top of page
Search
  • BULGAR
  • Nov 15, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 15, 2023



“Parang ang lalim ng iniisip mo, ah?” Wika ni Maritoni habang papalapit kay Mark Ferrer.


Ito na kasi ang hinihintay niyang pagkakataon para makapag-usap sila. Gusto niyang imbestigahan ang pagkatao nito, ngunit aalamin muna niya ang istorya nito.


Tonette…” nakangiting tugon ni Mark.


Napangiwi siya sa itinawag nito sa kanya. Pakiramdam niya tuloy ay isa siyang bakla. Kung bakit ba naman kasi sa dami ng pangalan ay iyon pa ang naibulalas niya.


“Ikaw yata itong may problema, eh.” Natatawang sabi nito.


“Nami-mental block lang ako.”


“Ayan naman ang laging ikinakat’wiran ng mga manunulat kapag tinatamad sila.”

“Ikaw ba, rito ka lang?” Nahagilap niyang tanong.


“I mean, wala ka bang trabaho?” Dagdag pa nito.


“Tulad mo, Mass Com din ang course ko.” Sagot naman ni Mark.


Gusto sanang sabihin ni Maritoni na ang kanyang course ay Criminology at hindi Mass Com. Buti na lang ay mas umiral ang katinuan ng kanyang isip sa mga sandaling iyon.


“Nagsusulat ka rin?”


“Hindi, mas komportable ‘pag sa bahay lang.”


Napahagikgik naman siya sa sinabi nito gayung lumang joke na iyon. Kung maririnig lang ni David ang pinag-uusapan nila, tiyak na magrereklamo ito. Ni ngiti kasi ay hindi niya magawa kapag humirit na ito sa kanya ng kakornihan.


“Pero, iba si Mark” wika niya sa kanyang sarili. Nang tanungin niya ang sarili kung bakit iba si Mark agad naman niya itong sinagot na bantay siya rito eh. Kaya, kailangan niyang magpanggap na nasisiyahan kahit na kakornihan dito.


“Wala ka bang boyfriend?”


“Naku, wala.”


“Sa ganda mong ‘yan?”


“Malabo ba mata mo?” Tanong niya rito.


Hindi dapat siya kiligin sa mga simpleng banat nito pero iyon ang nangyari.


“Napakalinaw ng mata ko para makita ang kagandahan mo.”


“Bolero ka rin pala.”


“Hindi pambobola ang pagsasabi ng katotohanan,” wika nito sabay titig sa kanya.


Makalipas ang ilang sandali, napabuntong hininga siya sabay sabing, “subalit hindi ako maniniwala kapag may lumapit sa akin at sinabing


mamahalin niya ako. Hindi ako maniniwala dahil karamihan sa mga babae ay manloloko.


Madalas sa mga babaeng panay ang punta sa simbahan, sila pa ang ‘di mapagkakatiwalaan” wika nito habang nanlilisik ang kanyang mga mata.


Itutuloy…


 
 
  • BULGAR
  • Nov 14, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 14, 2023



“Partner naman, eh!” pagrereklamong sabi ni David.


Hindi niya lubos akalain na hihirit pa si Maritoni na i-extend ang kanyang pagpapanggap bilang madre. Nang nakita pa naman niya ito para siyang nakakita ng anghel na bumaba galing sa langit dahil akala niya hindi niya na kakailanganin pang magpanggap at magsuot ng damit pangmadre.


Pero, akala niya lang pala ‘yun.


“Bigyan mo naman ako ng respeto. Aba’y bading na bading na ang tingin ko sa sarili ko.”


“Ang ganda mo nga eh,” tudyo nito sabay hagikgik.


“Kaya nga ibinigay ko sa’yo ang pagkakataon na ‘yan. Aba, minsan lang dumating sa buhay mo ‘yan!” Dagdag pa nito.


“Hindi ako nagbibiro, misyon mo ‘to, kaya ikaw ang dapat na…”


Ang misyon ko ay mahuli ang serial killer, hindi ko iyon magagawa kung nandito lang ako sa loob ng kumbento. Siyempre, kailangan kong imbestigahan ang suspek at ‘yun ay walang iba kundi si Mark Ferrer. Paano ko ‘yun magagawa kung nakadamit akong pangmadre? ‘Di naman ako puwede lumabas kaya kinakailangan ko ng tulong mo. Kailangan mo silang bantayan para magawa ko ang aking misyon.”


