top of page
Search

ni Lolet Abania | March 3, 2021





Dalawang pasyente sa South Korea ang naiulat na namatay ilang araw matapos na maturukan ng COVID-19 vaccine na AstraZeneca.


Dahil dito, mag-iimbestiga ang South Korean authorities sa kaso ng mga biktima na parehong may pre-existing conditions bago pa nabigyan ng nasabing vaccine.


Ayon sa ulat ng Yonhap news agency, isang 63-anyos na nursing home patient na may cerebrovascular disease ang nagkaroon ng mga sintomas, kabilang na ang mataas na lagnat, matapos makatanggap ng AstraZeneca vaccine.

Agad siyang dinala sa mas malaking ospital noong Martes, subalit namatay makaraang magpakita ng mga sintomas ng blood poisoning at pneumonia.


Isa pang nasa edad 50 na may cardiac disorder at diabetes ang namatay nitong Miyerkules matapos makaranas ng multiple heart attacks, kung saan nabigyan ng COVID-19 vaccine sa pareho ring araw, ayon pa sa Yonhap news agency.


Gayunman, sinabi ng isang opisyal ng Korea Disease Control and Prevention Agency (KDCA) sa Reuters na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon sa naging sanhi ng pagkamatay ng dalawa, subalit hindi na nagbigay pa ng detalye at kumpirmasyon sa pahayag ng Yonhap news agency at pagkakakilanlan ng mga biktima.


Hindi rin nagbigay ng komento ang spokeswoman ng AstraZeneca sa Seoul tungkol sa insidente.


Sinimulan ng South Korea ang kanilang pagbabakuna noong nakaraang linggo. Isinagawa ito nu'ng Martes nang hatinggabi na umabot sa 85,904 katao ang naturukan ng first doses ng AstraZeneca vaccine habang may 1,524 naman na nakatanggap ng Pfizer shots, ayon sa pahayag ng KDCA.


Umabot na sa 90,816 ang infected ng COVID-19 sa South Korea habang may 1,612 ang namatay dahil sa coronavirus.

 
 

ni Lolet Abania | March 3, 2021





Umabot sa mahigit 4,000 kaso ng COVID-19 ang naitala ng Department of Education (DepEd) sa kanilang mga personnel at estudyante, ayon sa isang opisyal sa isang Senate panel ngayong Miyerkules.


Sa ginanap na pulong ng Senate Basic Education Committee, sinabi ni DOH Undersecretary Nepomuceno Malaluan na nakapagtala ang kanilang COVID-19 Task Force Monitoring ng 4,468 cases ng Coronavirus sa mga personnel ng ahensiya at mga estudyante.


Ayon kay Malaluan, sa bilang na ito, may 2,830 school personnel, habang 1,638 naman ay learners na naiulat na tinamaan ng COVID-19.


Sa mga lugar kung saan may pinakamaraming bilang ng kaso ng Coronavirus, nangunguna aniya ang Quezon Province na may 193 infected na mag-aaral at DepEd personnel. Sumunod dito ang Batangas na may 158; Bataan na may 128; Cebu Province na may 114; at Quezon City na may 104.


Tinatalakay din sa Senate panel ang naging epekto ng COVID-19 pandemic sa sistema ng basic education sa bansa.

 
 

ni Lolet Abania | March 2, 2021





Kinumpirma ng Food and Drug Administration (FDA) ngayong Martes na naghain na ang Chinese firm na Sinopharm ng kanilang aplikasyon para sa emergency use authorization (EUA) sa COVID-19 vaccine.


“There was an online application filed yesterday afternoon. Our officers are now checking the contents of the submission,” ani FDA Chief Eric Domingo.


Kahapon, inanunsiyo ni Presidential Spokesman Harry Roque na isinumite na ng Sinopharm ang kanilang application subalit ayon kay Domingo, hindi pa niya ito makumpirma.


Matatandaang sinabi ni FDA chief na kinakailangan ng ahensiya ng apat hanggang anim na linggo para ma-evaluate ang Sinopharm vaccine dahil sa kakulangan nito ng approval mula sa stringent regulatory authorities (SRAs) gaya ng US FDA o ng World Health Organization (WHO).


“Depende na lang kung in the meantime, kung in between ng application nila ay magkaroon sila ng ganu’n, ng US FDA (approval) o kaya sa UK o kaya itong mga Asian countries na alam nating stringent sila o sa WHO,” ani Domingo sa isang interview.


Binanggit naman kamakailan ni Roque na mas gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na maturukan ng Sinopharm vaccine.


Gayundin, sa naganap na ceremony ng pagdating ng 600,000 Sinovac doses noong Linggo, sinabi ni Pangulong Duterte na personal niyang hiniling ang supply ng isang COVID-19 vaccine subalit hindi niya binanggit ang pangalan nito.


Ayon pa sa 75-anyos na Pangulo, nais din ng kanyang doktor na isang Chinese vaccine brand ang ibigay sa kanya subalit hindi siya kuwalipikadong tumanggap ng Sinovac shot dahil sa maaari lamang itong gamitin ng mga malulusog na indibidwal na nasa edad 18 hanggang 59.


“Ako naghingi ako, personal. Wala silang stock. Nanghingi ako para sa pamilya ko pati sa akin. I do not know if we would have enough vaccines for everybody, but I think I can accommodate itong Cabinet members,” ani P-Duterte.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page