusunod: • rebellion/insurrection • conspiracy and proposal to commit rebellion or insurrection • disloyalty to public officers or employees • inciting to rebellion or insurrection • sedition • conspiracy to commit sedition • inciting to sedition • illegal assembly • illegal association • direct assault • indirect assault, at iba pa


Sa ipinagkaloob na amnestiya na nakasaad sa Presidential Proclamations 1090, 1091, 1092 at 1093 ay mabebenepisyuhan din ang ilan sa mga dating miyembro ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade, Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

 
 

ni Lolet Abania | February 23, 2021




Isa ang patay habang dalawa ang nawawala sa Caraga Region matapos ang pananalasa ng Bagyong Auring.


Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes, may kabuuang 31,884 pamilya sa Caraga, Davao, Northern Mindanao at Bicol Regions ang matinding naapektuhan ng nasabing bagyo.


May 18,996 pamilya naman ang inilikas sa Caraga, Davao, Northern Mindanao, Eastern Visayas, Central Visayas at Western Visayas dahil sa panganib ng Bagyong Auring.


Sa Caraga at Davao Regions, tinatayang nasa 60 kabahayan ang nawasak habang 180 ang bahagyang nasira.


Ayon pa sa NDRRMC, may 11 kalsada at dalawang tulay ang napinsala ng bagyo sa Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas at Davao Regions.


Patuloy ang isinasagawang validation ng NDRRMC sa mga napaulat na data.


Gayunman, ayon sa PAGASA, inalis na ang tropical cyclone wind signal sa mga lugar habang ang tropical depression Auring ay tuluyan nang humina.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page