top of page
Search
  • BULGAR
  • May 24, 2022

ni Hannah Mikhaela Regio-Segovia - @What's In, Ka-Bulgar | May 24, 2022


Pinagsikapang magsaliksik,

Nagtiyagang pag-aralan ng tahimik,

Nagsuri ng mga resibo ng katotohanan,

Nang mga nagawang tunay na pinag-ukulan.


Tinanto kung talagang tama ba,

Itong pinili naming itakda,

Kaya kayang paunlarin o man lang ba’y baguhin

Ang bayang kay tagal nang sa kahirapan ay alipin?


Nanghikayat ng iba, pinakita ang mga patunay,

Baka sakali, baka sakaling hawak-kamay

Tayo’y tumindig at harapin ang pagbabagong

Maaring bumago sa buhay natin at sa susunod na henerasyon.


Ngunit sa kabila ng lahat, iba ang naging resulta.

Kadalasan pa’y nakakantyawan, minsan di’y naaalipusta,

Pinili’y batay sa nakasanayan, batay sa gusto ng karamihan,

Pinalagpas ang pagkakataong mas maayos na bayan ay matamasa.


Magkagayon may, masaya’t taos-pusong kami ay tumindig,

Para sa bansang ikinaloob ng Diyos nating iniibig,

Panatag na nagnilay batay sa tulong ng Maykapal,

Humakbang na may usal na dalangin para sa bayan kong mahal.


Tinatanggap ang resulta gaano man ito kasakit,

Sana lamang talaga, pareho tayo ng adhikain,

Adhikaing para sa bayan, hindi puro para sa sarili,

Nang mapanatag ang kaloobang sadlak ngayon sa pighati.


Sana, sana lamang talaga

Sana kami ay mali.


 
 

ni Mharose Almirañez | May 22, 2022



ree


“Napakahirap mong mahalin!” Sumbat ni misis sa babaero’t gastador na mister.

Umaasa siya na magbabago ang asawa upang ayusin ang kanilang pamilya, alang-alang sa mga bata. Subalit makalipas ang anim na taong pagsasama ay natukso na naman ito at nagpalamon sa bulok na sistema.


Bagama’t hindi pa tapos ang laban ay posibleng may nanalo na sa puso ni mister. Nakakalungkot lang isipin na nadamay pa sa kanilang gulo ang iba nilang kamag-anak at kaibigan. Nahalungkat din, maging ang milyones nilang utang at iba pang kalokohan noon.


Dapat pa nga bang lumaban si misis kahit matagal nang sumuko si mister? Sino sa kanila ang totoong talunan? Paano na ang mga bata?


Sa artikulong ito ay ilalahad ko sa inyo ang madaling paraan para matanggap ang pagkatalo:


1. ‘WAG MAGPADIKTA. Ito ‘yung mga bulong sa paligid na nagsasabing gantihan mo siya. Gawin mo kung ano ang ginawa sa ‘yo. Naku, mare, ‘wag na ‘wag kang magpapadikta sa bulong at sulsol dahil kung gagawin mo ‘yan ay wala ka na ring pinagkaiba sa cheater.


2. MAGING MULAT. Since nagising ka na sa katotohanan, mahirap nang baliin ang iyong mga paniniwala. Kaya naman, ‘wag na ‘wag kang magiging marupok kung sakaling bumalik siya sa ‘yo dahil paniguradong uulitin lang nito ang ginawang panloloko sa ‘yo noon. Never again, mare.


3. SUPORTAHAN NA LANG SILA. Marami na ang nagpahatid ng pagbati sa kanilang relasyon, at tila “Congratulations”, “Best wishes,” at “Regards” na lang mula sa ‘yo ang kulang upang tuluyan silang maging masaya. So, mare, ‘wag ka nang maging bitter. Ipaubaya mo na sa “other woman” ang minsang naging sa ‘yo. Maniwala kang hindi niya kokontrolin, aabusuhin at ipapahamak ang iyong pinakamamahal. Maniwala ka sa kakayahan niya at suportahan na lamang sila.


4. LUMAYO. Habang nagninilay-nilay ka sa malayong lugar, malaya ka ring makipagkilala sa iba’t ibang tao, kumbaga, mag-build ka ng mas maraming connections. Malay mo, sa iyong pangingibang-bansa ay du’n ka makahanap ng bagong partner.


5. MAGNILAY-NILAY. Isipin mong maigi ang iyong mga nagawa sa nagdaang anim na taon. Kung sa tingin mo ay hindi ka nagkulang, baka naman kasi sumobra ka? Ano bang mayroon ka na wala ‘yung iba? Bakit siya at hindi ikaw? Kanino ka ba nakikinig? Puwede ring wala sa ‘yo ang problema kundi nasa mga taong nakapaligid sa iyo.


