top of page
Search

ni Lolet Abania | April 19, 2022



Sunud-sunod na putok ng baril ang sumalubong sa pagbisita ni presidential candidate Leody de Guzman at kanyang grupo sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon Province ngayong Martes, ayon sa campaign team na Partido Lakas ng Masa (PLM).


Sa isang mensahe sa mga reporters, sinabi ng PLM na si De Guzman ay nasa lalawigan para tulungan ang mga Indigenous Peoples (IPs) ng Manobo-Pulangiyon na mabawi ang kanilang mga ancestral lands.


Binanggit naman ng PLM na wala pang nai-report na nasawi sanhi ng insidente, subalit dalawang indibidwal ang nakumpirmang nagtamo ng mga sugat matapos ang pamamaril.


Ayon sa PLM, bineberipika na nila kung may mga indibidwal pang nasugatan.

“Ilan sa mga kasamahan nilang IPs ay tinamaan ng bala at nagtamo ng mga sugat. Malubha ang kalagayan ng mga kasamang IPs, bagama’t wala pang naiulat na namatay sa pangyayari,” pahayag ng PLM sa isang mensahe sa mga reporters.


Kinilala ng PLM ang mga nasugatan na si Nanie Abela, isang organizer ng mga magsasaka at farmworkers sa Mindanao, at isang hindi pinangalanang tribal leader ng Manobo-Pulangiyon.


Sa ulat, kasama ni De Guzman ang kanyang mga senatorial candidates na sina Roy Cabonegro at David D’Angelo.


Gayunman, sa isang tweet ay kinumpirma ni De Guzman na siya pati na sina Cabonegro at D’Angelo ay ligtas na lahat matapos ang insidente ng pamamaril.


“Ang tinamaan ay ang nasa tabi ko, si Nanie Abela, na organizer ng mga magsasaka sa Mindanao. Casualty rin ang isang lider ng tribong Manobo-Pulangiyon,” pahayag ni De Guzman.


Nanawagan naman si De Guzman para sa kapayapaan sa Mindanao at sana’y respetuhin ang mga karapatan ng mga IPs.


“Alam nating mayayaman at makapangyarihan ang ating binabangga sa labang ito. Ngunit, ibang klase pa rin kapag talagang direkta tayong dinahas. Walang halaga sa kanila ang buhay nating mga maliliit,” dagdag ni De Guzman.


Sa ngayon, ayon sa PLM ang kampo ni De Guzman ay patungo na sa ospital. Nangako naman ang PLM na magbibigay sila ng mga detalye at updates kaugnay sa insidente.


Samantala, ayon sa Police Regional Office 10 (PRO 10), nakatanggap sila ng report ng umano’y shooting incident na naganap bandang alas-12:20 ng tanghali ngayong Martes sa Kiantig, San Jose, Quezon sa Bukidnon.


Batay sa PRO 10, isang biktima ang nai-report na nabaril at kinilala bilang isang residente ng Quezon, Bukidnon. Gayunman, nagpadala na ng mga tauhan ang pulisya sa lugar para beripikahin ang report.


“Initial investigation showed that a group of tribal petitioners allegedly forcibly entered private property, and the alleged shooting incident occurred thereafter,” ayon sa PRO 10.

 
 

ni Lolet Abania | April 19, 2022



Wala pang nade-detect na “Omicron XE” o ang recombinant ng dalawang sub-lineages ng mas nakahahawang Omicron variant, ayon sa Department of Health (DOH).


Sa isang radio interview ngayong Martes, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na tuluy-tuloy nilang mino-monitor habang nakatutok sila kung ang Omicron XE ay nakapasok na sa bansa.


“Sa ngayon, wala pa naman tayong nade-detect na XE variant dito sa ating bansa. Itong XE variant naman ay mga tatlo o apat na bansa pa lang ang nakaka-detect ng ganitong klaseng variant,” saad ni Vergeire.


Una nang ipinaliwanag ni infectious disease expert Dr. Edsel Salvana na ang Omicron XE ay “more concerning” o mas nakaaalarma kumpara sa ibang Omicron sub-variants dahil sa kanilang transmissibility, subalit hindi naman aniya maaaring mas severe o makaaapekto sa efficacy ng mga kasalukuyang vaccines na mayroon sa bansa.


Pinatotohanan naman ito ni Vaccine Expert Panel member Dr. Rontgene Solante na aniya, ang kasalukuyang mga bakuna ay maaaring kakitaan ng paglaban sa BA.1 at BA.2 Omicron sub-variants.


Samantala, unang naipahayag ni Philippine College of Physicians (PCP) resident Dr. Maricar Limpin, ang kanyang pagkaalarma sa posibleng pagpasok sa Pilipinas ng Omicron XE at ang mababang bilang ng pagtanggap ng booster shot ng mga Pilipino ay maaaring magresulta ng surge ng COVID-19 cases sa Mayo.


Pareho namang nagbabala ang DOH at ang World Health Organization (WHO) Philippines na ang bansa ay posibleng makaranas ng isa pang surge ng COVID-19 infections sa mid-May kung ang ipinatutupad na minimum public health standards (MPHS) ay patuloy na babalewalain.

 
 

ni Lolet Abania | April 19, 2022



Niyanig ng magnitude 6.2 na lindol ang Manay, Davao Oriental ngayong Martes nang umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).


Batay sa PHIVOLCS, naitala ang lindol nang alas-9:23 ng umaga at tectonic in origin.

Habang ang epicenter ng pagyanig ay nasa layong 07.09°N, 127.04°E - 057 km S 77° silangan ng Manay.


Ayon sa PHIVOLCS, may lalim ang lindol na 018 kilometro.


Naramdaman ang Intensity IV sa Bislig City at sa Hinatuan, Surigao Del Sur, habang Intensity II naman sa Davao City at sa Bansalan, Davao del Sur.


Sinabi pa ng PHIVOLCS, asahan ang mga maaaring pinsala at mga aftershocks matapos ang pagyanig.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page