top of page
Search

ni Lolet Abania | March 1, 2021





Nagpositibo sa isinagawang test para sa COVID-19 si San Juan City Mayor Francis Zamora. Sa isang Facebook post ngayong Lunes, ayon kay Zamora, siya ay asymptomatic at maayos naman ang kanyang kondisyon.


Sinabi rin ng alkalde na nasa Cardinal Santos Medical Center siya upang sumailalim sa quarantine.


Lumabas ang resulta ng test ni Zamora ngayong Lunes matapos sumailalim sa isang routine swab test nitong Linggo ng gabi.


“To everyone that I have come in contact with the past few days, kindly have yourself tested,” ani Zamora sa isang statement.


“We can arrange for a free RT-PCR swab test for you,” dagdag niya.


Iminungkahi naman ni Zamora sa mga naging close contact niya na makipag-ugnayan kay Dr. Rosalie Sto. Domingo, ang health officer ng lungsod, mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa COVID-19 Operations Center sa San Juan City Hall.


“I’m very sorry for the inconvenience. Please all stay safe,” saad ng mayor.

 
 

ni Lolet Abania | February 28, 2021




Mariing ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi pa rin niya papayagan ang face-to-face classes kahit pa may mga dumating nang vaccines kontra-COVID-19 sa bansa. “Huwag muna ngayon. Not now. I cannot make that decision,” ani Pangulong Duterte sa press briefing na isinagawa sa Villamor Air Base sa Pasay City kung saan dumating ngayong Linggo ang 600,000 doses ng COVID-19 vaccines mula sa Chinese drugmaker na Sinovac.


Ito ang naging tugon ni P-Duterte sa tanong sa kanya kung papayagan ang pagbabalik ng in-person classes dahil mayroon nang bakuna na dumating sa bansa.


Sinabi ng Pangulo na ang face-to-face classes sa panahon ngayon ay maglalagay sa mga batang mag-aaral sa kapahamakan.


“I am not ready to lose the lives of our young people,” sabi pa ng Pangulo.


Matatandaang binanggit ni P-Duterte na hindi niya papayagan ang in-person classes hangga’t wala at hindi nagkakaroon ng vaccine kontra-COVID-19 ang bansa.


Gayundin, noong nakaraang linggo, tinanggihan ng punong ehekutibo ang Department of Education (DepEd) sa mungkahi nitong magsagawa ng isang dry run ng face-to-face classes sa bansa.

 
 

ni Lolet Abania | February 28, 2021





Umakyat na sa kabuuang bilang na 576,352 ang mga tinamaan ng COVID-19 sa bansa matapos na makapagtala ng 2,113 bagong kaso ng coronavirus ngayong Linggo, ayon sa Department of Health (DOH).


Nakapagtala naman ng 9,418 na bagong nakarekober sa COVID-19 kaya umabot na sa kabuuang bilang na 534,271 ang mga gumaling sa nasabing virus.


Mayroon namang nadagdag na 29 na nasawi kaya umakyat na sa 12,318 ang mga namatay dahil sa COVID-19.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page