top of page
Search

ni Lolet Abania | February 25, 2021




Pumanaw na si dating Cavite governor Erineo "Ayong" Maliksi sa edad na 82.

Sa Facebook account ng kanyang anak na si Imus Mayor Emmanuel Maliksi, kinumpirma nito ang pagkamatay ng ama.


"Ang aming pamilya ay lubos na nagdadalamhati sa pagpanaw ng aking ama, Erineo 'Ayong' S. Maliksi," post ni Mayor Maliksi.


"Higit sa pagiging isang serbisyo-publiko, ikaw ay naging isang mapagmahal at mapagkalingang ama sa amin. Maraming salamat sa iyong pagmamahal at sa mga aral na patuloy naming babaunin," dagdag pa ng alkalde.


Gayunman, hindi binanggit ni Mayor Maliksi ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang ama, maging ang eksaktong petsa ng pagpanaw nito. Nagsimula ang political career ni Ayong Maliksi bilang vice-mayor ng Imus mula 1980 hanggang 1986 at nahalal na mayor naman ng Imus noong 1988 na nagpatuloy hanggang 1998.


Naglingkod din si Ayong bilang gobernador ng Cavite mula 2001 hanggang 2010, at naging miyembro ng House of Representatives mula 1998 hanggang 2001, at mula 2010 hanggang 2013.


Nagsilbi rin si Maliksi bilang chairman ng Philippine Charity Sweepstakes Office mula 2015 hanggang 2016 sa ilalim ng administrasyon ni dating Presidente Benigno Aquino III.

 
 

ni Lolet Abania | February 25, 2021





Nasagip ang apat na Chinese na dinukot matapos ang isinagawang serye ng operasyon sa Quezon City at Pampanga kagabi, ayon sa Philippine National Police ngayong Huwebes.


Sa isang pahayag, sinabi ni PNP chief Police General Debold Sinas, magkatuwang na nirespondehan ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) at Anti-Kidnapping Action Committee ang isang kaso ng kidnapping sa isang babaeng Chinese.


Sa report naman na nanggaling kay PNP-AKG chief Police Brigadier General Jonel Estomo, ayon kay Sinas, nailigtas ang babaeng Chinese mula sa isang medical diagnostics clinic sa Quezon City bandang alas-6:00 ng gabi.


Sinabi ng supervisor ng establisimyento sa mga imbestigador na ang biktima ay nakatakdang sumailalim sa RT-PCR test bilang requirement nito para sa kanyang airline travel. Agad na nagtungo ang mga awtoridad sa nasabing clinic kung saan nasagip ang dinukot na biktima mula sa mga naarestong suspek na sina Liang Khai Chean, 28, Malaysian; Mou Yun Peng, 35, Chinese at Benjie Labor, 43, Pinoy.


Matapos na masagip, isinalaysay ng biktimang Chinese na marami pang kidnap victims sa isang safe house sa Mexico, Pampanga kung saan siya unang itinago. Nagtungo agad ang mga awtoridad sa sinabing lokasyon at nasagip nila ang tatlo pang dinukot na Chinese, habang walong suspek na dalawang Chinese at anim na Pinoy ang kanilang naaresto.


Ayon sa PNP, patuloy na inaalam ng AKG investigators ang pagkakakilanlan ng mga nahuling suspek.


“This successful kidnap rescue operation only goes to show the dedication and commitment of the PNP against organized crime,” ani Sinas.

 
 

ni Lolet Abania | February 24, 2021




Isinailalim sa 5-day lockdown ang Navotas City Hall matapos na 24 empleyado ang nagpositibo sa test sa COVID-19, sabi ni Mayor Toby Tiangco.


Bukod sa main city hall, ang Navotas City Hall Annex kabilang ang NavoServe at Franchising Permits Processing Unit ay sarado mula February 23, alas-8:01 ng gabi hanggang Linggo, February 28, alas-11:59 ng gabi.


Balik-operasyon ang city hall sa Lunes, March 1.


“Kaya namin isinara is for the safety of everyone, para ma-disinfect ang lahat ng offices. Holiday naman bukas kaya we took the opportunity, parang two days lang mawawalan ng trabaho pero ang epekto ay five consecutive days,” ani Tiangco sa isang interview.


Sa isang Facebook post, iniutos ni Tiangco sa mga infected na empleyado na mag-isolate at kailangan ding sumailalim sa swab test ang kanilang mga naging close contacts.


“Sumailalim din sa swab test ang lahat ng mga empleyado ng city hall, kahit hindi po sila close contact. Nagsagawa rin tayo ng general cleaning at disinfection tuwing 3PM-5PM,” sabi ni Tiangco.


Hiniling din ng alkalde sa Sangguniang Panglungsod na magpasa ng isang ordinansa para sa pagpapalawig ng deadline ng mga bayarin hanggang March 5, 2021 na walang kaukulang penalty at surcharge.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page