top of page
Search

ni Lolet Abania | April 25, 2022



Hindi na isasagawa ng Commission on Elections (Comelec) ang vice presidential at presidential town hall debates, kung saan kanilang ini-reschedule sa Abril 30 at Mayo 1. Sa halip, ayon sa Comelec ay magkakaroon na lamang ng panel interview sa bawat kandidato dahil anila sa tinatawag na, “inevitable scheduling conflicts".


“The Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), has announced that the concluding event of the PiliPinas Debates 2022 Series will no longer be Vice-Presidential and Presidential Town Hall Debates,” saad ni Comelec Commissioner George Garcia sa isang mensahe sa mga reporters ngayong Lunes.


“In consideration of the inevitable scheduling conflicts as the candidates approach the homestretch of the campaign period, and as advised by the KBP, the COMELEC will now be adopting a Single Candidate/Team - Panel Interview format,” dagdag niya.


Sinabi ni Garcia na ang interviews sa mga kandidato ay ipapalabas mula Mayo 2 hanggang 6.


“All will be entitled to a 1 hr panel interview,” ani Garcia na dagdag niya, ang mga kandidato ay maaaring dumalo nang virtual o face-to-face.


Binanggit naman ni Garcia sa isang panayam na ang gagawing interview ay puwedeng one-on-one o may “partner” o “tandem".


Ayon pa sa opisyal, mag-iisyu rin ang Comelec ng advisory kaugnay sa naturang event.

Ang KBP na ang magiging partner ng Comelec sa event, dahil ito sa isyung kinasangkutan ng Impact Hub Manila, ang kanilang dating partner sa naunang presidential at vice presidential debates.


Unang naitakda ang town hall debates — ang pinal na mga debate bago ang May 9 elections — na gaganapin sana noong Abril 23 at 24. Subalit, iniurong ito nang Abril 30 at Mayo 1 sa gitna ng mga reports na ang Impact Hub Manila ay nabigong makapagbayad nang buo sa Sofitel Garden Plaza, ang official venue ng mga debates, para sa mga natapos nang mga debate.


 
 

ni Lolet Abania | April 24, 2022



Mahigit sa 100 katao ang namatay matapos ang pagsabog sa isang ilegal na oil refinery na matatagpuan sa border ng Rivers at Imo states sa Nigeria, ayon sa isang local government official at environmental group nitong Sabado.


"The fire outbreak occurred at an illegal bunkering site and it affected over 100 people who were burnt beyond recognition," sabi ng state commissioner for petroleum resources na Goodluck Opiah.


Batay sa ulat ng pulisya sa nasabing lugar, ang pagsabog ay naganap nitong Biyernes subalit hindi na sila nagbanggit pa ng ibang mga detalye hinggil sa mga nasawi sa insidente.


Ayon kay Rivers state police spokeswoman Grace Iringe-Koko, nangyari ang explosion sa boundary ng Rivers at Imo states sa isang illegal oil refining depo.


Sinabi naman ni Youths and Environmental Advocacy Centre Executive Director Fyneface Dumnamene na ilan sa mga katawan ng mga namatay ay hindi na makilala pa dahil sunog na sunog ang mga ito, habang tinangka naman ng iba na makaligtas, kung saan nakita na lamang sila na nakasabit sa mga puno.


“Several bodies burnt beyond recognition lay on the ground while others who may have attempted running for safety are seen hanging on some tree branches,” ani Dumnamene.


“The Rivers state governor has made a push recently to stamp out illegal refining in Rivers so it has to move to the fringes and neighboring states. In the last month or two, there were several raids and some security agents involved were tackled,” ayon naman kay Ledum Mitee, dating presidente ng Movement for the Survival of the Ogoni People (MOSOP).


 
 

ni Lolet Abania | April 24, 2022



Sugatan ang apat na indibidwal matapos na sumabog ang bomba sa loob ng bus na kanilang sinasakyan sa Parang, Maguindanao, ngayong Linggo nang umaga.


Ayon kay Brig. Gen. Arthur Cabalona, police regional director ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ang Rural Transit Bus ay nag-stopover sa Barangay Making ng nasabing bayan nang mangyari ang insidente.


“Nag-stopover sa Parang. And while the passengers were having breakfast, may sumabog sa back portion ng bus,” pahayag ni Cabalona.


Nabatid ng mga awtoridad na isang improvised explosive device (IED) ang itinanim sa loob ng naturang bus, kung saan patungo ito sa Dipolog City mula sa General Santos City.


Agad na dinala ang apat na pasaherong nasugatan sa ospital habang kasalukuyan na silang ginagamot.


Sa ngayon, tsini-check na rin ng pulisya ang CCTV surveillance footage mula sa lugar para matukoy kung sino sa mga pasahero ng bus ang biglang nawala bago pa ang pagsabog.


“May mga CCTV camera along the vicinity. Kinukuha na po natin ‘yan to see those passengers and their faces kung sino ‘yung nawala. Probably ‘yun magiging persons of interest natin and at the same time, an investigator is also sent to the owner of the bus company to conduct questioning,” sabi ni Cabalona.


Habang inaalam pa ng pulisya ang motibo sa naganap na pagsabog, ayon kay Cabalona, tinitingnan naman nila ang nakalap na mga reports hinggil sa aniya, “reports of extortion or attempts of extortion".


Ang nangyaring pagsabog ay ilang metro lamang ang layo mula sa regional headquarters ng BARMM police.


Inilagay naman sa bagong ruta ang bus na sangkot sa pagsabog, kung saan inilunsad lamang ito noong Marso na bumibiyahe mula General Santos patungong Dipolog via Cotabato City.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page