top of page
Search

ni Lolet Abania | April 20, 2022



Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpapakalat ng mga balota na gagamitin para sa May 9 national at local elections nitong Martes nang gabi.


Sa isang advisory ng Comelec, ang mga ballots ay idineploy mula sa warehouse ng Comelec sa Pasig City patungo sa mga opisina ng city/municipal treasurer nationwide.


Ayon kay Comelec Commissioner Aimee Ferolino, na siyang head ng komite na in charge sa pagpapadala o shipping ng mga balota, umaasa sila na matatapos nila ang deployment nito hanggang Mayo 5.


Tiniyak din ni Ferolino sa publiko na isinasagawa nila ang mga nararapat na security measures para protektahan ang mga balota habang patungo ang mga ito sa kanilang mga destinasyon.


“Escorted itong mga cargoes natin and they have road security so lahat ng security preps nakalatag na,” sabi ni Ferolino sa mga reporters kaugnay sa pagpapakalat ng mga balota.


Una nang nakumpleto ng Comelec ang printing ng 67.4 million official ballots noong Abril 2 para gamitin sa darating na 2022 elections.


 
 

ni Lolet Abania | April 19, 2022



Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko hinggil sa pagbili ng mga P20 at P5 coins sa mas mataas na presyo nito mula sa mga online sellers, habang nananatili pa sa sirkulasyon ang parehong barya.


Ayon sa central bank, mayroong 290.09 milyon piraso ng P20 new generation currency (NGC) coins at 1.90 bilyon piraso naman ng enhanced P5 coin na nasa sirkulasyon hanggang nitong katapusan ng Pebrero.


“The 20-Piso NGC and enhanced 5-Piso coins are legal tender and can be used as payments for goods and services at face value,” pahayag sa isang advisory.


Ang P20 NGC coin ay opisyal na inilunsad noong 2019, tampok ang imahe ni dating Pangulong Manuel Quezon sa bahagi ng obverse side, at ang BSP logo at ang Malacañan Palace sa bahagi ng reverse side.


Ilan sa mga naging finalists ng best new coins sa International Currency Awards ang naturang barya, kung saan nagwagi ito ng P20 commemorative coin ng Banco de México.


Inilunsad din ng central bank ang “enhanced” version ng P5 NGC coin noong Disyembre 2019, na may nonagon shape. Tampok sa obverse side ang isang portrait ng bayani ng Pilipinas na si Andres Bonifacio, habang ang reverse side naman ay nagpapakita ng isang rendition ng BSP logo at ang Tayabak o Jade vine.


Matatandaan na noong Marso 2018, orihinal na nai-released ng BSP ang mga NGC coins, kung saan maipagmamalaki ang mga enhanced aesthetics at security features na taglay nito.


Gayunman, isang mambabatas ang nanawagan para sa full recall ng mga NGC coins dahil umano sa kanilang mga design flaws, kung saan nagdulot aniya ito ng pagkalito sa publiko.

 
 

ni Lolet Abania | April 19, 2022



Iminungkahi na ng Department of Education (DepEd) na gawin ang pagbubukas ng klase para sa School Year 2022-2023 sa Agosto 22, 2022, habang isasagawa ang blended learning na may kasamang mas maraming face-to-face classes.


Sa isang press conference ngayong Martes, iprinisinta ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio ang plano ng ahensiya na school calendar.


Ayon sa DepEd, may 11 linggo na nakaiskedyul sa bawat quarter ng academic year.

Ang first quarter ay itinakda mula Agosto 22 hanggang Nobyembre 4, 2022; ang second quarter ay mula Nobyembre 7, 2022 hanggang Pebrero 3, 2023; ang third quarter ay mula Pebrero 13 hanggang Abril 28, 2023, at ang fourth quarter ay mula Mayo 2 hanggang Hulyo 7, 2023.


Magsisimula naman ang Christmas break sa Disyembre 19, 2022 at magpapatuloy ang mga klase sa Enero 2, 2023. Nakaiskedyul din ang mid-year break mula Pebrero 6 hanggang 10, 2023. Ang end-of-year rites ay gaganapin naman mula Hulyo 10 hanggang 14, 2023.


Sa panahon ng “summer”, ayon sa DepEd, ang remedial, enrichment, o advanced classes ay maaaring gawin mula Hulyo 17, 2023 hanggang Agosto 26, 2023.

Inaasahan naman na magsisimula ang SY 2023-2024 sa Agosto 28, 2023, ayon pa sa DepEd.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page