top of page
Search

ni Lolet Abania | April 24, 2022



Nakakumpiska ang National Bureau of Investigation (NBI) ng tinatayang 2,000 piraso ng pekeng Chinese insecticide na nagkakahalaga ng P350,000 sa Batangas at Laguna.


Ayon sa NBI, ang mga pekeng insecticide ay mas mabenta sa pamilihan dahil ang halaga nito ay nasa kalahati lamang ng presyo ng tunay na produkto. Subalit anila, mas magdudulot ito ng panganib sa kalusugan ng mga mamimili.


“Ito po kasing mga fake products ay hindi natin mapo-prove kung meron talaga itong efficacy at saka ‘yung quality nito kung talagang mabisa ito para pamatay ng insekto or baka naman kasi ‘yung laman nito sobra-sobra ‘yung chemicals so nakakasama sa gagamit nito,” sabi ni Glenn Ricarte, hepe ng NBI intellectual property rights division.


Sinabi pa ng NBI na humingi na sila ng permiso mula sa korte para agad nilang mawasak ang mga nasabing produkto upang maiwasan na magdulot ito sa mga consumers ng panganib.


“Ito ay sasampahan natin ng paglabag sa trademark infringement kasi ito hazardous substance kailangan natin protektahan ‘yung mga mamimili. Para lahat ng mga products na binebenta sa market ay dumaan sa FDA (Food and Drug Administration),” saad pa ni Ricarte.


Gayunman, wala namang suspek na naaresto sa ginawang operasyon ng NBI.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.


 
 

ni Lolet Abania | April 24, 2022



Nakapagpamahagi na ang Department of Agriculture (DA) ng P12 milyon mula sa P1.1-billion fuel subsidy para sa mga magsasaka ng mais at mangingisda sa buong bansa na layong mabawasan nito ang epekto ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa kanila.


Sa isang interview ngayong Linggo, sinabi ni DA Assistant Secretary Noel Reyes na ang mga nakarehistrong magsasaka sa ilalim ng Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at mga mangingisda sa ilalim naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay binigyan ng P3,000 fuel subsidy.


“Ang priority muna ‘yung mga nakalista na. So, we’re still encouraging others to have their names registered sa RSBSA. Patuloy naman po ‘yung registration dahil nakaka-P12 million pa lang kami sa buong bansa,” saad ni Reyes.


Paliwanag ni Reyes, ang P1.1 bilyong alokasyon para sa programa ay napondohan sa pamamagitan ng P500 milyong halaga mula sa 2022 budget, at ang natitirang P600 milyon ay mula naman sa inaprubahan kamakailan ng Department of Budget and Management (DBM).


Ayon kay Reyes, tinatayang 300,000 magsasaka ng mais at mangingisda ang mabebenepisyuhan mula sa naturang programa.


Samantala, in-exempt ng Commission on Elections (Comelec) ang subsidy programs ng DA para sa mga eligible na mga magsasaka at mangingisda mula sa election spending ban, kung saan kinumpirma ito ni Comelec Commissioner George Garcia nitong Miyerkules.


Tinanong naman si Reyes kung ang alokasyon ng nasabing fuel subsidy ay magpapatuloy ngayong buwan, aniya, “Oo, itong katapusan. Itong remaining days and towards the elections. Hanggang matapos, basically. Hanggang maibigay lahat.”


Maliban sa fuel subsidy, sinabi ni Reyes na ang DA ay nagbigay din ng P5,000 aid sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance, na exempted din mula sa election spending ban.


 
 

ni Lolet Abania | April 23, 2022



Magbubukas at operational na ang Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital, na itinatag sa San Fernando City, Pampanga sa Mayo 1, Labor Day, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).


"[A]ll OFWs, kung mayroon silang sakit kasama ang kanilang legal dependents, will be treated in this hospital for free,” pahayag ni DOLE Secretary Silvestre Bello III sa Laging Handa briefing ngayong Sabado.


Sa Executive Order 154, nakasaad ang direktiba ng pagtatatag ng OFW Hospital, gayundin ang paglikha ng Inter-Agency Committee on the OFW Hospital (ICOH).


Ang ICOH ay pamumunuan ng DOLE Secretary habang co-chaired ng Secretary ng Department of Health (DOH). Kabilang sa kanilang mga miyembro ang Department of Budget and Management (DBM) Secretary, ang mga chiefs ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at dalawang representatives ng land-based at sea-based-OFWs.


Para sa pagtatatag at inisyal na operasyon ng ospital, ang funding nito ay sasagutin at magmumula sa budget ng DOLE.


Pangunahing ika-cater ng nasabing ospital ang mga healthcare needs ng mga OFWs at ng mga kuwalipikadong dependents.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page