Iba’t iba man ang pinagdaraanan natin sa buhay, may mga laban talagang hindi natin sinusukuan sa pag-asang magkakaroon ng pagbabago. ‘Yun nga lang, hindi sapat ang pagmamahal para ipanalo ang laban na mayroong ibang isinisigaw.


Gets mo?


 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| May 17, 2022


ree


Ayon sa mga eksperto, ang alak ay isang diuretic o substance na nagiging sanhi ng increased production ng urine o ihi, na nagreresulta naman ng dehydration.


For sure, lahat tayo ay may kilalang manginginom or tayo mismo ‘yun?


At bagama’t alam natin na ang labis na pag-inom ay may hindi magandang epekto sa ating katawan pagkalipas ng mahabang panahon, anu-ano naman ang senyales na “heavy drinker” o malakas tumoma ang isang tao?


1. WRINKLES. Dahil isang diuretic ang alak, nagiging sanhi ito ng dehydration, at ang dehydrated skin ay lumulubog at kumukulubot. Sey ng experts, ang older-looking skin ay maaaring may kaugnayan sa kung paano nade-detoxify ng katawan ang alak sa pamamagitan ng pag-recruit ng ilang nutrients at antioxidants sa atay. Gayundin, naaapektuhan ng alak ang pagtulog, kaya naman ang hindi magandang tulog ay nakakabawas sa “repair time” ng balat.


2. REDDISH FACE. Normal ang pamumula ng mukha para sa mga alcohol drinker dahil ang alak ay isang inflammatory. Ayon sa mga eksperto, ‘pag inflamed o namamaga ang balat, posible itong mauwi sa kondisyon na rosacea. Ang rosacea ay nakikita sa pagkapula ng mukha, at minsan, ito ay nasa tainga, likod at dibdib. Puwede rin itong maging acne-like bumps o ‘yung mga bump na tila taghiyawat. Bagama’t may mga cream o gamot na nakakatulong sa kondisyong ito, band-aid solution lamang ito para sa mga heavy drinker o may alcohol abuse.


3. BRITTLE NAILS AND HAIR. Tulad ng nabanggit, ang alak ay isang diuretic at dahilan ng dehydration. Bagay na nakakaapekto sa balat at mga kuko, kaya naman nagiging malutong ang mga ito at nagbibitak. Giit pa ng mga eksperto, ang pagnipis at hair loss ay long-term effect ng heavy drinking, lalo na sa mga taong malnourished. Kaya paalala ng mga eksperto, kumonsumo ng tamang dami ng vitamins, mineral, proteins, fats at carbohydrates na mahalaga para magkaroon ng healthy scalp at hair.


4. STAINED/YELLOW TEETH. Ayon sa mga eksperto, ang acid content ng alak ay nagiging sanhi ng pagkawala ng tooth enamel, na dahilan ng pagkapit ng mga kulay ng inumin sa ating mga ngipin. Bukod pa rito, posible ring mauwi sa mas seryosong kondisyon ang heavy drinking tulad ng gum disease, tooth decay, mouth sours at oral cancer.


5. DISPROPORTIONATE BELLY AND BODY. Knows n’yo ba na hindi lamang beer drinkers ang prone sa “beer belly”? Ang mga diet-conscious alcoholic beverages tulad ng vodka at soda ay puwede ring maging sanhi ng disproportionate belly weight. Ito ay dahil ang alak ay nakakapagpataas ng estrogen production at nakakapagpababa naman ng testosterone production, na may kaugnayan sa pagtaas ng breast tissue at “truncal obesity”. Paliwanag ng mga eksperto, ang belly fat ay nakapaligid sa inner organs at may kaugnayan sa panganib ng serious conditions tulad ng heart disease, diabetes at liver disease. At habang tumatagal at lumalala ang alcohol abuse, tumitigas ang tiyan, at ang fluid buildup ay posibleng senyales ng liver damage.


6. YELLOWISH SKIN. Ang jaundice o yellowish skin ay senyales ng liver disease. Maaari itong mangyari ‘pag hindi na kayang i-filter ng atay ang yellow-orange substance sa dugo, kaya ito ay nakikita sa balat. Gayunman, para sa mga taong may darker complexion, mas nakikita ang kulay sa ‘whites’ ng kanilang mga mata.


Hindi naman masamang uminom ng alak basta’t may moderation. ‘Ika nga, ang lahat ng sobra ay masama, at ‘wag nating hintayin na mapasama tayo bago matauhan.


Ilan lang ‘yan sa mga senyales na heavy drinker ang isang tao at kung ikaw ay manginginom, itsek ang sarili kung nararanasan mo na ang mga nabanggit sa itaas. At para makasigurado, oks ding kumonsulta sa doktor para sa kaukulang aksiyon.


Tandaan, hindi dapat ikahiya ang kondisyon na ito, ang importante, willing kang umaksiyon para maiwasan ang malalang epekto nito. Okie?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page