“Sigurado ka bang magagawa mo?” Naghahamong tanong niya rito.


Hindi niya na napigilan na maging sarkastiko dahil sa inis na kanyang nararamdaman sa kanyang partner.


Nasimulan ko na, at kasalukuyan akong nare-rent sa paupahan niya kaya tiyak na marami akong malalaman.” Sagot nito habang tumatangu-tango.


“Talaga bang nakakatiyak ka na hindi ka nag-aaksaya ng oras sa taong ‘yun?” Badtrip pa ring tanong ni David.


Hindi agad kumibo si Maritoni pero nang magsalita ito, parang Christmas light na nagniningning ang kanyang mga mata.


“Mula sa mga katiwala niya, natuklasan kong magkikita sina Mark Ferrer at Sister Luna ng gabing natagpuang wala nang buhay si sister. Kaya malaki ang posibilidad na may kinalaman siya rito.”


Ito rin kasi ang tamang panahon para gawin niya ang kanyang pinaplano. Pasalamat na lang talaga siya at binigyan siya ng pagkakataon ng kanyang partner.


Itutuloy…


 
 
  • BULGAR
  • Nov 11, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 11, 2023



“What a small world,” hindi napigilang sabihin ni Maritoni. Hindi niya kasi lubos akalain na ang bahay na uupahan niya ngayon ay pag-aari pala ng isang lalaki na plano niyang imbestigahan. Nang ma-realize niyang nakatingin sa kanya ang dalawang matanda biglang gumana ang kanyang isip at napakanta siya.


“It’s a small, small world. Naalala ko ‘yang kanta na ‘yan nang magpunta kami ng parents ko sa Disneyland.”


“Hindi namin alam kung saang lupalop ang sinasabi mo, ineng.”


“Tonette po,” pagtatama niya sa sinabi ni Manang Teresita.


“Ay, pangalan ng bading,” wika naman ni Mang Roger sabay halakhak.


Bigla tuloy siyang napangiwi. Talaga naman kasing pangalan ng bading ang pangalang pumasok sa kanyang isip at kinuha niya lang ito sa pangalan ng isang beautician na walang ibang sinabi sa kanya kundi “ayusan kita”. Pakiramdam niya tuloy sa tuwing sinasabi ‘yun ng beautician ay ang pangit-pangit niya.


“Beki ho kasi ang nagpalaki sa akin,” pagsisinungaling na tugon ni Maritoni.


“Naku iha, pasensya ka na kung masyadong matabil ang dila ng asawa ko.”


“Okey lang ho, wala pong problema ru’n.”


May bf ka na ba?” Biglang tanong sa kanya ni Mang Roger.


Hindi niya alam kung para saan ang tanong nito, ngunit buong tapang niya pa rin ito sinagot. “Naku, wala po akong panahon sa lalaki. Istorbo lang ‘yan sa buhay ko.”


“Sayang ipapakilala pa naman sana kita kay Boss Mark.”


Bago pa man niya masabi na, “sige po ipakilala n’yo ho ako sa aking future husband,” nang may biglang nagtanong kina Mang Roger at Manang Teresita na “kanino n’yo ho ako ipapakilala?”


Bigla tuloy siyang napalingon at laking gulat niya nang makita niya si Mark Ferrer. Para bang gusto niyang murahin ang kanyang sarili dahil hindi niya mapigilang matulala rito at kasabay nu’n ay ang biglang pagkabog ng kanyang puso.


Bigla tuloy siyang napaisip na kaya baka gusto niyang makilala si Mark Ferrer ay dahil gusto niyang magkaroon ng pagkakataon para magpa-cute rito.


Tumigil ka! Sawa’y niya sa kanyang sarili. Pakiramdam niya tuloy ay bigla siyang sinapian ng malanding bading, at para bang gusto niyang magpabugbog na lang para tumino siya. Kailangan kasi niyang ipaalala sa kanyang sarili na maaaring si Mark Ferrer ang serial killer na kanilang hinahanap.

Itutuloy…




 
 
RECOMMENDED
bottom of page