top of page
Search

ni Lolet Abania | August 11, 2021


ree

Isinailalim ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang 37 lugar sa 14-day special concern lockdown dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa naturang komunidad.


Sa isang statement, nilinaw ng Quezon City local government unit (LGU) na may partikular na lugar lamang ang isasailalim sa isang special concern lockdown, at hindi ang buong barangay nito.


Ayon sa LGU ng QC, magpapamahagi sila ng mga food packs at essential kits para sa mga apektadong pamilya, habang sasailalim ang mga ito sa swab testing sa COVID-19.


Una nang nai-report na ang Quezon City ang may pinakamataas na bilang ng bagong kaso ng COVID-19 sa mga nakaraang araw, batay sa OCTA Research Group nitong Martes.


Sa kanyang opisyal na Twitter account, nai-post ni OCTA fellow Dr. Guido David na sa pinakabagong report ng grupo, nabatid na ang mga bagong kaso ng COVID-19 ng nasabing lungsod ay umakyat ng 25% mula sa 312 noong Hulyo 27 hanggang Agosto 2, na naging 389 mula Agosto 3 hanggang 9. Gayundin, ang siyudad ay mayroong average daily attack rate ng 12.22 at intensive care unit (ICU) utilization rate ng 78%.

 
 

ni Lolet Abania | July 25, 2021



ree

Isinailalim ang San Roque Cathedral sa Caloocan City sa pansamantalang lockdown matapos na isang guest priest ang namatay nitong Sabado nang umaga.


Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines president-elect at Diocese of Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, si Fr. Manuel Jadraque Jr. (“Fr. Mawe”) ng Mission Society of the Philippines ay nagpositibo sa test sa COVID-19 sa ginawang post-mortem swab testing sa kanya.


“We regret to inform you that the Caloocan City Government’s Covid Command Center has ordered the temporary lockdown of the San Roque Cathedral starting tomorrow, Sunday, July 25, which is supposed to be our celebration of the World Day for Grandparents and the Elderly People,” batay sa liham ni Bishop David.


Gayunman, sinabi ni David na ang dalawang misa ngayong Linggo ay nagsagawa ng “sine populo” (walang kongregasyon), isang alas-9:00 ng umaga at alas-5:00 ng hapon, kung saan pareho itong naka-live stream online gamit ang Facebook page ng Diocese of Kalookan. Ayon sa obispo, sumakay si Fr. Mawe sa tricycle sa Monumento para makarating sa cathedral nu'ng Sabado nang umaga. Subalit pagdating sa lugar, aniya,


“He was found unresponsive and very pale inside the tricycle.” Isinugod agad si Fr. Mawe sa ospital subalit idineklarang dead-on-arrival. Sinabi pa ni Bishop David, si Fr. Mawe, 58, ay fully vaccinated na at inakala nilang ito ay “napakalusog.”


Hiniling naman ng obispo sa city government ng Caloocan na mabigyan sila ng specimen sample mula sa yumaong pari para makapagsagawa ng genome testing at madetermina kung anong coronavirus variant ang tumama kay Fr. Mawe.


 
 

ni Lolet Abania | July 7, 2021


ree

Isinailalim sa lockdown ang isang istasyon ng pulisya matapos na magpositibo ang 13 police officers sa COVID-19 sa Arevalo, Iloilo City.


Ang Iloilo City Police Station 6 ng nasabing lalawigan ay ini-lockdown simula kahapon, Martes, upang magbigay-daan sa disinfection sa gusali nito. Hindi naman binanggit ng mga awtoridad kung gaano katagal ipatutupad ang lockdown ng istasyon.


Ayon kay Iloilo City Police Office (ICPO) Director Police Col. Uldarico Garbanzos, unang sumailalim sa swab test ang mga pulis na nakasalamuha ng kabarong nasawi dahil sa cardiac arrest na positibo rin sa COVID-19 nitong Hunyo 25. Apat sa mga pulis ang nagpositibo sa COVID-19 matapos lumabas ang resulta ng kanilang RT-PCR test.


Agad namang isinailalim sa swab test ang naging close contacts ng apat at sa naging resulta nitong Hulyo 6, siyam pang mga pulis ang nagpositibo rin sa COVID-19.


Gayunman, agad na ipinasara ng ICPO ang gusali ng Iloilo City Police Station 6 kahapon. Dinala na sa isang quarantine facility ng lugar ang 12 pulis na pawang mga asymptomatic habang nasa ospital ang isang pulis matapos makitaan ng sintomas ng sakit.


Isinailalim naman sa strict quarantine ang iba pang miyembro ng pulisya ng naturang istasyon, kabilang na rito ang kanilang hepe. Dinagdagan din ng mga operatiba ang ICPO para sa patuloy na operasyon kahit naka-lockdown ang naturang istasyon ng pulisya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page