top of page
Search

ni Lolet Abania | April 23, 2022



Nagsagawa ang Commission on Elections (Comelec) ng vote counting machine (VCM) demonstration at mock elections sa maraming mga malls sa Metro Manila ngayong Sabado.


Sa ulat, ang naturang aktibidad ay ginawa sa SM North EDSA, SM Megamall, at SM Aura Tower.


Ilan sa mga nag-monitor ng mga activities sa mga malls ay sina Comelec Commissioner Aimee Ferolino at Comelec Spokesperson James Jimenez.


Ayon kay Jimenez, nakatanggap sila ng mga positibong feedback sa ginanap na events mula sa mga lumahok dito. Aniya, marami sa mga mall goers ay madaling natutunan ang automated election system, kung saan gagawin din nila ito sa aktuwal na eleksyon sa Mayo 9.


Sa ginanap na VCM demonstration, tinuruan ang mga botante ng tamang pag-shade ng mga balota, pag-insert ng balota papasok sa machine, at tamang pagkuha ng voter-verified paper audit trail (VVPAT).


Ka-partner ng Comelec ang mga SM Supermalls para i-educate ang mga botante kaugnay sa automated election system na isasagawa sa bansa.


Sinabi naman ni SM Supermalls President Steven Tan na lahat ng kanilang 78 malls nationwide ay handang lumahok sa nasabing inisyatibo.


Ang VCM demo sa Luzon ay tatagal mula Abril 20 hanggang 24, habang sa Visayas at Mindanao ay mula naman Abril 22 hanggang 24.

 
 

ni Lolet Abania | April 23, 2022



Mahigit sa 30,000 Filipino migrant workers sa Hong Kong ang nakaboto na para sa national elections ng Pilipinas, ayon sa isang lider ng Filipino community sa lugar ngayong Sabado.


Sa isang panayam, sinabi ni Michael Benares na hanggang nitong Biyernes, tinatayang nasa 31,300 Filipino absentee voters sa Hong Kong na ang bumoto.


Ayon kay Benares, inaabangan nila ang malaking voter turn out sa HK, kung saan inaasahang 75,000 hanggang 80,000 OFWs ang makapag-registered ng kanilang votes bago matapos ang botohan.


Batay sa datos mula sa Commission on Elections (Comelec), noong Enero ay mayroong tinatayang 93,600 registered overseas absentee voters na sa Hong Kong.


Nagsimula ang botohan nang alas-8:00 ng umaga at matatapos nang alas-5:00 ng hapon, subalit ayon kay Benares, na-extend ito para i-accommodate ang mas maraming botante.


“’Pag weekend humahaba ang pila up to 3 kilometers,” ani Benares.


Sinabi rin ni Benares na nai-deliver na ang mga bagong vote-counting machines (VCMs) doon, kahapon ng Biyernes, para ipalit sa mga depektibong VCMs, kung saan lahat ng 10 voting precincts ay fully operational na.


Aniya pa, ang mga Pinoy migrants ay nakikipag-ugnayan na rin sa Philippine consulate para labanan ang pagkalat ng mga maling impormasyon.


“Nagtutulungan kami with other media outlets para siguraduhin na tamang info ang lumalabas,” pahayag pa ni Benares, na mayroon ding radio program sa Hong Kong.

 
 

ni Lolet Abania | April 23, 2022



Nag-isyu na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show-cause orders sa anim na provincial bus operators para ipaliwanag nito kung bakit libu-libong mga pasahero ang na-stranded sa Pampanga bus stations ngayong linggo.


Una nang isinisi ng LTFRB at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nangyaring pagkalito o confusion hinggil sa ipinatutupad ngayong window hour scheme mula sa ilang bus companies anila, “they were ‘sabotaging’ the policy”.

Ayon sa LTFRB, ang mga provincial bus operators na umano’y lumabag sa kanilang Certificate of Public Convenience ay ang mga sumusunod:

• Victory Liner Inc.

• Genesis Transport Service Inc.

• Bataan Transit Bus Co. Inc.

• Five Star Bus Inc.

• First North Luzon Transit Inc.

• Maria De Leon


Nabatid ng mga awtoridad na batay sa LTFRB, ang mga naturang bus operators ay hindi umano nagkaroon ng anumang biyahe o trips patungong Manila, na naging dahilan kaya libu-libong pasahero ang na-stranded mula sa mga sumusunod na terminals sa Pampanga:

• Dau Terminal, Mabalacat, Pampanga

• Robinsons Mall Terminal, San Fernando City, Pampanga

• Victory Liner Terminal, San Fernando City, Pampanga

• Bataan Transit Terminal, San Fernando City, Pampanga

• Genesis Terminal, San Fernando City, Pampanga

• Bus Stop in Mexico, Pampanga


Samantala, itinakda ang hearing kaugnay dito sa Mayo 10 via teleconference.


“Ang mga [public utility bus] operators ay natukoy ng LTFRB Region III na hindi nag-operate sa mga terminal sa Pampanga na nagdulot ng mahahabang pila ng libo-libong pasaherong hindi makabiyahe papunta ng Metro Manila noong ika-20 ng Abril... dahil sa kawalan ng pampublikong bus,” batay sa notice.


“Kasunod niyan ay inaatasang magbigay ng paliwanag ang anim na PUB operators dahil sa nangyaring insidente at kung bakit sila hindi nag-operate noong ika-20 ng Abril,” ayon pa sa notice.


Nitong Biyernes, sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na ang window hours policy ay mananatili alinsunod ito sa development plan ng gobyerno.


Maraming provincial bus operators ang naglimita ng kanilang operasyon sa gabi dahil sa bagong ipinatupad na window hour scheme, subalit nilinaw naman ng transport authorities na ang polisiya ay patungkol lamang sa paggamit ng mga private terminals sa loob ng Metro Manila.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page